Sana Manaig ang Puwersa ng Kabutihan sa 2025

Ni John Iremil Teodoro

NAGING mabait sa akin ang 2024 at dahil dito lubos akong nagpapasalamat sa Mahal nga Makaaku sa lahat ng mga biyayang ipinagkaloob niya sa akin at sa aking mga kapatid. Magtutunog man akong nagmamayabang at makasarili pero kapag kasi ang ating bansa ang iisipin ko, tila bang ang malas-malas nating mga Filipino sa mga politikong nagpapatakbo sa Filipinas. Sila talaga ng tunay na makasarili at walang pakundangang pinagnanakawan ang pamahalaan. Kayâ masasabi ko na sa isang bansang naghihikahos dahil sa mga politikong gahaman sa yaman at kapangyarihan ay okey kaming magkakapatid. Hindi man kami mayaman ay may sapat kaming pera at ari-arian upang mamuhay nang disente at hindi nangunguha ng mga bagay na hind isa amin.

Ngayong 2024 ay nakapag-sabbatical leave ako hanggang Agosto na nagsimula pa noong Setyembre 2023. Buong buwan ng Abril ay Visiting Scholar ako sa Mahidol University sa Thailand. Noong Hunyo at Hulyo naman ay nakapagbakasyon muli ako sa Sweden sa kapatid kong si Mimi at nakasama nang medyo matagal ang mga pamangkin kong sina Juliet at Evert John. Noong Agosto granted ng Regional Trial Court ang petition ko na maging Administrator ng estate ng mga magulang namin na minana naming apat na magkakapatid. At nitong Setyembre ay fully paid ko na ang lupang binili ko sa Tubudan sa San Remigio, Antique na kadikit lang ng Aningalan, ang lugar kung saan ako magre-retiro.

Ngayong 2024 din, lalo na sa huling quarter, tuluyang nabuwag ang Uniteam nina President Bong Bong Marcos at Vice President Sara Duterte. Ito ang Uniteam ng Kadiliman at Kasamaan na overwhelmingly ay binoto noong halalan 2022 dahil ginamit ang nakaw na hidden wealth ng pamilyang Marcos at ang maling naratibo ng mga Duterte gamit ang mga bayarang trolls na okey lang patayin ang mga adik para maging safe ang ating bansa at ginagawa nila ito habang ninanakaw ang confidential funds at iligal na nagpapayaman ang mga kroni nila tulad ng Pharmally.

Kung salot sa bansa ang mga Duterte, salot din ang mga Marcos. Ang problema, sila ang may kontrol sa maraming pambansang naratibo sa ngayon. Marami pa ring Marcos loyalists at apologists na lalong nabigyan ng pagkakataong bumukadkad dahil hawak ng mga Marcos ang Malakanyang ngayon. Marami pa ring mga Dutertard na nabulag at nabobo na sa pagsamba kay Rodrigo Duterte na mismong inaamin na mamamatay tao siya.

Halimbawa na lang nanggagalaiti si Sara Duterte kay Speaker of the House Martin Romualdez dahil ginagamit nito ang pondo ng gobyerno sa mga pag-aayuda na desimuladong vote buying. Agree ako kay Sara dito pero alam ko ring wala siyang moral ascendancy pagdating sa isyung ito dahil nitong nakaraang Pasko lang ay namudmod din naman sila ng tatay niya ng mga ayuda sa Davao City. Hindi naman ako naniniwala na sarili nilang pera ang ginamit nila dahil nga, kahit hindi kapani-paniwala, sinabi ni Duterte sa Quad Com na wala na siyang pera at hirap nga siya para sa pamasahe niya kapag pumunta siya ng Manila. Aba, mas mabuti pa pala ako, hamak na propersor lamang pero kaya kong umuwi sa Antique na nakaeroplano (Read: PAL hindi Cebu Pacific) twice a month kung káya kong makaeskapo sa busy schedule ko sa De La Salle University.

