Ni Dr. John Iremil Teodor
MAHALAGA sa mga tulad kong nasa early 50s na ang makahanap ng lugar kung saan magreretiro. Mapalad ako na sa edad na 51 natagpuan ko na ito: ang isang magandang lugar sa bundok na ang tawag ay Aningalan sa bayan ng San Remigio, Antique. Mga isang oras lang na drive mula sa ancestral house namin sa Maybato sa bayan ng San Jose de Buenavista.
Nang umakyat kami noong Sabado, Disyembre 21, makapal na ang ulap sa kabundukan at umaambon na. Katanghaliang tapat iyon ngunit mabugnaw ang may kalakasang ihip ng hangin. Umulan nga buong hapon. May low pressure area kasi banda sa Mindanao. Apektado ang ilang bahagi ng Kabisayaan. Wala namang direktang epekto ito sa amin sa San Jose pero dito sa Aningalan mukhang feel na feel.
Dalawang magkasunod na gabi na nagabagrong at sumisipol ang hangin. Maingay ang sliding door ng tinitirhan naming cottage na yari sa container van dahil sa malakas na hangin. Masarap pa rin naman ang tulog namin ni Jay. Dito kami sa Aningalanja nakatira, ang paborito naming maliit na resort dito sa Aningalan.
Iba talaga ang natural na lamig. Sa Maybato hindi nawawala ang sipon at ubo ko dahil kapag nasa kuwarto ako ay malamig at paglabas ay mainit. Sinisipon talaga ako kapag nasa loob ako ng silid na naka-aircon. Saka hindi mawala-wala ang ubo ko dahil kahoy at uling pa rin ang ginagamit sa pagluluto ng mga kapitbahay namin. Amoy na amoy ko ang usok. Isa pa, uso pa rin sa amin ang pagsisiga. Sinusunog pa rin sa bakuran ang mga winalis na mga tuyong dahon at ang mga basura. Kami ni Jay ay nagsusunog din kung minsan.
Pero dito sa Aningalan, malinis talaga ang hangin. Nawala agad ang sipon ko. Kahit malamig at kahit naulanan pa ako ay nawala ang aking ubo.
Noong Lunes ng umaga matapos namin magkape, naglakad kami ni Jay pababa sa sentro ng barangay. Half-way mula sa tinitirhan namin ay may bahaging makikita ang dagat partikular ang malaking bunganga ng Ilog Sibalom sa San Pedro, San Jose de Buenavista. Doon ay may signal ang cellphone! Two bars lang pero sapat para makapag-check kami ng Facebook at group chat namin at makapag-PM na rin sa ilang kaibigan. Sa kabilang bahagi ay may railing na bakal na proteksiyon sa mga sasakyan dahil malalim ang bangin. Kayâ tinatawag ko itong “tulay na may signal.” Doon kami nakaupo sa railing habang nagsi-cellphone.
Mula doon ay nagyaya si Jay na pumunta kami ng Aningalan’s Highlands Strawberry Garden. Sikat ito na destinasyon sa Aningalan dahil ito ang pinakaunang strawberry farm dito. Maganda ang restawran nila. May matinong brewed coffee at mga coffee and milk shake. Okay din ang mag-lunch doon. Ang pinakagusto ko sa lugar na ito ay ang view ng mga bayan ng Sibalom at San Jose de Buenavista, at ang Dagat Sulu. Dahil dito may signal ang LTE doon. Siguro kung may powerful na teleskopyo ay bakâ makikita pa ang bahay namin sa Maybato! May makikitang dalawang puting gusali na umuusli sa luntiang tanawin sa dalampasigan at natitiyak naming Robinson Place Antique at Antique Medical Center iyon na walking distance lang sa bahay namin. Sa third floor ng Robinsons, kapag maganda ang panahon, makikita ang Aningalan at ang mga katabi nitong kabundukan.
Ang isyu ko lang talaga sa Highlands Strawberry na isyu ko rin sa ilang resorts pa rito sa Aningalan, ay ang mga higanteng simento na istroberi, at estatwa ng karakter sa Squid Game at mga American superheroes na masyadong masakit sa mata at mapanira sa kagandahan ng Aningalan!
