By John Iremil Teodoro
KASAMA ako sa unang batch ng programang Master of Fine Arts (MFA) in Creative Writing ng Departamento ng Literatura ng De La Salle University (DLSU) noong Hunyo 1995. Pumasok ako sa programa bilang makata ngunit required kumuha ng mga kursong poetry, fiction, playwriting, at literary journalism kung kayâ sa ngayon sumusulat ako sa apat na genre na ito.
Itong literary journalism ang tinatawag natin ngayong creative nonfiction o CNF. Noong 1995 hindi pa ginagamit, at least dito sa Filipinas, ang CNF. Bilingual ang MFA program ng DLSU. Ibig sabihin, magkakasama ang mga nagsusulat sa Ingles at Filipino. Sa Filipino ako nagsusulat at sa isipan ko, ang literary journalism ay tungkol naman talaga sa pagsusulat ng sanaysay. At sa ngayon ang tingin ko sa CNF ay sanaysay pa rin.
Ang Americanong manunulat na si Lee Gutkind ang binansagang “Godfather behind creative nonfiction” ng magasing Vanity Fair. Ikinuwento niya sa kaniyang sanaysay na “The Creative Nonfiction Police?” sa librong inedit niya na ‘In Fact: The Best Creative Nonfiction’ (Norton, 2005) ang mga hamon na kaniyang hinarap nang maisip niya noong 1973 na magturo ng kursong CNF sa University of Pittsburg. Ang dean niya mismo sa College of Arts and Sciences ang kumontra. Ani Gutkind sinabi ng dekano na, “[N]onfiction in general—forget the use of the word ‘creative’—was at its best a craft, not too different from plumbing.” Kaloka di ba? Inihambing talaga ang pagsusulat ng sanaysay sa pag-aayos at paglilinis ng mga tubo!
Nagtuturo ako ngayong term ng Creative Nonfiction Workshop 1 (CNFWOR1) at may 14 na mga estudyante na karamihan ay literature majors at may ilang marketing student na required kumuha ng kursong creative writing. Ang mga literature major ay talagang CNF ang concentration nila. Kinuha na nila bilang prerequisite subject ang CNF Writing Techniques at pagkatapos ng CNFWOR1 namin, may CNFWOR2 pa sila. Inaasahan na ang kanilang gagawing thesis ay CNF. Sa unang meeting pa lamang namin, tinanong ko na sila kung bakit CNF ang gusto nila. Sinabi ko kasi sa kanila na mayroong hierarchy ang mga literary genre. Iniisip ng marami na poetry o pagtula ang pinakamataas, sinusundan ito ng fiction o katha, saka ng play o dula. Ang sanaysay o CNF ay may bansag na “fourth genre” na para bang dagdag lang ito. Siyempre agad ko rin namang sinabi sa kanila na ang ganitong pag-iisip ay masyado nang tradisyonal. Nitong mga nakaraang dekada, sumisikat na talaga ang CNF at unti-unti na ring nabubuwag ang hierarchy sa mga porma ng literatura. May mga transgressive na ngang porma ng literatura na hindi ma-classify kung ano ang mga ito? Tula ba? Fiction? At kung ano-ano pa.
Na-in love ako sa pagsusulat ng sanaysay dahil sa kursong literary journalism. Bago pa man ako nag-MFA, may tatlong paboritong columnist na ako na sinusundan ang mga kolum kada linggo: Isagani R. Cruz, Cirilo F. Bautista, at Barbara Gonzalez. Gusto ko ang kolum nina Cruz at Bautista dahil kadalasan tungkol sa literatura at malikhaing pagsulat. Kayâ nga nang magdesisyon akong huwag nang mag-medicine proper at naisip kong mag-creative writing na lamang, DLSU ang pinili ko dahil dito sila nagtuturo noon. Gusto ko ang kay Gonzalez dahil sa kaaliw-aliw niyang estilo ng pagsusulat tungkol sa personal niyang buhay. Kalaunan gustong-gusto ko ring binabasa ang mga political commentary nina Conrado de Quiros at Luis V. Teodoro. Kakalungkot lang na wala na ngayon ang dalawang ito na naging personal kong giya sa pagbuo ng sarili kong opinyon at paniniwala hinggil sa mga pagyayari sa ating bansa. Buti na lang naisalibro ang mga sanaysay nila sa kolum na maaari kong balik-balikan. Nitong mga nakaraang buwan, mayroon akong bagong paborito na sumusulat ng political commentaries, si Antonio J. Montalvan II na sumusulat sa Rappler.
