Plastic Free Panay

Ni John Iremil Teodoro

KADALASAN parang nalilito o nagugulat pa rin ang mga tindero at tindera sa palengke kapag bumibili kami at sinasabi naming huwag nang balutin sa plastic ang bibilhin namin. Agad naman silang maka-recover kapag sinabi naming may basket at eco-bag kaming dala. Kahit nga bumibili kami ng isda at karne (noong hindi pa ako vegetarian), may dala rin kaming mga sisidlan para hindi na kailangang ilagay pa sa plastic bag ang mga pinamili namin.

Market Day sa bayan ng Hamtic dito sa amin sa Antique kapag Linggo. Gustong-gusto namin ng partner kong si Jay na mamili rito dahil maraming mga preskang prutas at gulay na mukhang organic. Ibig sabihin, mga tanim lang sa bakuran o sa maliit na bukid sa mga baryo ng Hamtic, isang malawak na bayan na may malawak na palayan at palaisdaan, at kabundukan. Ang palengke nila ay nasa gitna ng mga palayan at palaisdaan na mga tatlong kilometro lang mula sa bahay namin sa Maybato sa San Jose de Buenavista, ang capital town ng Antique. Noong Sabado kami umuwi mula Manila at hindi namin pinalampas ang Hamtic Market Day nang sumunod na araw.

Number one ang Filipinas pagdating sa mga basurang plastic. Madalang lang tayong maging number one sa mundo ngunit sa isang bagay na nakakahiya at mapanira pa sa kalikasan. Ayon sa artikulong “How Did the Philippines Become the World’s Biggest Ocean Plastic Polluter?” ni Denise Ramos (Earth.Org, June 12, 2023), 36.38% ng global oceanic plastic waste ay mula sa ating bansa. Poor second ang India na responsable sa 12.92% ng kabuoang itinapon na plastic sa karagatan. Ayon sa isang pag-aaral noong 2021, 80% ng mga basurang plastic sa karagatan ay nanggagaling sa mga ilog. Pagdating dito, tinalo ng ating Ilog Pasig ang Ilog Yangtze ng China. (Sana sa West Philippine Sea matalo rin natin sila!)

Siyempre hindi naman kami santa pagdating sa plastic. Nahihirapan pa rin kaming umiwas sa paggamit nito. Halimbawa, kapag nandito kami sa Antique, agad naming ginagawa pagdating ay ang pumunta sa Robinsons Place Antique para bumili ng Panay goodies sa kiosko ng Biscocho Haus: barquillos, pinasugbo at galletas para sa akin, at biscocho naman para kay Jay. Perpekto ito sa brewed coffee sa umaga. Pero siyempre, plastic intensive ang mga paboritong pagkain na ito. Nasasarapan man kami ay di lubos ang saya dahil nakakalikha kami ng plastic na basura. Sana dadating ang araw na maging guilt-free ang pagkain ko ng barquillos. (Ibang usapan pa siyempre ang blood sugar!).

Nang magbakasyon dito sa Antique ang Swedish citizen kong pamangkin na si Juliet noong walong taong gulang pa lamang siya, horrified siya sa dami ng mga ginagamit na plastic bag kapag naggo-grocery at namamalengke dito. Nang minsang mamalengke ang pinsan naming si Nene Oliva, pag-uwi nito ay nagkomento si Juliet sa mommy niya ng, “Mommy, why do they have to use a lot of plastics?” Nang marinig ito ni Nene Oliva, medyo na-hurt siya at nagsabing, “E ano ang gagawin ko dito sa mga isda at karne, hahawakan ko pauwi?” Ipinaliwanag na lamang ni Mimi na sa kanila kasi sa Sweden, hanggat maaari hindi sila gumagamit ng mga plastic bag at alam ito ng mga bata dahil mapanira ito sa kapaligiran. Natawa na lang kami at nagbiro ng, “Hayan, may Greta Thunberg na ang Maybato!”

Ayon sa pag-aaral nina Carmen Morales-Caselles et al noong 2021, 14.1% ng waste pollution sa karagatan ng mundo ay ang plastic bags. Kailangan talagang maghinay-hinay na tayo sa paggamit ng mga plastic bag. Ayon sa Earth.Org mahigit walong milyong tonelada ng mga plastic ang napupunta sa karagatan at mahigit 100,000 na mga hayop sa dagat ang namamatay dahil sa mga plastic na itinatapon nating mga tao sa dagat. Dahil din dito, kada isa sa ating mga tao ay nakakakain nang hindi natin nalalaman ng limang gramo ng microplastics kada linggo! Ito ang mga nadurog na plastic na nakakain ng mga isda at lamangdagat na kinakain din natin. (One more reason kung bakit ako naging vegetarian!)

Maaari nating maging modelo ang Sweden pagdating sa pagharap ng problemang plastic. May malakas na batas ang Sweden hinggil sa recycling kung kayâ sila ang nangunguna sa recycling ng plastic sa buong mundo at wala silang itinatapon na plastic sa mga landfill o sa kapaligiran (svenkplastatervinning.se) nila. Hindi nakapagtataka na horrified sa Juliet nang makita kung gaano tayo kaburara sa paggamit ng plastic.

May silver lining na rin naman pagdating sa waste management sa Antique. Halimbawa sa amin sa San Jose de Buenavista, barangay level pa lang kailangan nang mag-segregate. Ang mga basurero sa Maybato ay hindi tatanggapin ang mga basura ninyo kung hindi naka-segregate. Aalamin ko pa kung paano nire-recycle ang mga basura sa nibel ng munisipyo.

Nangangarap ang Sirena ng isang plastic free na Isla Panay. Isang tila imposibleng gawain sa ngayon pero kailangang magsimula na. Sa simpleng pamamalengke na may dalang mga basket, eco-bag, at sisidlan ng mga bilihin, tiyak na makatutulong ito. Makabubuti hindi lamang sa Panay ang pag-iwas sa paggamit ng plastic kundi para na rin sa bansa at sa buong mundo.

Kapag maghaganhagan tayo sa paggamit ng plastic, panalo tayo at panalo ang mundo. Huwag sana tayong maging talunan sa ating mga kaplastikan!

JOHN IREMIL TEODORO is a full professor of creative writing, literature, and art appreciation at De La Salle University. He is an author of 20 books of poetry, fiction, and creative nonfiction in Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, and English. His books Pagmumuni-muni at Pagtatalak ng Sirenang Nagpapanggap na Prinsesa (Invictus-Imprenta Igbaong, 2007) and Sa Yakap ng Gubat at Dagat ng Palawan (Pawikan Press, 2021) won the prestigious National Book Awards for the Best Book of Creative Nonfiction in Filipino from the Manila Critics Circle and the National Book Development Board. He received the S.E.A. WRITE Award from the Kingdom of Thailand in 2019. He divides his time living in their ancestral home in a barrio called Maybato in San Jose de Buenavista, Antique and in a condominium unit along Taft Avenue in the City of Manila.