By John Iremil Teodoro
BINUHUSAN ko isa-isa ng tubig ang sampung maliliit na estawa ng Buddha sa isang mahabang mesa na punô ng mga puting bulaklak na nagsisilbing temporaryong altar sa labas ng isang templo sa loob ng compound ng Wat Arun. Ayon sa paniniwalang Buddhist, kapag ginawa ko ito, mga kasalanan at kamalasan ko ang matatanggal. Ang ritwal na ito ay bahagi ng selebrasyon ng Songkran.
Apat na araw ako sa Bangkok nitong weekend dahil Songkran mula April 13 hanggang April 15. Ito ang water festival ng Thailand at pinakamahalagang festival dahil ito rin ang Thai New Year. Saka pumunta rin ng Bangkok si Pietros, dating estudyante ko sa University of San Agustin at De La Salle University, na nagtatrabaho ngayon sa Philippine Embassy sa Brunei Darussalam. Medyo matagal na rin kaming hindi nagkita.
Tulog pa ang kalyeng tinitirhan ko sa Salaya nang umalis ako noong Biyernes papuntang Bangkok mga alas-sais ng umaga. Pero ilang araw na rin namang napapansin kong kumukonti na ang mga tao sa paligid. Mula sa terasa ng aking kuwarto sa ikalimang palapag, marami akong nakikitang umaalis na may dalang maleta. Wala pa alas-siyete ay nasa Bangkok na kami ng inarkila kong taxi na kakilala ni Dr. Morakot ng Mahidol University. Sinundo muna namin si Pietros sa tinitirhan nitong kaibigan sa Sukhumvit, isang commercial district, saka kami dumiretso sa Wat Arun.
Ito talaga ang goal ko ngayong punta ko rito sa Thailand—ang mabisita ang Wat Arun o ang Temple of Dawn dahil sa klasikong nobela ng paborito kong Japanese writer na si Yukio Mishima. Dalawang gabi lang kasi kami rito ni Juliet noon at masyado namang punô ang schedule namin sa S.E.A. WRITE awarding kayâ hindi ko pa ako nakapunta rito.
Nakamamangha talaga ang Wat Arun. Ang main temple ay binubuo ng isang malaking pagoda na napapalibutan ng apat na maliit na pagoda. Kapag sinabi kong malaki siguro mga sampung palapag ang taas at ang maliit ay mga limang palapag. Ang mga pagoda ay nababalot ng makukulay na mosaic. Sa malapitan, kapansin-pansin na ang mga disenyong bulaklak at dahon ay yari sa mga basag o lumang porselanang pinggan, platito, at mangkok. Yung iba naman ay may kasamang kabibe—mga punaw at sigay—na ginagawang puting talulot. Ngayon alam ko na kung ano ang gagawin ko sa sangkaterbang mga plato, platito, at mangkok sa bahay namin sa Maybato!
Biyernes kami nandoon, Abril 12, besperas ng Songkran kung kayâ wala pang basaan. Pero busy na ang mga templo sa bakuran ng Wat Arun. May mga aktibidad at sa labas ng isang templo kung saan may mesa na may mga nakapatong na Buddha na binabasâ ng mga nagdadasal, maririnig ang chanting ng mga monk.
Sayang at hindi kami tumagal sa Wat Arun. Sobrang init kasi. Mas mainit dito sa Bangkok at Salaya. Umaabot ng 42 degrees ang heat index. Sabi ko nga kay Pietros, nakakaya kong mamasyal na naglalakad buong araw sa mga lungsod sa Europa tulad ng Stockholm, Prague, at Heidelberg dahil malamig kahit tag-araw. Hindi ako napapagod basta-basta. Hindi ko ito nagagawa sa Singapore, Bali, at Bangkok. Tumatawa lang si Pietros dahil naiintindihan niya ang sinasabi ko sapagkat sa Berlin, Germany siya lumaki.
Malinis at safe na lungsod ang Bangkok. Hindi rin masyadong masikip, maingay, at matrapik gaya ng Metro Manila. Maayos din ang airport at train system nito. Kayâ siguro sikat na destinasyon ito ng mga turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Hindi tulad sa Manila na sa airport pa lang, maaari nang ma-scam ang mga turista at mataas ang probability na maholdap sila kapag naglalakad sa mga kalsada ng Kamaynilaan. Siyemore, needless to mention na pangit ang airport natin at hindi reliable and LRT at MRT at kailangang mong makipagbalyahan.
Pangatlong pagbisita ko na ito sa Bangkok. Una noong 2014 nang samahan ko si Juliet, ang pamangkin kong apat na taong gulang lamang noon, na magpa-biometrics sa Swedish Embassy dahil ni-request siya ng nanay niya na dalhin na sa Sweden. Ang pangalawa ay noong Agosto ng nakaraang taon para tanggapin ko ang aking S.E.A. WRITE award. Dapat noong 2020 ang awarding ceremonies. Kaso nagka-pandemic kayâ naging 2023 na ito. Kasama ko naman ang kapatid kong si Sunshine at kaibigang si Dulce Deriada. Pumunta rin ang kaibigan at tagasalin kong si Alice at ang bana niyang si Alex.
