By John Iremil Teodoro
KUNWARI na-overdose ako sa mga maintenance medicine ko para sa diabetes at hypertension at umakyat ito sa utak ko at nabaliw ako kayâ naisip ko, dahil korap naman talaga ang lahat ng mga politiko sa Filipinas, at gaya ng sabi ni dating Presidente Rodrigo Duterte kamakailan, walang kuwenta ang mga naging presidente natin, at pabagsak na talaga ang ating bansa, na ihiwalay na ang Isla Panay sa kaawa-awang Filipinas na araw-araw ay ninanakawan ng mga politiko at ng mga nagtatrabaho sa gobyerno.
Dahil nga baliw na ako, hayaan ninyong ikuwento ko sa inyo ang mga vision ko para sa Republika ng Panay dahil baliw lang ang makakaisip nito. I mean, kung hindi ka buang o takot na takot sa International Criminal Court, hinding-hindi mo maiisip na ihiwalay ang isla ninyo mula sa buong arkipelago gayung hindi naman ikaw ang may-ari sa isla ninyo. Pero dahil nga baliw ka, wala ka na talagang hiya.
Pagdating sa teritoryo, kasama sa Isla Panay ang mga karatig-isla nito na halos kadikit na—ang Isla Boracay at ang Isla Guimaras. Hindi puwedeng hindi sila kasama! Ano na lang ang mangyayari sa mga berde kong kaliskis kung walang mga white sand beach akong bababaran! Saka lumaki ako na sub-province (Yes, iyan ang term kahit masagwa pakinggan) naman talaga ng Iloilo ang Guimaras.
Hindi naman orihinal itong kabuangan ko dahil may bumuo na ng sariling gobyerno dito sa Panay noon. Nang matalo ng mga Americano ang mga Kastila sa Manila, nag-attempt pa sana si Governor General Diego de los Rios na ilipat ang Spanish Capital sa Iloilo. Kaso ayaw na ng mga taga-Iloilo sa mga Kastila kayâ bumuo sila ng isang revolutionary government sa isang convention sa Santa Barbara, Iloilo noong Agosto 1898. Kaso noong Disyembre 12, 1898 sumailalim pa rin sa Central Government sa Malolos ang Federal Council of State of the Visayas (Source ng Sirena sa historical details na ito: History of Panay nina Felix B. Regalado at Quintin B. Franco na inilathala ng Central Philippine University noong 1973). O di ba? May federal state talaga kaming mga Bisdak!
Wala naman sigurong away kung ang Iloilo City na ang magiging capital ng Republika ng Panay. After all, ang ganda ng Iloilo Esplanade. Masyadong maliit na lungsod pa ang Roxas City. Hindi pa siyudad ang Kalibo at San Jose de Buenavista. Saka bongga ang Panay dahil may dalawang Summer Capital na ito—ang Bucari sa Iloilo at Aningalan sa Antique. Pero sa tingin ko, mas maging madugo ang usapin hinggil sa Wikang Pambansa ng Republika ng Panay. Kung kasaysayan at dami ng nagsasalita ang pag-usapan, Kinaray-a ito dapat. Pero, Day, ang problema, anong klaseng Kinaray-a? Kinaray-a ba ng southern o northern Antique? Kinaray-a ba ng Capiz? Kinaray-a ng Janiuay at Badiangan? Masaya ito! I’m sure may magsa-suggest na Hiligaynon na lang kaya? Pero Hiligaynon ba ito ng Hiligaynon magazine o Yuhum? Maraming tao rin, kahit native speaker ng Hiligaynon, ang magpi-pretend na hindi sila makabasa at makasulat in Hiligaynon. Ang ending, baka English pa rin ang National Language ng Republika ng Panay. Sabagay, mas useful ang English sa Boracay at sa pag-social climbing. Kaloka!
Siyempre, ako bilang Kataw ng Panay, magiging Pambansang Di-Hayop na Di-Tao! Kung saan man naroroon ang Presidential Palace, dapat may garden na naka-dedicate in my honor na may fountain at sa gitna nito may estatwa ko. Na hubo’t hubad siyempre!
