Itinanghal si Paolo Miguel G. Tiausas na KWF Makata ng Taon 2021 pára sa kaniyang tulang “Iláng Memorándum Mulâ sa Kágawarán ng Pag-iisá.” Makatatanggap siyá ng PHP30,000, plake, at medalya.
Nagwagi din si Francisco Arias Montesena ng ikalawang gantimpala pára sa kaniyang tulang “Sulyáp, Pangárap sa Mundóng Natitilád.” Makatatanggap siyá ng PHP20,000.00 at plake. Hinirang naman si Ariel Sotelo Tabag sa ikatlong gantimpala pára sa kaniyang tulang “Paubayà sa Lupà at ibá pang Tulâ.” Makatatanggap siyá ng PHP15,000.00 at plake.
Si Paolo Tiausas ay manunulát mula sa Lungsod Pasig. Nakapagtapós siyá ng BFA Creative Writing mula sa Pamantasang Ateneo de Manila noong 2013 at sa parehong pamantasan ay ginawaran ng Loyola Schools Awards for the Arts (Tulâ) at Joseph Mulry Award for Literary Excellence. Naging fellow na siyá sa tulâ pára sa Ateneo National Writers Workshop (2012) at IYAS National Writers Workshop (2014). Noong 2015, napabílang siyá sa shortlist ng Ateneo Art Awards pára sa Purita Kalaw-Ledesma Prize for Art Criticism. Noong 2016, nagkamit siyá ng ikatlong gantimpala sa kategoryang maikling kuwento sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.
Kasalukuyan siyáng kabílang sa sangay ng pátnugután at produksiyon ng Ateneo de Manila University Press. Naglilingkod din siyá paminsan-minsan bílang freelance book designer, layout artist, editor, at guro.
Sa taóng ito ay nagbigay ng mga karangalang banggit ang Komisyon sa Wikang Filipino kina Icon Matthew Cayso Monit pára sa kaniyang tulang “Bákit Masaráp Magíng Aytá,” Philip Yerro Kimpo Jr. pára sa tulang “Sa Panlása,” at Paterno Buban Baloloy Jr. pára sa tulang “Láging Kapós Ang Manggás ng Gunitâ.”
Ang Talaang Ginto: Makata ng Taón ay isang patimpalak sa pagsúlat ng tulâ na itinaguyod ng KWF na naglalayong pasiglahín at pataasín ang urì ng panulaang Filipino sa pamamagitan ng pagkilála sa mga batikan at baguhang talino at tinig sa sining ng tulâ.