Alinsunod sa sinumpaang pangako ng Korporasyong Pagkoreo ng Pilipinas (PHLPost) sa publiko, mananatiling bukas ang mga piling tanggapan nito sa bansa upang tumanggap ng domestic mails at masiguro na maihahatid ang mga padala.
Ang lahat ng mga padala patungo sa “labas ng bansa” ay pansamantala munang hindi tatanggapin ng PHLPost.
Kamakailan lamang ay inanunsyo ni Cabinet Secretary Karlo B. Nograles ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na hindi kasama ang PHLPost sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon upang patuloy itong magsilibi sa kanyang mga kliyente at mamamayan.
Tiniyak ng PHLPost na mahigpit nitong ipatutupad sa mga kawani at frontliners ng tanggapan ang Enhance Community Quarantine (ECQ) protocol tulad ng physical distancing at pagsusuot ng gamit sa katawan bilang pangontra sa pagkalat ng Covid-19 at masiguro ang kaligtasan ng mga kawani at ng mga tumatangkilik ng serbisyo ng koreo.
Ang mga piling tanggapan na sakop ng National Capital Region (NCR) ay patuloy na magbibigay ng serbisyo sa publiko mula alas Diyes (10:00AM) ng umaga hanggang alas Tres (3:00PM) ng hapon, Martes hanggang Huwebes lamang.
Nililimitahan din ng PHLPost ang paghahatid ng mga padala o mga door-to-door delivery maliban kung ito ay mga gamot, mga mabilis masirang pagkain o bagay, mga pension/loans na tseke mula sa SSS at GSIS at mga naantalang padala bago ang community lockdown.
Para sa mga sulat at parsela na may contact number o e-mail, sisiguraduhin ng PHLPost na maaabisuhan sila upang kunin ang mga padala sa pinakamalapit na tanggapan.
Makikipag-ugnayan din ang mga lokal na post offices sa mga barangay upang tumulong sa paghahatid ng padala sa kanilang mga nasasakupan.
Ginagawa ang mga naturang hakbang upang makaiwas sa pakakaroon ng pisikal na kontak.
Gayun pa man, sisikapin ng PHLPost na matugunan ang pangangailangan at mapaglingkuran ang mamamayan sa abot ng kanilang makakaya sa panahon ng krisis na kinakaharap ng bansa.