Ang mas exciting ay kung sino ang magiging presidente o prime minister, at mga senador. I’m sure magpapatatayan ang mga politiko sa Panay. Maghahalo ang balat sa tinalupan, as they say. Sa town at provincial level nga lang nagpapatayan na sila! Bonggang siraan ng career ito. Baka may hiwitay din!
Ang pinuproblema ko talaga kahit na baliw ako kunwari, paano na lang ang mga trapo na taga-Manila pero ipinagsisiksikan ang sarili dito sa Panay? Paano ‘yan, kailangan nila mag-migrate to the Republika ng Panay para ma-naturalize Panayanon citizen? O baka hindi na rin sila maging interesado kasi masyado na silang big fish para sa smallness ng Panay Republic? Ano pa ang mahihita nila sa isang bansang katatatag pa lamang at wala pa talagang pang-pork barrel? Ito rin ang naiisip ko hinggil sa mga trapo ng Antique na sa Manila naman talaga nakatira (Hindi nagtatrabaho lang tulad ko kundi nasa Manila talaga ang pamilya at bahay nila). Parang kailangan nilang umuwi na talaga kung gusto pa nilang maging governor o representative ng Antique sa Panay Parliament. But then again, baka hindi na rin cost-effective maging politiko sa Panay kung hiwalay na ito sa Bagong Pilipinas ng Uniteam na nag-aaway na ngayon.
Kunwari din mahihimasmasan na ako at magiging klaro na ang isipan. Ang mare-realize ko, matagal nang watak-watak ang ating bansa dahil hindi natin nakikita ang mga pagkakatulad ng ating mga isla. Mas tumututok tayo roon sa ating mga pagkakaiba dahil ito ang hina-highlight ng mga politiko at ng mga fake news peddler nila dahil pabor sa kanila kung hindi tayo nagkakaisa. Hindi tayo nakikinig sa mga pantas natin tulad nina William Henry Scott at Ambeth Ocampo na para sa mga sinaunang lipunang Filipino na malakas ang maritimong kultura, tulay ang mga dagat sa pagitan ng ating mga isla at hindi ito sagabal sa pakikipag-ugnayan ng mga tao sa ating arkipelago.
Malalang sakit ng ating bansa ang toxic regionalism dahil sa pagsamba sa mga lokal na politikong na-master ang patronage politics. Hanggat may mga Marcos loyalist sa Ilocandia at may mga Dutertard at DDS sa Davao, tae ang unity sa ating bansa. Hangga’t may mga pamilyang ginagawang hanapbuhay ng buong mag-anak nila ang “public service” sa kanilang mga lungsod, munisipyo, o probinsiya at lumilikha sila ng mga teritoryong political, “bailiwick” ik-ki-ki-ki-ik ang paboritong gamiting salita ng midya hinggil rito, imposibleng magkaisa ang mga Filipino.
Hanggat milyon-milyon ang mga tanga na hindi gets na nagsisinungaling ang isang pamilya sa South at mga alipores nila tungkol sa claim nilang mahal nila ang Filipinas gayung wala silang nakikitang mali sa pangtotokhang ng mga mahirap na adik, pagiging sugapa sa confidential fund at pork barrel, at naisip pa ng buang na patriarch nila na ihiwalay ang Mindanao sa bansa; Hanggat milyon-milyon ang mga bobong loyalista ng pamilya ng mga korap sa North at inaakalang hindi na nagnanakaw ang mga ito sa kaban ng bayan at nilulustay ang pera ng sambayanan—walang bansa na mabubuo.
Ang iniimadyin nating bansang Filipinas ay hanggang imagination na lang talaga. Akala natin meron pero wala! Wala! Thanks but no thanks sa nanlilimahid nating tradisyonal na politika. Kung gusto natin ng totoong unity, hintayin na lang natin na matsugi tayo. Hopefully sa langit ay meron nito.