Ayon kay Gutkind sina Gay Talese at Tom Wolfe ang nagpasikat sa terminong “new journalism” na sa tingin ko ang pinanggalingan ng terminong “literary journalism.” Sinasabi din niya na wala raw nakakaalam kung sino ang nag-coin ng terminong “creative nonfiction.” Pero mukhang nagpapaka-humble lamang siya. Malamang siya talaga ang may pakana sa terminong ito dahil siya ang unang nagturo ng CNF noong 1973 pa. Nakalusot ito sa kanilang unibersidad kasi ang mga student writer na mismo nila ang nagpepetisyon na mag-offer ng mga writing course na “of the creative kind.” Si Gutkind din ang editor at publisher ng journal na ‘Creative Nonfiction’ na nagsimulang malathala noong 1993.
Ilang dekada nang namamayagpag ang CNF. Kung tutuusin ang National Artist for Literature na si Nick Joaquin ang isa sa mga naunang CNF writer sa Filipinas. Journalist din kasi siya at sa mga cultural reportage na sinusulat niya, Quijano de Manila ang ginagamit niyang byline. Binuwag ni Joaquin ang distinction sa pagitan ng peryodismo at malikhaing pagsulat sa kaniyang talumpati nang tinanggap niya ang Ramon Magsaysay Award noong 1996. “Journalism versus Literature?” ang pamagat ng talumpating iyon nang malathala. Patanong ang pamagat na ito na para bang hayagang kinokontra ang dichotomy o ang dalawahan ng peryodismo at malikhaing pagsulat.
Natutuwa si Joaquin na pinarangalan ng Ramon Magsaysay Award ang kaniyang pagiging journalist at pagiging creative writer. Aniya, “[M]any think I am a sort of Dr. Jekyll and Mr. Hyde—although they’re not at all agreed about which of me si Dr. Jekyll and which is Mr. Hyde. Some say that as a creative writer I’m all right but that as journalist I’m strictly potboiler; others opine that it’s the newsman in me who’s the true writer because the supposed artist is a fake.”
Bilang journalist nagsulat si Joaquin tungkol kay Nora Aunor at iba pang mga artista. Nagsulat din siya tungkol sa mga sensational na krimen. Kayâ siguro may tumatawag na “potboiler” ang mga sinusulat niya bilang si Quijano de Manila. Para kay Joaquin bilang manunulat, parehong mahusay na uri ng pagsusulat ang ginagawa ng mga journalist at creative writer lalo na’t nagsasalita siya base sa kaniyang sariling karanasan.
“So, the question of ‘Journalism versus Literature?’ no longer has to be asked., The old feud is over and the two rivals are now more or less on even terms. If journalism has been upgraded to literature, literature is being reinvented as a species of reportage. In the some five decades I have been in journalism, those are the developments that I find most moving—because my own writing career has moved in the same direction: from fiction to reportage, and from reportage to non-fictiom as literature,” ani Joaquin sa kaniyang talumpati. Dito nabanggit na niya ang salitang “non-fiction” na may hypen nga lang.
Bakit “sanaysay” pa rin ang gusto kong itawag sa CNF? Bakit sa tingin ko “sanaysay” ang salin ng CNF sa Filipino? Sa introduksiyon ni Alejandro Abadilla sa klasikong librong inedit niya na ‘Mga Piling Sanaysay’ (Inang Wika Publishing Co., 1950) ay nagbigay siya ng pagpapahakulugan sa salitang sanaysay: “[P]agsasalaysay ng isang sanay, o nakasulat na karanasan ng isang sanay sa pagsasalaysay.” Magandang pagpapakahulugan ito dahil malapit sa idea ni Gutkind kung ano ang CNF: “[N]onfiction is written so as to make it more dramatic and compelling. We embrace many techniques of the fiction writer, including dialogue, description, plot, intimacy and specificity of detail, characterization, point of view; except, because it is nonfiction—and this is the difference—it is true.”
Malaki ang pagkakatulad ng “sanaysay” ni Abadilla at ng “creative nonfiction” ni Gutkind. Ang “sanay sa pagsasalaysay” ay katulad ng “dramatic at compelling” na pagkukuwento. Ang sanaysay ay tungkol sa sariling karanasan ng manunulat at ito ang “it is true” na tinutukoy ni Gutkind.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.