Starbucks

By John Iremil Teodoro

ANG kapatid kong si Mimi ay sobrang fan ng Starbucks. Kahit noon pa mang nandito siya sa Filipinas at wala pang pera, tambay na siya ng Starbucks. Ngayong nasa Sweden na siya at may pera na, ang gusto niyang pasalubong ko kapag nagbabakasyon ako sa kanila ay tumbler pa rin ng Starbucks mula sa ibang bansa rito sa Southeast Asia na napupuntahan ko. Kayâ naaaliw ako sa pagbasa sa FB ng mga reaction at meme hinggil sa isang nag-post na nag-walk out ng Starbucks dahil mali ang pagkabigkas sa kaniyang pangalan ng barista. Si Mimi kaagad ang naalala ko.

Dalawang beses na akong nagbakasyon kina Mimi sa Sweden at parehong nasa Starbucks ang “arrival honors.” Noong 2016 sinundo nila akong tatlo (Kasama ang bana niyang si Jonas at ang pamangkin kong si Juliet) sa airport ng Copenhagen sa Denmark. Nasa south of Sweden kasi sila at kung susunduin nila ako sa Stockholm, ang capital ng Sweden, ay mga limang oras na drive ito samantalang kung sa Copenhagen naman ay tatlong oras na drive lang. Iyon ang pinakaunang long flight ko—sampung oras mula Manila to Doha, at anim na oras from Doha to Copenhagen—kayâ hirap na hirap ako. Para akong bangag nang makarating sa Denmark. Pakiramdam ko lumulutang ako at ramdam na ramdam ang pagod ng aking katawang lupa subalit excited na masaya uling makita si Juliet. Sa airport agad akong hinila nina Mimi pa-Starbucks. Dahil nga feeling bangag ako, hindi ko kayang maging witty at magsabing, “Hindi ako nagtravel sa eroplano ng 19 hours (kasama na ang 3-hour lay-over sa Doha Airport) para lang mag-Starbucks! Habang nagkakape ay binilhan ako ni Mimi ng tumbler ng Starbucks Copenhagen.

Ang ikalawang pagpunta ko naman ay noong Hunyo ng nakaraang taon. Ang instruction sa akin ni Mimi, doon na nila ako hihintayin sa Central Station ng Copenhagen. Mula airport ay sumakay ako ng tren papunta sa city center. Dahil busy si Jonas sa kaniyang trabaho, sina Mimi, Juliet, at Evert John lang ang sumundo sa akin. Maagang pumunta sina Mimi sa Copenhagen at nag-check in sila sa isang hotel malapit sa Central Station. Doon na nila ako hihintayin dahil naka-stroller ang tatlong taong gulang na si Evert at masyadong hassle kung pupunta pa sila sa airport, na two stations away lang naman, para salubungin ako. Siyempre, ang instruction, hihintayin nila ako sa Starbucks ng Central Station.

Hilong-hilo pa ako sa biyahe at pumipila sa immigration (medyo mahaba ang pila) nang makatanggap ako ng mensahe sa Messenger mula kay Mimi. “Kuya nasaan ka na. Sabi ni Jonas nakalapag na raw ang eroplano mo. Nandito na kami sa Starbucks,” ang sabi. Sumagot ako na pumipila pa ako sa immigration. Siyempre taimtim akong nananalangin na hindi magkaproblema sa immigration at papapasukin ako sa Denmark. Bilang isang Philippine passport holder, mahirap maging masyadong confident. Tinanong nga ako ng immigration officer kung ano ang gagawin ko sa Denmark. Sabi ko, magbabakasyon ako sa kapatid ko sa Sweden. “And how are you going to Sweden?” tanong ng supaldong (bata at guwapo sana) immigration officer matapos niyang usisain gamit ang maliit na magnifying glass ang Swedish visa na nakadikit sa pasaporte ko. Ang thought bubble ko, “Bakit kasi hindi ako ipinanangak na bahagi ng Swedish Royal Family!” Sinigurado ko na hindi tumataas ang kilay ko at matamis na matamis ang aking ngiti sa aking pagsagot ng, “Oh, my sister and her children are waiting for me now in Starbucks at the Central Station of Copenhagen.” Ayun, tinatakan niya ang passport ko at ibinalik sa akin. Dapat hindi na ako nagpasalamat pero dahil gracious ako, nag-thank you pa rin ako.

Dahil kuripot ako, ang dalawang maletang dala ko, isang malaki at isang maliit, ay sa Save More ko lang binili na tig-PhP1,500 lang. In fairness sa dalawang maleta, ginamit ko ito pa-Bangkok para tanggapin ang S.E.A. WRITE Award ko noong Agosto 2023. Mukhang hindi naman halata ang pagka-cheappanggels ng mga ito nang mag-check in ako sa Mandarin Oriental. Ginamit ko rin ito nang magbakasyon ako sa Bali, Indonesia noong Oktubre nang taon ding iyon. At ito rin ang mga maletang ginamit ko nang maging Visiting Scholar ako sa Mahidol University sa Salaya, Thailand noong Abril 2024. Pero siguro dahil tatlong oras lang naman ang mga biyahe ng eroplano pa-Thailand at Indonesia, nakeribambuley ng mga maletang ito ang biyahe. Pero iyon nga, nang kunin ko na sa carousel sa Copenhagen Airport ang dalawang maleta ko, shocked ang byuti ko dahil natanggalan ng isang gulong ang malaking maleta! Parang may narinig akong nagsabi ng, “Ano ba ‘yan, Philippine passport holder ka na nga sira pa ang maleta mo. Wa poise!”

In fairness sa Copenhagen, at sa buong Europa, madaling i-navigate ang pagbili ng ticket at pagsakay ng tren. Oo, kahit sira ang isang gulong ng maleta ko. Naibaba ko ang dalawang maleta ko sa escalator papunta ng train platform. Naiakyat ko rin ang mga ito sa escalator mula sa train platform sa Central Station. Huli ko nang madiskubre na sa mga train station pala, may mga elevator para sa mga maraming dala! Well, speaking of adrenalin rush ng isang nag-iisang traveller sa Europe, nakaya ko ang dalawa kong maleta considering na may mga delata akong dala, mga grocery na bilin ni Mimi.

Parang train station sa pelikulang Harry Potter ang Copenhagen Central Station. Antigo, elegante, malinis, at organized. Pakiramdam mo nasa Europa ka talaga. True enough, hindi ako nahirapang hanapin ang Starbucks. Si Evert John ang unang nakakita sa akin. Doon nga silang tatlo na nangmemeryanda sa Starbucks.

Ano ngayon ang pinupunto ko sa sanaysay na ito? Wala lang. Gusto ko lang magkuwento tungkol sa Starbucks. At gusto ko rin lang sabihin na hindi ako nagsa-Starbucks kung ako lang dahil kuripot ako. Nasasayangan ako sa pera. Nagsa-Starbucks lamang ako kung may kasamang kaibigan ko kapamilya na gusto talaga ng Starbucks. Masaya na kasi ako na mag-brew ng sarili kong kape sa condo ko at magkapeng mag-isa habang nagbabasa ng latest na librong inorder ko sa Amazon o nanonood sa Youtube ng mga video tungkol sa mga tiny house at paghahardin.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here