Paulit-ulit ko ngang sinasabi sa kaibigan kong si Robler Pechueco na siyang presidente ng Aningalan Business Association na mag-bench mark sila sa Ubud sa Bali, Indonesia para makita nila kung paano pini-preserve at pino-promote ng mga resort at restawran ang Balinese art at architecture. Siyempre, gusto ko rin maobserbahan nila ang trapik, ang pagiging over crowded ng ilang lugar, at ang hindi nama-manage nang maayos na basura para maiiwasan itong mangyari sa Aningalan balang araw.
Ang Aningalan ay nasa central Panay na may tradisyon ng Panay Sugidanën ng mga Panay Bukidnën. Maaaring ito ang susundang motif ng mga resort at restawran dito kagaya ng paggamit ng Bali ng motif ng Ramayana. Nandiyan din ang patadyong, ang Maragtas o folk history ng sampung datu mula sa Borneo na nag-migrate sa Panay.
Palabas ng Highlands Strawberry ay dadaan sa likod ng Aningalan Integrated Farm School (AIFS). May ilang classroom na ginagawa ngayon doon. Sabi ni Jay, mag-short cut kami doon pa-highway. Dahil nga may construction, nawala ang chicken wire na bakod. Sabi namin pumasok na kami sa school grounds at kung may sisita sa amin ay magtatanga-tangahan na lamang kami na kunwari naliligaw kami. Sabi ko, mas maganda yata na sabihin na lang natin na gusto nating makita ang hardin nila ng mga gulay at bulaklak.
Dedma ang mga construction worker sa amin kung kayâ malaya kaming nakapag-explore sa maliit na kampus. May isang bagong gawa silang greenhouse na kasing laki ng klasrum. May taniman din sila ng mga talong, kamatis, at petchay. At siyempre may raised bed sila ng istroberi! May maliliit na berde at pink na bunga. May ilang malaki nang bunga na ready for picking na.
Pagdating namin sa maliit na sentro ng paaralan kung nasaan ang flag pole ay humuni ang kabaduyan alarm ko! Mukhang giant istorberi ang foundation ng flag pole! Simento pa lang at hindi pa napipinturahan ng pink. Pero unmistakably cement strawberry ito. Pero hindi ito kasing alarming sa mga existing giant istroberi ng Aningalan sa ngayon. Na sana huwag nang madagdagan.
Napansin naming may isang bukas na opisina. Mukhang opisina ng prinsipal. May tao roon. Nag-usap pa kami ni Jay kung pupuntahan ba namin at mag-hi kami. Malapit na kami sa bukas na gate nang maalala kong may dala pala akong ilang kopya ng mga libro ko kayâ sabi ko puntahan na namin at baka puwede kaming mag-donate ng mga libro.
Mabait si Mrs. Jocelyn Alejo Gatila, ang teacher-in-charge ng AIFS. Siya ang babaeng nakita namin. Nagmagandang umaga lang kami ay agad kaming pinapasok sa opisina niya. Ayaw pa niyang hubarin namin ang maputik naming Crocs pero nakita namin na ang linis-linis ng puting tiles ng opisina niya kayâ nagpaa pa rin kaming pumasok. Ipinakilala namin ni Jay ang aming sarili, ako bilang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center ng De La Salle University sa Manila at si Jay bilang may-ari at general manager ng Sirena Books. Sinabi namin na taga-San Jose de Buenavista kami.
Nadiskubre naming may dalawa pang tao sa loob ng opisina at may mga papeles na nakalatag sa isang mesa. Sa kabilang mesa ay may pagkain. “Ay mukhang may party,” pabiro kong sabi. Nag-offer kaagad si Ma’am Jocelyn na mag-breakfast kami at tinanong kami kung ano ang gusto naming inumin. Tumatawa kaming nagpasalamat at sabi namin kakakain lang namin sa Highlands Strawberry café. Nag-trespassing lang kami sa paaralan nila dahil wala namang bakod at gusto namin makita ang garden nila. Tumawa lang si Ma’am Jocelyn at hindi kami pinagalitan.