Trabaho ng mga walang hiya ang 2025 National Budget na ipinasa ng House of Representatives (o House of Representa-thieves?) at Senado na zero budget ang Philhealth at malaki rin ang tapyas sa budget para sa Department of Education, Commission on Higher Education, at mga State University. Siyempre dahil umani na ito batikos sa social media, kandarapa ang mga trapong politiko sa pag-defend at pag-explain. Marami daw sobrang pera ang Philhealth at hindi maayos ang pagpapalakad nito. Mga gunggong! Ano ang masama kung maraming sobrang pera ang Philhealth? E di i-implement nang bongga ang Universal Health Care at doblehin nang limang beses ang kakarampot na makukuha sa Philhealth kung maospital ang isang tao. Kung hindi naman maayos ang mga nagpapatakbo ng Philhealth e di sisantihin sila at palitan ng mas magaling at masipag. Bakit zero budget?

Zero budget kasi ang nilakihan ng mga korap na kongresman at senador ay ang budget ng AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang dole out program ng gobyerno na pinapangunahan mismo ng mga kongresman at senador at kunwari lang proyekto ng DSWD. Maliwanag na budget talaga ito ng pambibili ng boto dahil eleksiyon na sa susunod na taon. Ayon nga kay Retired Supreme Court Justice Antonio Carpio ay isa itong uri ng pork barrel na ipinagbabawal ng batas. Siyempre clarified to death agad si Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na hindi ito totoo. Pero, again, paano ka maniniwala sa isang katulad ni Gatchalian na isang trapo at bahagi ng isang political dynasty? Siguro napapanahon nang dapat hindi politiko ang i-appoint na mamumuno sa DSWD. Dapat yung totoo talagang social worker na pagsisilbi sa mahihirap ang adbokasiya sa buhay at hindi tinitingnan ang mga beneficiary bilang mga botante.

Pero siyempre suntok sa buwan itong wish upon a star ko dahil silang mga trapo din naman sa Kongreso ang gumagawa ng batas at gagawa ba talaga sila ng batas na kontra sa mga interes at ambisyon nila? Tingnan na lamang natin ang anti-dynasty law. Hindi maipasa-pasa kahit na nakasaad na sana ito sa ating Saligang Batas. Kung may anti-dynasty law nga naman tayo, paano na lamang ang business interest ng mga Villar, ang political careers ng mga pamilya tulad ng Cayetano, Gatchalian, Duterte, Garin, at siyempre ng mga Marcos? Ang mga pamilyang nabanggit ay over-represented sa House of Representatives o/at Senado. At ilang halimbawa lamang sila ng mga pamilya na ilang dekada nang ginagawang pampamilyang kabuhayan showcase ang politika. Kung ililista ko lahat dito, baka maging 5,000 words itong kolum ko na ito!

Samakatuwid, hanggat ang mga politiko ngayon ang nagpapatakbo ng bansa, walang mangyayaring maganda sa Filipinas. Kahit sabihin pa ng mga neo-liberal na ekonomista na gumaganda ang ating ekonomiya, ang macroeconomics. Ilang pamilya ng mga politiko at negosyante lang naman ang nakikinabang dito. Ang karamihan sa mga Filipino ay mahirap pa rin at umaasa pa rin sa ayuda at sila ang madaling mauto ng mga politiko at mabili ang boto. Ang mga nasa gitnang-uri namang tulad ko, super-stressed sa trabaho at nakukuba sa pagbabayad ng buwis, at kung gustong magkapera nang medyo sobra sa sapat ay may tatlong mapagpipiliian: (1) Ibenta ang kaluluwa sa mga politiko at negosyante upang tulungan silang lalong utuin, linlangin, at pagnakawan ang mahihirap; (2) iwanan pansamantala ang pamilya at magtrabaho abroad para mas makapag-ipon; at (3) mang-scam ng kapuwa Filipino at agawan ng lupa ang mga katutubo at kamag-anak. Salamat sa Diyos at nasa kalagayan ako na hindi ko kailangang gawin ang mga ito!

Pero heto, habang naghahanda ako sa maagang pagreretiro sa trabaho ko sa Manila dahil gusto ko na talagang umuwi rito sa Antique for good at maghardin na lamang sa Aningalan, tipid at impok to the max ako dahil wala naman akong maaasahan sa gobyerno. Pakiramdam ko bilang Filipino, hostage ako sa awayan at paligsahan sa pagiging sugapang magnanakaw sa kaban ng bayan sa pagitan ng mga Marcos at Duterte.

Ang taimtim kong panalangin ngayon, sana tuluyang mapuksa ang Puwersa ng Kadiliman at Puwersa ng Kasamaan at manaig ang Puwersa ng Kabutihan ngayong 2025.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here