Patriotic children

By Jaime Babiera

“Education is intertwined with national security.”

Iyan ang tugon ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte nang tanungin ng media kung bakit importante sa kagawaran ang ipinanukala nilang P150M confidential fund. Ayon sa kalihim, mahalaga na hubugin ang mga kabataan upang maging makabayan na handang magmahal at magtanggol sa ating bansa.

Sumasang-ayon ako na sa murang edad ng mga bata ay dapat nating ituro at ipaunawa sa kanila ang kahalagahan ng pagiging makabayan. Sa aking palagay ay maganda ang maidudulot nito hindi lamang sa kanilang sarili kundi maging sa ating bansa. Kaya sa pagkakataong ito ay nais kong ibahagi sa inyo ang ilan sa mga naiisip kong simpleng paraan kung paano natin ito maluwalhating maisasakatuparan. Hinihikayat ko ang ating mga magulang at mga guro na ipunla sa musmus na isipan ng mga bata ang mga kasanayan na tatalakayin ko sa ibaba.

Una ay ang kahalagahan ng matalinong pagboto. Alam nating lahat na ang Pilipinas ay isang demokratikong bansa kung saan ang mga mamamayan mismo ang pumipili ng kanilang pamahalaan. Kaya sa aking palagay ay mahalaga na ipaliwanag nating maigi sa mga bata ang kapangyarihang taglay ng kanilang boto, ang responsibilidad na kaakibat nito, at higit sa lahat ay ang kahalagahan ng matalinong pagpili ng susunod na lider ng ating bansa. Huwag tayong magsawa na ipaalaala sa kanila na nakasalalay sa mga mamamayan ang kinabukasan ng ating bayan.

Pangalawa ay ang kahalagahan ng may pakialam sa mga napapanahong kaganapan sa ating bansa. Hayaan nating mamulat ang mga bata sa tunay na kalagayan ng ating bansa. Kung sakaling magtanong sila tungkol sa mga isyung itinatampok sa telebisyon at mga pahayagan, huwag tayong mag-alinlangan na sagutin ito sa paraang madali nilang mauunawaan. Hayaan natin sila na matutong sumiyasat ng balita at magbigay ng sariling palagay.

Pangatlo ay ang kahalagahan ng fact-checking. Ilang beses ko na itong nabanggit sa mga nakaraan kong kolum ngunit hayaan ninyong ulitin ko itong muli. Hindi lahat ng nababasa at nakikita natin sa social media ay totoo. Iyan ang dapat nating ituro sa mga bata, lalo pa’t marami sa kanila ay maghapong nakababad sa internet at gadgets. Palagi natin silang paalalahanan na huwag kaagad maniniwala sa kung anumang nabasa o nakita nila sa social media maliban na lamang kung ito ay nagmula sa lehitimong source katulad ng mga news outfits, official social media handles ng mga kagawaran ng gobyerno, atbp.

Pang-apat at panghuli ay ipaalam natin sa kanila ang mga karapatan nila bilang mamamayan ng ating bansa. Ang mga karapatang ito na ginagarantiya ng ating Saligang Batas para sa mga Pilipino ay siyang nagsisilbing proteksyon at pangunahing depensa natin laban sa mga mapagsamantala. Kaya sa aking palagay ay mahalaga na ipaunawa natin sa mga bata ang nakapaloob sa ating Konstitusyon hinggil dito. Makatutulong ito upang sa murang edad ay matutunan nilang ipagtanggol ang kanilang mga sarili mula sa mga masasamang loob na magtatangkang abusuhin ang kanilang inosenteng kamalayan.

Batid ko na marami pang ibang kaparaanan upang maturuan natin ang mga bata na maging makabayan. Ngunit naniniwala ako na ang mga suhestiyong tinalakay ko sa itaas ang pinakamahalaga sa panahon natin ngayon.

Email: jaime.babiera@yahoo.com / X: @jaimebabiera