Trangkaso

By John Iremil Teodoro

PAGGISING ko noong Miyerkoles ng nakaraang linggo sa Boracay, baradong-barado na ang ilong ko, masakit ang ulo ko, lumala ang aking ubo at parang may hika na, at para na akong lalagnatin. Naisip ko, mukhang hindi ko na kakayaning magbiyahe pa-Manila nang hapong iyon. Nagdesisyon akong umuwi na lang kami ng partner kong si Jay sa Antique pagka-check out namin sa katanghalian. Agad kong kinontak ang travel agent ko na i-cancel na ang plane ticket ko pati na rin ang ticket ko pauwi ng Antique sa Sabado. Sasaglit sana kasi ako sa Manila para sa isang meeting.

Martes ng hapon matapos ng aming Lasallian Retreat sa isang kulob na session hall sa isang pangit na resort sa Station 2, nararamdaman kong kumakati na ang aking lalamunan at tumutulo na ang malabnaw kong sipon. Tanda ng isang viral infection. Naisip ko na agad na bakâ madadali ako ng trangkaso o influenza. Kasama ko sa retreat ang bagong mga opisyal, mga tagapangulo, mga direktor, at office staff sa College of Liberal Arts ng De La Salle University. Labimpito lang naman kami at bakâ doon talaga kami nagkahawaan dahil ang balita ko, may lima pang mga kasama namin ang nagkasakit bukod sa akin.

Ang sinisisi naman ni Jay, ang sobrang init ng klima sa Boracay kapag nasa labas kami at pagkatapos sobrang lamig naman ng aircon ng kuwarto namin sa Canvas Inn. Labas-pasok sa mainit-malamig na lugar na ayon sa paniniwala ng marami, magkakasakit ka nga. Naging summer feels kasi ang weather sa Boracay nang nandoon kami. Sabi ni Megan, ang may-ari ng Canvas Inn, noong Hunyo at Hulyo raw, ulan nang ulan sa Boracay. Welcome sa akin ang mala-summer na init. Lalo na’t isang buwan at kalahati ako sa Sweden at napagod ang katawan ko sa lamig.

Pero panahon talaga ng trangkaso sa Filipinas kapag tag-ulan na kadalasang nag-uumpisa ng Hunyo hanggang Disyembre. Dapat talaga sa susunod na taon, magpapa-flu vaccine na kami. Ngayong lampas 50 na ako, mukhang dapat magdoble ingat na pagdating sa kalusugan. Although medyo matagal na rin naman akong natrangkaso. Bihira naman akong magkasakit. Under control naman ang hypertension at diabetes ko. Normally mild asthma attack lang dahil kung minsan hindi naaawat sa paninigarilyo. Sa pagkakasakit ko ngayon, naipangako ko sa sarili na i-try ko na talaga ang best ko na tumigil na sa paninigarilyo. Nakaisang linggo na ako.

In fairness sa Tambisaan Jetty Port paalis ng Boracay, mukhang mas organized sila. May mga nagga-guide na sa mga bumibili ng ticket. Hindi mo na kailangang magtanong dahil may nagsasabi na kung ano ang susunod mong gawin at kung saan ka pupunta. Napatawa nga ako sa sa sarili ko. Nabasa kayâ nila ang kolum ko na nagtatalak dahil sa chaotic na jetty port nila sa Caticlan?

Habang nakahiga ako at inaapoy ng lagnat, mistulang tinatrangkaso rin ang bansang Filipinas. Maraming mainit at nakakapagpainit ng ulo na mga balita sa Facebook at sa telebisyon. May mga taong pilit na pinapalala ang away sa pagitan ni double Olympic gold medalist Carlos Yulo at ng nanay nito. Si Sara Duterte na inaaway ng mga konggresman dahil wala na ngang ambag bilang Vice President ay kuda pa nang kuda laban sa Marcos administration na as if naman may kuwenta ang presidency ng tatay niyang adik sa Fentanyl. Si Harry Roque, mas maraming sinasabi mas lalong nahuhuli na sangkot talaga siya sa POGO dahil ang isda nahuhuli talaga sa bunganga. Si Pastor Quiboloy nagtatago pa rin sa Davao. Si Robin Padilla nagpapalaki pa rin ng bayag sa Senado at sayang na sayang ang pansuweldo sa kaniya kasi labis ang kabobohan. Si Bato nanlalambot na dahil sa takot sa ICC. Ang pekeng Filipino na si Alice Guo ay nakatakas na pala noong nakaraang buwan pa at mukhang sa tulong pa ng mga taga-Bureau of Immigration kayâ nanggagalaiti si Senator Risa Hontiveros. Binangga na naman ng barko ng China ang mga barko natin pero may mga kababayan pa rin tayong dini-defend ang China. Nakakaloka!

