Stockholm

By John Iremil Teodoro

NITONG pangalawang beses kong pagbisita sa Stockholm, capital ng Sweden at ng buong Scandinavia, napatibay ang paniniwala ko na ito ang paborito kong lungsod dito sa Europa dahil maganda ang arkitektura, malinis, walang trapik, napakaayos ng public transport, safe, at kaunti ang tao.

Mahal nga lang ang tirahan at pagkain doon kayâ siguro konti rin ang mga turista. Kapag mag-fika o magkape with cake kami ni Mimi doon, nag-a-average sa 300 kroner ang binabayaran niya. Kapag i-convert sa peso mga PhP1,800 na ito. Medyo mahal din ang entrance fee sa mga museum na nag-a-average sa 150 kroner (PhP900). Kapag gumamit ka ng public toilet, 10 kroner talaga ang bayad na pambili na sana ng isang kilong commercial rice kung nasa Filipinas ka. Ang maganda lang, 95% ng mga WC na ito (water closet) ay malinis at laging may toilet paper at hand soap.

Hindi kasing sikat ng Paris, Rome, at Prague ang Stockholm pagdating sa mga banyagang turista. Sa pag-aaral ng Euromonitor Survey noong 2019 (prepandemic), London pa rin ang nangunguna na may 19.6 milyong annual visitors na sinundan ng Paris na may 19.1 milyon at ng Istanbul na may 14.7 milyon. Pang-30 lang ang Stockholm na may 2.7 milyon. Ayon naman sa data ng Visit Stockholm AB, ang official na tourism promotion agency ng City of Stockholm, noong 2022 ang bilang ng mga overnight stay sa kanilang lungsod ay umabot ng 14.4 milyon. Ang 2/3 dito ay mga Swedish na mula sa iba’t ibang bahagi ng Sweden. Impressive na local tourist arrival ito kung isaalang-alang na 10.5 milyon lang ang populasyon ng bansa.

Worth your money talaga ang Stockholm. Lalo na kung mahilig ka sa arts and culture dahil may mahigit 50 na mga museo na nakakalat sa Stockholm na isang arkipelago ng 13 mga isla na dinudugtong ng mga tulay at subway system. May ilang kaibigan ako sa FB na nagppi-PM sa akin na huwag kong kalimutang pumunta sa ABBA Museum at Nobel Prize Museum. Ang kapatid naming si Gary na nasa Qatar ay sinabihan din akong puntahan ang Viking Museum.

Ang paborito ko ay ang Thielska Galleriet sa dulo ng isla ng Djurgården. Ito kasi ang pinakagusto kong lugar sa Stockholm na napuntahan ko noong tag-araw ng 2016. Isa itong mansiyon na napalibutan ng mga punongkahoy at dito ko nakilala ang likha ng dalawang major Swedish artist na sina Carl Larsson at Eugène Jansson. Marami din silang mga peynting ng Norwegian na si Edvard Munch sa kanilang permanent collection.

Nakita ko uli ang malaking peynting na “Navy Bath House” ni Eugène Jansson na punô ng mga hubad na lalaki na naliligo sa swimming pool. Bughaw ang dominant color nito na katangian ng halos lahat ng mga peynting ni Jansson sa koleksiyon ng Thielska. May nasulat nga akong tula tungkol rito na nasa libro kong Sommarblommor: Poems written in Europe (UST Publishing House, 2019). Nagbigay ako ng kopya ng librong ito sa mga namamahala ng gallery. Tuwang-tuwa ang mga nasa front desk nang ibigay ko ito pagkatapos kong magbayad ng entrance fee.

Nabalikan ko rin ang mga painting ni Carl Larsson doon lalo na ang “Azalea.” Nakapag-selfie uli ako sa lithograph version ng “The Scream” ni Edvard Munch. At napagmasdan ko uli ang tatlong peynting ng mandudula na si August Strindberg. Sayang nga lang at umuulan nang nandoon kamo kayâ hindi ko napasyalan ang mga eskultura sa hardin.

May bago akong paboritong museo sa Stockholm na nadiskubre ko nitong huling biyahe ko roon. Ang Prins Eugens Waldemarsudde na nasa Djugården din. Three bus stops away lang mula sa Thielska Galleriet. Malawak na hardin ito na tirahan ni Prince Eugen (1865-1957) ng Sweden na isang pintor at art patron. Ang kaniyang mansiyon ay ginawang museum ngayon kung saan matatagpuan ang kaniyang mga peynting at ang koleksiyon niya ng mga likhang-sining ng iba pang Swedish artist. Nasa isang cape ang property na ito na nakaharap sa isla kung sentro ng Stockholm. Mula sa isang bintana, nakita ko ang estatwa ng batang si Carl Von Linné na gawa ni Carl Eldh.

