Pink magic

By Jaime Babiera

Kung madalas ka magpalipas ng oras sa TikTok, malamang ay hindi na bago sa iyong pandinig ang “Kokando Pink Pills” sapagkat naglipana sa naturang social media platform ang iba’t ibang video content na nagpo-promote ng gamot na ito. Pare-pareho silang nagsasabi na ang mga tabletas daw na ito ay mabisa ’di umano na pampapayat. Ayon sa isang testimonya na napanood ko, halos 10 kilograms daw sa loob ng dalawang buwan ang agad na nabawas sa kanyang timbang nang subukan niyang uminom nito. Ibinida rin niya na ang presyo ng nasabing gamot ay abot-kaya at epektibo raw kahit hindi samahan ng striktong diyeta at regular na ehersisyo.

Tunay na lubhang nakaaakit ang mga nabanggit na benepisyo ng Kokando Pink Pills, lalo’t alam nating lahat na hindi madali ang proseso ng pagpapapayat. Gayunpaman, pinabulaanan ng ilang sikat na content creators ang mga pahayag na ito at nag-iwan ng paalaala sa publiko na ang Kokando Pink Pills ay hindi nararapat gamitin bilang weight loss pill sapagkat ito ay gamot sa constipation.

Malinaw itong ipinaliwanag ni Arshie Larga—isang pharmacist at tanyag na social media personality na gumagawa ng iba’t ibang content tungkol sa gamot at healthcare—sa isa niyang viral TikTok video. Aniya, ang Beauluck A o mas kilala ng karamihan bilang Kokando Pink Pills ay naglalaman ng Bisacodyl. Isa raw itong “stimulant laxative” na karaniwang ibinibigay sa mga taong may hirap sa pagdumi.

Bagama’t nakatutulong daw ang gamot na ito upang mailabas mula sa bituka ang mga naipong waste materials at excess water dala ng constipation, hindi daw nito tinutunaw ang calories at fats sa katawan. Kaya hindi niya nirerekomenda na gamitin ang Kokando Pink Pills sa pagpapapayat lalo’t ang madalas daw na pag-inom ng laxative kahit walang constipation ay may masamang epekto sa katawan at maaaring magdulot ng stomach pain, diarrhea, dehydration, at electrolyte imbalance. Samakatuwid, walang siyentipikong basehan ang mga weight loss benefits na pilit iniuugnay sa Kokando Beauluck A. Ito ay maituturing na pawang mga personal na kuro-kuro lamang ng ilang TikTok users at online sellers upang ang nasabing produkto ay bumenta at tangkilikin ng madla.

Ang ganitong uri ng mga patalastas na ngayon ay laganap sa social media ay isang halimbawa ng “misleading advertisement” kung saan ang mga pahayag patungkol sa produkto ay hinahaluan ng mga impormasyong hindi makatotohanan at mapanlinlang. Sa aking palagay, ang pagkalat ng mga misleading ads sa internet ay dapat ituring bilang isang seryosong problema na nangangailangan ng agarang pagtugon mula sa kinauukulan. Kagaya ng fake news at disinformation, dapat din natin itong bigyan ng karampatang pansin dahil ang mga false claims lalo sa mga sensitibong produkto gaya ng gamot ay mapanganib at posibleng magdulot ng kapahamakan sa publiko.

Hindi maikakaila na ang pag-usbong ng online selling sa ating bansa ay lubos na napakikinabangan ng maraming Pilipino mula pa noong kasagsagan ng pandemya hanggang ngayon na muli nang nagbubukas ang ating ekonomiya. Hindi masama na gawin natin itong kabuhayan o ’di kaya ay alternatibong pagkakakitaan. Ngunit, palagi sana nating isaalang-alang ang kapakanan ng mga mamimili lalo sa tuwing ipo-promote natin ang ating mga itinitindang produkto sa Tiktok, Facebook, at iba pang social media platforms.

Makapangyarihan ang impluwensyang dala ng internet sa ating kasalukuyang henerasyon. Kaya nananawagan ako sa lahat ng online sellers na sana ay gamitin natin ito sa tamang paraan. Hindi misleading advertisements o anumang uri ng panlilinlang ang susi sa tagumpay ng ating negosyo. Magtiwala lamang tayo sa kalidad ng ating mga paninda, at paniguradong makabubuo tayo ng isang epektibong istratehiya na siyang papatok at tatangkilikin ng masa.

Email: jaime.babiera@yahoo.com