By John Iremil Teodoro
ANG mag-walking sa San Jose de Buenavista Esplanade ang isa sa mga pinakagusto kong gawin dito sa amin ngayong naka-sabbatical leave ako rito. Kay haba ng esplanade na ito na kapag nakatayo ka sa bungad nito sa Barangay Funda Dalipe, tila wala itong katapusan dahil umaabot ito sa Barangay San Pedro, sa bunganga mismo ng Ilog Sibalom. At ang dagat doon ay kay linis tingnan ngayong tag-araw, nanghehele ng kalooban ang lagaslas ng may kalakihang alon at ang ihip ng amihan.
Magandang bulibard ito sa tabing-dagat na nagpoprotekta sa mga bahay, niyugan, at mga hardin na nakaharap sa Dagat Palawan. Mahaba nga ito at naumpisahan na rin ang nasa bahaging sur, mula Malandog River hanggang Barangay Malaiba at pantalan sa bayan. Tapos na ang sa bahagi ng Maybato Sur at nakakaabot na ang bahaging ginagawa rito sa amin sa Maybato Norte. Dadating talaga ang panahon na maaaring maglakad o mag-bike mula sa amin sa Maybato hanggang sa San Pedro na dadaan sa tabing-dagat.
Noong Sabado ay nag-walking kami ng partner kong si Jay sa Esplanade. Nag-alarm ako ng alas-singko ng madaling araw para makapagdilig agad ako ng mga tanim, makapagkape pa at makakain ng kaunting tinapay, at makapagbanyo, bago ko siya gigisingin ng alas-sais upang makaalis na kami. Mga tatlong oras din kaming nag-walking (naka-8K+ steps kami) saka kami naghanap ng traysikel at nagpahatid sa Trade Town Public Market Dalipe para doon mag-brunch sa mga karinderya doon. Another delightful find naming ang food court doon. Mura, masarap (dahil lutong bahay), malinis (ilang beses na kaming kumain doon at hindi naman nasira ang aming tiyan), at may ambience ng not-too-busy palengke. Parang may maliit na plasa pa sa gitna ng mga kiosko ng turo-turo na may mga mesa at upuan sa ilalim na kahoy. Antique version ito ng Singaporean hawkers. Tumatawa kami palagi ni Jay kapag nagbabayad na kasi kahit na ang dami naming inoorder, mga PhP300+ lang ito lagi. Never pa kaming lumampas ng PhP400. Sa mga restaurant sa Robinsons Place Antique, hindi bumababa sa PhP1,000 ang binabayaran namin.
Ibang-iba na ang San Jose de Buenavista, ang capital town ng Antique, sa kinagisnan kong bayan. Masyado na itong malaki kumpara noong nag-aaral ako ng elementarya sa San Jose Academy, eskuwelahan ng Assumption Sisters, na noong Grade 5 kami ay naging St. Anthony’s College Grade School. Kapag napapadaan ako sa harap nitong paaralan namin o di kaya’y natatanaw ko sa di kalayuan, nagugulat ako sa liit nito. Noong nag-aaral kasi ako rito, parang ang laki-laki nito sa aking mga mata. Siyempre agad kong naaalala sina Lolo Garâ, Tita Nening, at Nanay na salitan sa paghatid at pagsundo sa amin ng kapatid kong si Gary noon. Nang nag-aaral na kasi ang mga nakababatang kapatid naming babae na sina Mimi at Sunshine, may kotse na kami noon at drayber na lamang namin ang naghahatid at nagsusundo. Laging may magkahalong saya at lungkot akong nararamdaman kapag nakikita ko itong paaralan namin. Hindi lumiit ang San Jose Academy. Ako ang lumaki. At tumanda.
Nang una akong makapasok sa renovated na Old Capitol Building, humampas din na parang malalaking alon ang mga alaala sa dalampasigan ng aking pagkatao. Bigla kong naalala si Nanay na doon sa ikalawang palapag palaging nagtatambay sa opisina ni Tito Ontoy Salvani na siyang Provincial Fiscal noon. Matalalik na kaibigan nina Nanay at Tatay si Tito Ontoy. Nang umattend nga kami ni Jay ng opening program ng Viva Excon doon noong Nobyembre, sinabi ko sa kaniya na ang malaking silid kung nasaan ang mga eksibit ng mga likhang-sining ang dating opisina ng family friend namin na lagi naming pinupuntahan ni Nanay.