Ayon sa tagline na nakalagay sa billboard sa entrance ng museo, ito ang “Sweden’s Most Beautiful Art Museum.” Sang-ayon ako rito dahil ang ganda ng mga silid ng mansiyon na punô ng mga likhang sining at palamuti. Mayroon pang flower room na punong-punô ng mga preskang bulaklak! Sa isang wing ng museo, may special exhibition ng mga obra ni Marie Kroyer (1867-1940) na isang Danish artist. Maganda rin ang mga gawa niya na nasa tradisyon ng impressionism. Ngayon lang naa-appreciate ang body of work niya dahil sa mahabang panahon overshadowed siya ng kaniyang banang sikat na painter sa Denmark na si Peder Kroyer (1851-1909). Sa susunod na pagbalik ko doon, dapat buong araw talaga akong magbababad doon.

Sa huling araw namin sa Stockholm noong Biyernes, nag-walking akong mag-isa habang tulog pa sina Mimi at Evert John. Nilakad ko uli ang Gamla Stan mula sa hotel namin na malapit sa Central Station. Dumaan muna ako sa 7Eleven para mag-aghan ng hotdog sandwich, blueberry muffin, at brewed coffee. Dumaan ako sa Concert House sa harap ng Hay Market upang muling pagmasdan ang eskulturang “Orfeusgruppen” ni Carl Milles. Dahil maaga pa, nagsi-set up pa lang ng mga kiosko nila ang mga nagtitinda ng bulaklak at prutas. Mula roon tinunton ko ang diretsong daan patungong Sergels Torg (Sergel’s Tower) kung nasaan ang glass obelisk na isang iconic image ng Stockholm. Ipinangalan ang plaza at toreng ito sa isang eskultor na nasa lugar na ito ang dating workshop na si Johan Tobias Sergel. Dumaan din ako ng Kungsträdgården (King’s Garden), isang park na may cherry blossom trees na namumulaklak kapag spring. Talagang hardin ito ng hari noong unang panahon. Mula roon ay tumawid na ako ng tulay papuntang Royal Palace. Halos walang taong namamasyal sa paligid ng Palasyon hanggang sa Gamla Stan dahil alas-diyes pa nagbubukas ang mga tindahan at restawran. Mga alas-otso pa lamang ng umaga pero parang tanghaling-tapat na ang liwanag (Malamig pa rin!) ng sikat ng araw dahil nga tag-araw. Ito lang ang lungsod na napaka-safe ng pakiramdam ko kapag naglalalakad.

Ayon sa Visit Stockholm AB, ang unique DNA ng kanilang lungsod ay may tatlong katangian: “(1) Visionary: We are the city that dares to dream of a better future. The creative capital that has never been anchored to the status quo. Innovation has, historically been part of our DNA—dating back to the days before Alfred Nobel; (2) Trustworthy: We are the city built on transparent public institutions and a supportive social system. This, together with our long history of democracy, creates a safe atmosphere where we have confidence in our society and in each other; at (3) Free: We are the equal city that never compromise on freedom of speech, religion or sexuality. This creates a safe atmosphere where we have confidence in our society and in each other.” Damang-dama ko ang mga katangiang ito. Pero parang hindi lang Stockholm ang ganito. Ganito rin ang DNA ng lipunan ng buong Sweden.

Halimbawa lang ng mga katangiang ganito ay may rainbow coffee cups ang mga 7Eleven. May rainbow pride drink ang sikat na café chain na Espresso House. Kayâ malinis ang mga kalye at paligid ay dahil may programa ang pamahalaan na binibigyan ng trabaho ang mga autistic at may Down Syndrome na mga mamamayan nila na kayang mamulot ng basura. Mapapansin mo sila na pangiti-ngiti habang tulak-tulak ang basurahang kariton at may stick silang pampulot ng mga basura tulad ng balat ng kendi at upos ng sigarilyo. (Yes, may ilang matitigas ang ulo ding nagtatapon ng basura sa sidewalk.) Saka multi-cultural at multi-racial ang Stockholm. Sa mga nasakyan naming bus, may driver na puti, itim, at kayumanggi. Yung isa feeling ko Pinoy dahil ang tamis ng ngiti sa akin nang mag-tap ako ng access card namin. Pero sabi ni Mimi, Thai daw.

Ngayon pa lang pinaplano na namin ni Mimi ang susunod na pagbisita ko sa kanila rito sa Sweden. Sa susunod daw, sa Arlanda Airport na ako bababa para magbakasyon muna ako sa Stockholm ng mga limang araw bago umuwi rito sa Lenhovda. Doon na raw nila ako susunduin. Sabi ko sa kaniya, sa susunod gusto ko kasama ko na ang partner kong si Jay. Gusto ko kasing makita niya ang mga hardin at museo na paborito ko sa Stockholm. Saka gusto kong makasama siya sa pag-walking sa Djurgården. Dahil sabi nga sa isang paborito kong libro—ang The Secret Garden ni Frances Hodgson Burnett—“If you look the right way, you can see that the whole world is a garden.”

Ang Stockholm ay isang hardin na masarap at masayang balikbalikan kasama ang mga mahal sa buhay.