May “visitation of the gods” pala nang umagang iyon. Mag-i-inspection daw ang taga-Commission on Audit kayâ nandoon sila sa school kahit Christmas vacation na nila. Kasama doon ni Ma’am Jocelyn ay si Mrs. Rodalyn Marfil na senior book keeper ng AIFS. Siya ang busy sa paghahanda ng sangkaterbang papeles. Sekreto akong napangiti. May acknowledgment reciept kayang pirmado ni Mary Grace Piattos? Char!
Masayang-masaya si Jocelyn nang sinabi kong gusto naming mag-donate ng libro sa kanila. Sabi ko sa kaniya ilang libro ko muna ang ido-donate ko ngayon pero sa pagbalik ko magdadala pa ako ng ibang libro. Mula elementary hanggang high school ang mga estudyante nila. Noong Hunyo 21, 2021 lamang daw opisyal na itinatag ang AIFS. Pero noong 1952 pa raw ang existing na Aningalan Elementary School.
Sinabi ko kay Ma’am Jocelyn na gusto naming makita ang library nila para malaman namin kung ano-ano pa ang maaari naming i-donate. “Wala, Sir,” sabi niya na parang embarrassed. “Anong ibig mong sabihin, Ma’am. Wala kayong library?” sabi ko. Wala silang library at para akong binuhusan malamig na tubig. Hindi ko naman ini-expect na parang library namin noon sa Assumption sa San Jose de Buenavista ang library nila pero hindi ko inaasahan na wala talaga. Nanlumo ako. Paaralan na walang library! “Kulang nga din po kami sa classroom, Sir,” sabi pa ni Ma’am Jocelyn. Tinanong ko siya na kung sakaling may mag-donate ng library, mga magkano ba ang kailangan. Sabi niya 200 to 400 thousand daw. Mabilis na kasi akong nag-iisip kung sa anong organisasyon o kanino ako hihingi at mamalimos ng pera para sa library nila. Sinabi ko rin kay Ma’am Jocelyn na subukan niyang sumulat sa Kongresman o sa Gobernador para dito. Ngumiti lang siya.
Sabi ko ang maipapangako ko lang sa ngayon ay maghahanap ako ng mga magdo-donate ng libro sa Manila para sa kanila. Sinabi ko rin na mag-coordinate kami at magbibigay din ako ng mga libreng workshop, seminar, at training para sa mga estudyante at guro nila. Pasalamat nang pasalamat si Ma’am Jocelyn sa amin. Sabi ko okey lang yun. Magiging taga-Aningalan din kami ni Jay sa madaling panahon.
Habang naglalakad kami ni Jay sa paakyat na kalsada pabalik ng Aningalanja, pinag-uusapan namin kung gaano kalaking kasalanan at kabulastugan ang ginawa ni Sara Duterte sa mga confidential fund niya. Kaya niya halimbawang gumasta ng 125 milyon sa loob ng labin-isang araw na ang acknowledgment receipts ay pirmado ng tulad ni Mary Grace Piattos at Tsitsirya Gang na ayon sa Philippine Statistics Office ay walang mga rekord sa kanila pero may mga paaralan pa rin tayong walang library. Naging DepEd Secretary pa itong si Sara na wala naman talagang alam sa edukasyon. Imagine, nag-attempt pa siyang humingi ng budget na 10 milyon para sa walang kuwenta niyang librong pambata.
Dalawapung library na iyon para sa nga paaralan tulad ng AIFS! Walang hiya talaga.