Ang nakakaloka sa lahat dahil napakalapit sa bituka na isyu at affected talaga ako kasi limited na masyado ang choices ng makakain sa loob ng ref namin dahil di kami makalabas ni Jay dahil may trangkaso nga kami, ang pa-presscon ng National Economic and Development Authority (NEDA) na sinasabi nila na hindi ka na “food-poor” kapag may PhP64 ka na budget sa pagkain mo sa isang araw! Siyempre andami naming PhP64 ni Jay! Ang problema, pareho kaming may lagnat at hindi kami makalabas ng bahay para mag-grocery sa Robinsons Place Antique para gastusin ang almost unlimited na PhP64 namin. Sayang at hindi namin maipakita in full display ang aming pagiging “food-rich.”

Marami talagang syonga-syonga ang mga nagtatrabaho sa gobyerno tulad ni Department of Trade Undersecretary Amanda Nograles na dini-defend ang PhP64 na food budget. Sa mga pagtatanong sa kaniya ni ACT-Teacher Partylist Rep. France Castro kung ano ang mabibili sa PhP64, ayon sa mahiwagang listahan na hawak-hawak ni Nograles, ang instant noodles ay Php7 raw. Ang 3-in-1 naman na kape sa listahan niya ay PhP4.10 per sachet. Napaisip tuloy ako, bakâ 10 years ago na listahan ang ibinigay ng staff niya kay Madam na mukhang hindi bumibili ng kahit ano sa sari-sari store? Siyempre ang mas mabigat na tanong, masustansiya ba na pagkain ang instant noodles at instant coffee assuming for the sake of argument na may PhP7 nga na brand ng noodles?

Kunsabagay, bakâ tama naman talaga ang figures ng NEDA at DTI. Ang laki ng mga suweldo at allowance nila para magkamali sila. Hindi ka nga siguro “food-poor” kung may PhP64 ka. Baka yung “food-poor” ay ang mga nanghahalukay ng basurahan para makakain. The fact na may pambili ka pa ng mga instant noodles at instant coffee at hindi pa kumakain ng pagpag, hindi ka pa “food-poor.” Ganiyan ka klaro mag-isip ang mga tagagobyerno habang nagpapakasasa sila sa kaban ng bayan.

May nabasa akong suggestion na puwede nating sundin ang figures na ito ng NEDA. Puwede nang PhP64 per day ang food allowance na ibibigay sa mga taga-gobyerno. Kapag may mga seminar sila, sapat na itong PhP64 per day per person na food allowance. Baka puwedeng umpisahan sa NEDA at DTI mismo para maturuan nila tayo kung paano mamuhay na hindi “food-poor.”

Sabi nga ng kaibigang manunulat na si Jerry Gracio sa kaniyang viral post sa Facebook, “Kung hindi bumabagyo, lumilindol. Kung hindi lumilindol, pumuputok ang bulkan. Kung hindi pumuputok ang bulkan, umeepal ang mga politiko. Kay malas ng bansang ito.” Malas talaga ang Filipinas. Pero sa tingin ko hindi dahil sa mga bagyo at lindol kundi dahil sa mga ganid na politiko nito!

Hindi lang tinatrangkaso ang ating bansa. Kinakanser ito. Kanser na dala ng pagiging gahaman ng mga magnanakaw na politiko at mga mandarayang negosyante. Pinapalala pa ito ng kabobohan at katamaran ng mga taong-gobyerno.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.