By John Iremil Teodoro
WALANG nang mas angkop pa na pamamaraan sa pagpaparangal para sa isang dakilang guro katulad ni Leoncio P. Deriada kundi sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng isang kumperensiya para sa kaniyang alaala.
Ginanap noong Abril 4 at 5, 2025 ang “Teaching Deriada: Leoncio P. Deriada Conference on Teaching Literature and Language” sa University of the Philippines Visayas (UPV) sa Little Theater nito sa kanilang Iloilo City Campus. Pinangunahan ito ng grupong Hubon Manunulat: West Visayan Writers sa pakikipagtulungan ng UPV Sentro ng Wikang Filipino, UPV Division of Professional Education, UPV Division of Humanities, at ng National Book Development Board.
Pangalawang taon na ito ng Deriada Conference bilang pag-alaala at pagbibigay-pugay sa guro ng maraming manunulat sa Western Visayas at sa buong bansa. Si Deriada ay Palanca Hall of Famer at Metrobank Outstanding Teacher.
Ikinararangal ko na ako ang naimbitahang magbigay ng Keynote Speech bilang pambungad na panayam sa dalawang araw na kumperensiya. Masaya ako at labis na nagpapasalamat sa pagkakataong ito na muling mapasalamatan at maparangalan ang una kong guro sa malikhaing pagsulat.
Mahusay ang mga paksa hinggil sa pedagohiya at mga akda ni Deriada na ibinahagi sa kumperensiya mula sa mga guro, iskolar, at manunulat na karamihan ay mga taga-Isla Panay na kinabibilangan nina Isidoro Cruz, Ferdinand Jarin, Aurora Fe Bautista, Cecilia Alimen, John Barrios, Eliodora Dimzon, Noel Galon de Leon, Alfredo Diaz, Aren Hallegado, Jose Anthony Gerard Muyco, Angel Marie Peñano, Rowell Salulog, at Maria Anjelica Wong. May mga paper presenter din na galing sa Palawan at Metro Manila na sina Jay Maravilla, Kharla Mae Brillo (Ateneo de Manila University) at Jan Marvin Goh (University of Santo Tomas).
Sa umpisa ng aking Keynote Speech inilatag ko ang malaking problemang kinakaharap ngayon ng sistemang edukasyon sa ating bansa at sa buong mundo dala ng neoliberal na ideolohiya. Dahil dito under attack ang humanidades dahil hindi naman ito mahalaga para sap ag-produce ng mga estudyante at graduate para sa labor force. Mababa ang tingin sa literatura sa akademya dahil tila pabigat lamang ito dahil hindi naman ito mapagkakaperahan.
Ito ang panahon na lalong kailangan ang mga gurong katulad ni Deriada na passionate pagdating sa literatura at talagang ipaglalaban ito. Narito ang huling bahagi ng aking talumpati:
Ano ba talaga ang kapuslanan ng literatura para kay Leoncio P. Deriada? Sa kaniyang “Introduction” sa librong Patubas: An Anthology of West Visayan Poetry, 1986-1994 inilatag niya ang unibersal na kabuluhan ng pagtula. Aniya, “The poems in this collection affirm the oneness or utterances of the poets of the region with other poets in the country and the world. They speak on the same themes, both in celebration and lamentation: God, love, freedom, women, children, ecology—and the hundred and one ways of violating Nature, man, woman and child (xxi).”
Nanganganib na ang mundo ng akademyang iniwan ni Deriada. Ang papel nating mga guro ng literatura, malikhaing pagsulat, at wika ngayon ay ang ipaglaban ang kaligtasan ng ating larangan. Mang-gus-ab tayo ng mga administrador ng ating mga paaralan, kolehiyo, at unibersidad kung kinakailangan. Gus-abin natin ang mga nagpapatakbo ng DepEd at CHED. Mang-gus-ab tayo kahit na sa tingin ko ay wala na rin naman tayong magagawa pa. Sori gid at masyadong nang negastar ang inyong Sirena. Ang mahalaga, we, tayo, “Do not go gentle into the good night.” Kailangan nating mag-“Rage, rage into the dying of the night.”
Marami pa naman tayong maaari pang gawin ayon sa kaalamang iniwan sa atin ni Deriada. (1) Ipaglaban na manatili sa mga kurikulum ang subject/kuros ng literatura at malikhaing pagsulat. (2) Ipagpatuloy at dagdagan pa ang mga writers’ workshop katulad ng San Agustin Writers Workshop. Baka napapanahon nang i-revive ng UPV ang Miag-ao Summer Arts Camp na inorganisa nina Deriada at Delia Doromal. (3) Suportahan natin ang mga lokal na publikasyon at ang Iloilo Mega Book Fair para magkaroon ng matatag na outlet ang mga manunulat ng rehiyon lalo na ang mga nagsusulat sa Aklanon, Hiligaynon, at Kinaray-a. At (4) Isulong natin ang paggamit ng sariling wika sa pagturo ng hindi lamang ng literatura kundi sa buong sistemang pang-edukasyon.
Gagawin natin ito dahil mahal natin ang wika, ang literatura, ang malikhaing pagsulat, at humanidades. Gagawin natin ito para sa sarili nating katinuan. Gagawin natin ito dahil ito ang gagawin ni Leoncio P. Deriada kung nabubuhay lamang siya at malakas pa. Gagawin natin ito upang parangalan ang alaala ng isang dakilang guro na patuloy na nagtuturo sa atin sa pamamagitan ng mga naiwan niyang sinulatan.
Huwag na huwag nating kalimutan ang sinabi ni Deriada na ang malikhaing pagsulat, ang literatura, ay nagmumula sa isang “makataong pananaw sa buhay at sa daigdig.”
Bilang isang certified Deriada Baby, ang self-proclaimed “favorite daughter” of Leoncio P. Deriada, nais kong pasalamatan ang lahat ng naririto ngayon—pisikal man, virtual, or in spirit lang—sa pakikiisa sa pag-alaala at pagbibigay ng parangal sa kaniya bilang guro. Hindi lamang ako o si Dulce ang mga anak ni Deriada. Lahat tayo ay mga anak ng dakilang manunulat at gurong ito.
***
Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.