Replacing Chef Chico

Ni Jaime Babiera

Noong nakaraang weekend ay natapos kong panoorin ang isang bagong Filipino TV series sa Netflix na Replacing Chef Chico. Ang kwento ng naturang palabas ay umiikot sa “Hain,” isang fine dining restaurant na pinamamahalaan ng istriktong head chef na si Chico (Sam Milby). Isang araw, nasangkot sa isang vehicular accident si Chef Chico at nagresulta ito sa kanyang pagka-coma. Kaya pansamantala ay inilipat kay sous-chef Ella (Alessandra de Rossi) at sa bagong consultant na si Raymond (Piolo Pascual) ang responsibilidad na patakbuhin ang Hain habang nagpapagaling sa ospital si Chef Chico. Maraming mga kaabang-abang na tagpo ang mangyayari kaya hindi ko na hahabaan pa ang aking salaysay ukol sa palabas na ito at bagkus ay hahayaan ko na lamang kayong tuklasin ito.

Sa pagkakataong ito, nais kong ibahagi sa inyong lahat ang ilang bagay na tumatak sa aking isipan mula sa Replacing Chef Chico. Una ay ang tema ng palabas na sumasalamin sa iba’t ibang isyung may kinalaman sa pamilya, magkasintahan, romantikong relasyon, at marami pang iba na tipikal na kinakaharap ng marami nating kababayan. Hindi ko malilimutan ang side comment ni Chef Carlon (Joel Saracho) ukol sa same-sex marriage kung saan tinuran niya na: “This is a wedding. Not a bar, not a bachelorette party. Kasal. A gay wedding is just like any other wedding.”

Pangalawa ay ang mga Pilipinong pagkain na itinampok sa walong episodes ng palabas. Sa tingin ko ay matagumpay na naipakilala ng Replacing Chef Chico sa buong mundo ang mga ipinagmamalaking local delicacies ng ating bansa gaya ng Kapampangang panghimagas na tibok-tibok, adobong puti, gabi chips, turon espesyal, traditional laing with pinangat, at sinangag na binudburan ng asin tibuok mula sa Alburquerque, Bohol.

Nakatutuwang isipin na maraming filmmakers ngayon ang nagkakaroon ng interes na talakayin ang kasaysayan at kultura ng Pilipinas sa kanilang mga obra. Nawa sa paglipas ng panahon ay mas dumami pa ang ganitong uri ng palabas sa Netflix at iba pang video streaming services nang sa gayon ay mapanatiling buhay ang ating mga tradisyon at kaugalian sa puso ng bawat Pilipino.

Email: jaime.babiera@yahoo.com / X: @jaimebabiera