Maganda ang pagka-renovate ng Old Capitol Building at mabuti talaga at na-preserve ito. Nandito sa unang palapag sa kaliwa na nakaharap sa courtyard ang Post Office. Natandaan ko pa na sa isang klase namin sa Assumption, ang activity ay letter writing. Kailangang may sulatan kami at ilagay ito sa sobre na tama ang address namin at lalo na ang address ng papadalhan. Naalala ko, si Janice de Belen ang sinulatan ko dahil pinapanood ko palagi ang teleserye niyang Flor de Luna. Sa Marikina City ang address nila. Isang umaga, pinapila kami ng mga madre sa labas ng klasrum na dala namin ang aming mga liham saka naglakad kami papunta sa Post Office. At doon tinuruan kaming bumili ng stamp na idinikit namin sa sobre at saka inihulog sa butas sa dingding na simento. Mga isang buwan pagkatapos niyon, nakatanggap ako ng sagot mula kay Janice—isang autographed niyang larawan. Maliban sa saya na nakatanggap ako ng liham mula sa hinahangaang artista, naging magical para sa akin ang letter writing at ang Post Office!
Noong nakaraang taon, nag-donate ako ng mga libro ko sa Provincial Library na nandoon ngayon sa ikalawang palapag ng Old Capitol Building. Magandang aklatan ito na nasa itaas ng dating Post Office. Maraming libro doon at marami ding mga mahabang mesa at mga upuan para sa mga nagri-research at nagbabasa. Malayong-malayo na ito sa maliit na library na pinupuntahan ko noon hayskul ako para magkunsulta sa mga lumang encyclopedia.
Lumawak na ang Town Proper. Sa bandang north ang Trade Town at sa unahan lang nito ang Evelio B. Javier Airport. Nasa Trade Town ang main office ng San Jose Multipurpose Cooperative kung saan miyembro kami ni Jay kayâ palagi kaming pumupunta roon para magdeposito buwan-buwan. Sa bandang south ang Antique Medical Center, Robinsons Place Antique, at ang Citi Hardware. Halos nasa Maybato Norte na ang City Hardware at nilalakad lang namin papunta roon mula sa bahay.
Oo, may mga mall na kami rito sa aming bayan. Marami nang mga bagay na kailangan ko pang bilhin sa Manila noon ang nabibili ko na rito. Halimbawa mga magandang kortina at mga gamit sa kusina. May Department Store na sa Robinsons dito. Pagdating sa gamot, may tatlong Mercury Drug Store na rito. Medyo nababagalan nga lang ako sa pagbebenta nila ng gamot. Di hamak na mas mabilis ang mga transaksiyon sa mga Mercury sa Metro Manila. Siguro hindi lang talaga nagmamadali ang mga tao sa Antique. Ako lang na matagal nang naninirahan sa Manila ang sanay na sa mabilis na paggalaw.
May mga sinehan na ring airconditioned tulad ng mga sinehan sa mga mall sa Manila. Noong Biyernes lang nanood kami ni Jay sa Robinsons ng pelikulang I Am Not Big Bird na starring si Enrique Gil. Nanood kami dahil kasama ang bunsong kapatid naming si Sunshine sa pelikulang ito kahit na sa first scene lang siya lumabas. Ito ang unang panonood ko ng sine sa sinehan pagkatapos ng pandemya.
Kahit na muli kong dinidiskubre at kinilala ang San Jose de Buenavista ngayon, kailanman ay never naging dayo ang pakiramdam ko rito. Ito talaga ang hometown ko. Dito ako uuwi sa aking pagretiro (at naghahanda ako para sa aking early retirement) bilang propesor sa De La Salle University sa Manila. Dito ako laging uuwi dahil ito ang aking tahanan—ang lugar na nagpapatahan sa akin. Dito nananahan ang maraming alaala sa aking kasingkasing at isipan.