Nagpahinga kami sa tulay na may signal. Habang nagpi-Facebook ako may lumapit na babaeng magalang na nakangiti at bumati sa amin. Payat siya at sunog ng araw ang balat. Nahihiyang sinabi nito na baka gusto naming bilhin ang mga ani niyang labanos para may pang-Krisma silang magpamilya. Saka baka puwede rin daw siyang makahingi ng kaunting pamasko. May maliit siyang ecobag na dala. Inilabas niya ang tatlong balot ng labanos at inilapag sa kalsada. Tinanong ko siya kung tanim ba talaga niya ang mga iyan. Oo daw. Tig-PhP50 ang benta niya ng isang balot ng apat na medium sized na labanos. Sinabi kong bibilhin ko na lahat. Pagkatapos may inilabas pa siyang dalawang balot ng patani. Matagal na akong hindi nakakita in person ng patani! Sabi niya sana bilhin din daw namin. Tig-PhP30 ang balot na siguro one cup ng patani beans. Tinanong ko siya kung paano iyon lulutuin at kung hindi ba masisira ang mga pataning ito kung sa susunod pa na linggo lulutuin. Sabi niya lulutuin lang ito na parang monggo. Maganda raw samahan ng langka. Naisip ko ang sangkterbang langka namin sa bahay sa Maybato. Mukhang hindi KBL kundi PBL na ang lulutuin namin sa New Year—from Kadyos-Baboy-Langka to Patani-Baboy-Langka na.
Siyempre dahil likas akong peryodista, ininterbiyu ko muna si Rosemarie Gomez. Tunog artista ang kaniyang pangalan pero hindi ko na ito sinabi sa kaniya. Taga-Osorio Dos daw siya, baryo na isang oras at kalahating lakad ang layo mula sa Aningalan. Pero dito raw sila sa Aningalan nagtatanim ng mga gulay ng kaniyang bana dahil wala raw supply ng tubig sa Osorio at hindi sila makapagtanim doon. “Manang ako nang manang sa ‘yo tapos mas matanda pa pala ako sa ‘yo,” pabiro kong sabi. “Ilang taon ka na ba?” tanong ko. Natigilan ako sa aking narinig: 42. Mukha kasi siyang matanda na. Pinilit kong tumawa at nagsabing mas matanda nga ako sa kaniya.
PhP210 ang lahat ng babayaran namin sa kaniya. Wala na akong barya sa wallet ko. Tinanong ko si Jay kung meron siya. PhP100 na lang ang barya niya. Pero may nakita akong PhP500 sa wallet niya. Sinabi kong iyon na ang ibigay kay Rosemarie para kasama na ang pang-Krismas. Tuwang-tuwa si Rosemarie habang nagpapasalamat. May pambili na raw siya ng bigas.
“Sila ang mga kinalimutan na ng gobyerno. Naaalala lamang sila ng mga politiko kapag eleksiyon,” sabi ni Jay habang pinapanood naming pababa ng kalsada si Rosemarie papunta sa sentro ng Aningalan kung saan may mga tindahang nagbebenta ng bigas. “Kayâ kapag dito na tayo nakatira, mag-organize tayo ng weekend farmers’ market. Tapos punta tayo ng Osorio at magbigay ka ng training sa permaculture,” sabi ko. May formal training si Jay sa permaculture mula sa Kabiokid Foundation. “Andami nating gagawin, Baby!” sabi kong tumatawa. Tumawa na rin lang si Jay. Kung minsan talaga pagtatawanan mo na lang talaga ang pagiging walang kuwenta ng gobyerno.
Nagdala ako ng jogging pants kasi iniisip kong magsimba sa araw ng Pasko. Nagtanong ako sa Tourist Assistance Center ng barangay kung may misa ba sa Disyembre 25. Ang sagot sa akin ng babae roon na nagtitinda ng lettuce at mga halaman, wala raw. Iba-iba raw kasi ang relihiyon ng mga tao sa Aningalan at kaunti lang daw ang mga Katoliko. Kaya’t hindi na pumupunta ang pari doon para magmisa. Sa banwa o town proper talaga ng San Remigio puwede magsimba.
Oh well, you can’t have it all. Magdasal na lang akong mag-isa. Araw-araw naman ay talagang nagdadasal ako, paggising sa umaga at bago matulog. Pero gusto ko lang sanang magsimba kami ni Jay sa araw ng Pasko kahit na hindi naman siya palasimba at napipilitan lang kapag inaakay ko. Third anniversary kasi namin sa December 25. Gusto kong magpasalamat sa Diyos sa isang misa. Magpapasalamat ako hindi lang para sa amin ni Jay kundi para sa lahat ng buhay ng Mahal na Makaaku sa mga mahal ko sa buhay.
Salamat sa Diyos at mayroon kaming Aningalan ni Jay.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.