Serye ng Webinar ng KWF, Tampok sa Buwan ng Panitikan 2022!

Itatampok ng Komisyon sa Wikang Filipino ang serye ng webinar sa Buwan ng Panitikan 2022 ngayon buwan ng Abril na may temang “Muling Pagtuklas sa Karunungang-Bayan.”

Itinatadhana ng Proklamasyon Blg. 964, s. 1997 na pangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang paggunita sa Araw ni Balagtas tuwing Abril 2 ng bawat taón. Gayundin, inaatasan ng Proklamasyon Blg. 968, s. 2015 ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), Pambansang Lupon sa Pagpapaunlad ng Aklat (NBDB), at Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) na pangunahan ang paghahanda, pakikipag-ugnayan, at pagpapatupad ng mga aktibidad at gawaing may kaugnayan sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan (BnP) alinsunod sa temang nailahad sa itaas.

Ang pagdiriwang ay bubuksan sa pamamagitan ng isang lektura na tatalakay sa tema ng Buwan ng Panitikan 2022 na ang magiging tagapanayam ay isang iskolar at dalubhasa sa kultura at karununang-bayan na si Dr. Felipe M. De Leon Jr., Punò, National Committee on Music, Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining.

Tampok sa serye ng webinar ang mga iskolar at dalubhasa sa panitikan, kultura, at Araling Pilipinas.  Ang unang webinar ay gaganapin sa 4 Abril na may paksang “Lokal na Kasaysayan sa Pagpapatibay ng Pambansang Identidad”  na ang magiging tagapanayam ay si Emanuel Calairo, PhD.

Ang ikalawang paksa ay nakaiskedyul sa 11 Abril na may paksang “Pagsisinop at Muling Pagsulat ng Karunungang-Bayan: Pagpapalakas ng Lokal na Panitikan sa Pagbubuo ng Panitikang Pambansa” na tatalakayin ni Eugene Y. Evasco, PhD.

Ang ikatlong paksa ay nakatakda sa 18 Abril na may paksang Wikang Katutubo, Wikang Tagos-puso: Buod ng Damdamin at Karanasan ng Mamamayang Muslim”  ang tagapagsalita ay Kom. Abraham P. Sakili, PhD.

Ang ikaapat na serye ay gaganapin sa 25 Abril na may paksang “Mga Wikang Katutubo sa Pagbuo ng Pambansang Panitikan” na tatalakayin ni Kom. Angela Lorenzana, PhD.

Ang serye ng webinar ay live na mapapanood sa opisyal na Facebook Page ng Komisyon sa Wikang Filipino sa iskedyul mula 10:00 nu hanggang 12:00 nt.

Ang KWF ay patuloy na magtataguyod ng mga seminar hinggil sa wika, kultura, at panitikan na kabilang sa mga priyoridad na proyekto ni Tagapangulong Arthur P. Casanova na suportado ni Komisyoner Carmelita C. Abdurahman, Kinatawan ng Wikang Samar-Leyte, at Komisyoner Benjamin M. Mendillo, Fultaym na Komisyoner, Kinatawan ng Wikang Ilokano.

Sa mga nagnanais na dumalo sa serye ng webinar ay maaaring makipag-ugnayan sa Sangay ng Edukasyon at Networking sa telepono bílang 85473188 o magpadala ng email sa komisyonsawika@gmail.com para sa mga tanong at paglilinaw. Ang mga dadalo sa nabanggit na webinar ay makatatanggap ng e-sertipiko mula sa KWF.