Sa Sukhumvit din kami ni Juliet tumira noon, sa isang hotel na malapit sa Swedish Embassy. Nitong huling kong punta ng Bangkok, sa Sukhumvit din kami nag-stay ni Pietros. Kayâ may mga nostalgic moment ako. Naiisip ko ang apat na araw namin sa Bangkok ni Juliet. Pangalawang biyahe ko pa lamang pa-abroad noon. Hindi pa ako confident na international traveller at may akay-akay pa akong bata kayâ stressed ako sa trip na iyon. Buti na lang mabait at marunong nang kaunting Ingles ang taxi driver na nasakyan namin mula airport na naging “suki” na rin namin dahil ito na ang inarkila namin para mamasyal sa Ayutthaya at pa-airport nang pauwi na kami.
Pinilit kong makabisita muli sa Mandarin Oriental kahit alam kong mabubutas ang aking wallet at bulsa. Nag-gitnang-uring fantasya at nag-YOLO moment lang ako. Nag-buffet breakfast kami roon nina Pietros at Christian Benitez. Si Christian ay isang manunulat na taga-Ateneo de Manila University na nagpi-PhD ngayon sa Chulalongkorn University. Dahil bigà ko ito at alam kong mas mahal mag-breakfast doon kaysa Manila Hotel, nilibre ko na sila. Madalang lang naman kaming magkita ni Pietros at parang treat ko na rin kay Christian sa pagkapanalo recently ng libro niya ng National Book Award for literary criticism. Gusto ko rin siyempre na makita nila ang Author’s Lounge doon.
Magandang mag-breakfast sa The Verandah dahil nasa pampang ito ng Chao Phraya River. Dahil hindi pa masyadong mainit ang sikat ng araw, presko pa roon at masarap sa mata panoorin ang mga dumadaang bangka sa ilog, lalo na ang bangka ng Mandarin na tradisyonal ang disenyo na pabalik-balik sa magkabilang pampang dahil nandoon sa kabila ang spa ng hotel. May eleganteng luncheon hall din doon kung saan kami kumain ng lunch bago kami dinala sa Chitralda Palace para tumanggap ng plake ng aming S.E.A. WRITE award mula kay Prinsesa Sirivannavari ng Kaharian ng Thailand.
Sa entrance ng Author’s Lounge may naka-frame na marmol sa magkabilang dingding na nagtataglay ng pangalan ng mga S.E.A. WRITE awardee. Hanggang 2015 pa lamang ang mga pangalan na nandoon. Naisip ko na siguro sa muling pagbalik ko, baka nandoon na rin ang pangalan ko. Hindi ko mapigilang kiligin kapag makita ko na ang ikalawa at ang ikatlong S.E.A. WRITE awardees mula sa Filipinas ay sina Nick Joaquin (1980) at Gregorio Brillantes (1981), respectively. Mga iniidolong manunulat na sa mga textbook ko unang nabasa ang mga akda noong nasa kolehiyo pa ako. Siyempre, nagpa-picture uli ako sa tabi ng larawan ni Yukio Mishima na nakasabit katabi ng marami pang larawan ng mga sikat na manunulat na tumira sa Mandarin Oriental.
Sa gitna ng lobby ay may higanteng chandelier na yari sa mga pulang bulaklak. Nagatunton ito hanggang sa itaas ng bilog na fishpond na may nakalutang na mga madyentang lotus. Nag-selfie kami ni Pietros at Christian doon, at naupo sa isa mga sofa at nag-book na ng Grab pabalik ng Sukhumvit. Nabanggit ko sa kanilang mas bongga pa rin ang lobby ng Manila Hotel at agree sila.
Hindi ko napuntahan ang mga area na maraming tao at basaan. Pero nang namili ako sa Chatuchak Weekend Market, masaya na rin ang mga barilan ng tubig. Buti ang may mga water gun lang ang binabasa nila. Kaso, madadamay ka pa rin kapag malapit ka sa kanila. Sa gate naman ng hotel na tinitirhan naming, may mga nambabasa rin. Nag-shopping kami ni Pietros na basâ ang likod ko at ang kanang sapatos. Pinaniniwalaang bonggang blessings naman ang handog ng mga ito kayâ keribels na.
Tulog pa rin ang kalyeng tinitirhan ko rito sa Salaya nang bumalik ako ritong noong Lunes ng tanghali. Nagpasundo ako sa Bangkok sa taxi na sinakyan ko noong Biyernes. Mga kalahating oras lamang ang biyahe namin. Mabilis dahil walang trapik. Pagod man ako at may kinakaharap nang patong-patong na deadlines (dalawa ang lecture ko ngayong linggo!), masaya ako dahil nag-enjoy ako sa Bangkok, isang banyagang lungsod sa Southeast Asia na marami akong masasayang alaala. Mukhang na-come-back-come-back na yata ako rito.