Tumanduk versus Banyagâ

By John Iremil Teodoro

NANG sumakay ako sa eroplano sa paliparan ng San Jose de Buenavista pabalik dito sa Manila noong Sabado, nakasabay ko ang isang pamilya ng mga politiko. Sa isip ko, naku uuwi na sila sa Manila dahil tapos na ang eleksiyon. May nanalo na sa pamilya nila at panahon nang umuwi sa mansiyon nila sa Manila. Babalik lang uli sila sa Antique para na naman sa eleksiyon sa 2028.

Noon pa man nasa Metro Manila naman talaga kadalasan nakatira ang maraming politiko sa Antique. Mayroon ngang isa na may asawa dito sa Antique at may ibang asawa din sa Manila. Marami sa kanila sa Manila na ipinanganak, lumaki, at nag-aral ang mga anak at uuwi na lang sa Antique kung maaari nang tumakbo bilang gobernador o kongresman. Minsan nga may governor din na isang Christmas nagsalita siya sa DYKA at nagpapaalam sa mga Antikenyo na uuwi raw muna siya sa pamilya niya sa Manila para mag-Pasko. Governor ka ng Antique tapos uuwi ka sa pamilya mo sa Manila? Kaloka!

Habang lumilipad ang eroplano, napapaisip ako. Masyado ba akong judgmental? Paano ako, sa Manila rin nagtatrabaho. Taga-Manila na rin ba ako? Dahil kapitan ng barko ang tatay namin at kailangan niya ng bahay na matitirhan pagdating niya ng Manila mula abroad o habang naghihintray ng susunod niyang pagsampa ng barko, may maliit na bahay din kami sa Pasig. Pero hindi ko talaga feel na taga-Pasig ako kahit na crush ko pa si Vico Sotto. Iniisip ko pa rin ang sarili ko bilang Antikenyo at taga-Maybato ako.

Threfore I conclude na masyado nga akong judgmental sa pamilya ng politikong nakasabay ko sa eroplano at masyadong nativist ang aking pag-iisip. Sa panahon na madali nang magbiyahe pa-Manila and back to Antique dahil may Roro at may biyahe na ng eroplano sa Antique mismo, at panahon na ng internet na may social media, nalulusaw na ang mga hanggahan. Borderless na talaga ang ating lipunan lalo na dito sa loob mismo ng ating arkipelago. Puwedeng-puwede talaga na Antikenyo ka na may bahay sa Antique at may bahay din sa Manila.

Ayon sa Pambansang Diksiyonaryo sa Filipino (Ateneo de Manila University Press, 2021) ni Virgilio S. Almario, ang “natibismo” na nanggaling sa salitang Espanyol na “nativismo,” ay “1. Patakarang bigyan ng higit na karapatan ang katutubong mamamayan kaysa dayuhan; 2. ang muling pagbuhay o pagpapairal ng katutubong kultura, lalo na laban sa panghihiram at naturalisasyon.”

Nitong nakaraang eleksiyon sa Antique, ginamit nina Governor Rhodora Cadiao at ng mga kaalyado niya ang salitang “tumanduk” o katutubo sa kanilang kampanya. Dahil ang kalaban ni Cadiao sa pagka-kongresista ay si AA Legarda na kapatid ni Senador Loren Legarda na mga taga-Malabon, Metro Manila naman talaga, convenient sa kampo nina Cadiao na gamitin ang pagiging “dayuhan” ng mga Legarda kahit na mahirap kalimutan ang katotohanan na nakapasok ang mga Legarda sa politika sa Antique sa tulong din naman ng mga tumanduk na politiko tulad ni Cadiao. Napaka-nativist na estratehiya nito at base sa resulta ng eleksiyon, wa epek naman talaga sa mga botante.

Noong una kong makita ang mga nagkalat na streamer at poster ng nakangiting si Loren Legarda sa Antique bago maghalalan noong 2019, tumaas na talaga ang kilay ko na halos dumikit na sa kisame dahil alam ko namang hindi talaga taga-Antique si Loren. Bakit siya tatakbong kongresman ng Antique e marami namang politiko dyan na maaaring maging kongresman ng aming probinsiya.

Kunsabagay, sa librong Antique: Manggad kag Paranubliun na inilathala ng Antique Provincial Historical and Cultural Council noong 2009 nang si Salvacion Z. Perez pa ang gobernador at siya ang executive editor ng librong ito, meron nang one-page na picture ni Loren at may dalawang pahina ng kaniyang biography na ang pamagat ay “Loren Legarda: Daughter of Antique.” Sa lohika ng pagkabuo ng libro, hindi naman klaro kung bakit nakasama ang larawan at talambuhay na ito dahil wala naman sa table of contents.

Basta ang totoong nangyari, ten years after ng librong iyon, naging congresswoman na ng Antique si Loren. Noong 2022, ang pumalit naman sa kaniya ay ang kaniyang kapatid na si AA. At nitong halalan 2025, hindi na nakaporma ang mga tumanduk laban sa kanila. Luz valdez na si Cadiao.

Ang almost landslide na pagkapanalo ng “dayuhan” na si AA Legarda laban sa “tumanduk” na si Rhodora Cadiao ay maging mahalagang leksiyon sana para sa mga politiko sa Antique lalo na sa mga bata pa o may pangarap pa lamang na maging lider ng probinsiya. Walang lugar ang natibismo sa eleksiyon at hindi na puwedeng ipangalandakan ang pagiging tumanduk lalo na’t Filipino din naman ang kalaban mo sa politika at hindi naman taga-China o Russia. Saka isang taon na residency lang naman ang kailangan para tumakbong kandidato sa isang lugar. Nasa Bill of Rights din ang the right to travel ng mga Filipino. Kayâ almost pointless na ipangalandakan ang pagiging taal na Antikenyo. Dapat ang ipangalandakan natin ay ang mga kongkretong nagawa natin para sa probinsiya noong tayo pa ang namumuno.

Sa matagal na panahon na mga “tumanduk” din naman ang namumuno sa probinsiya, bakit walang nakaisip na ayusin at gawing functional ang airport? Bakit walang nakaisip na i-restore ang Old Capitol Building at lagyan ng maayos na Provincial Library? Bakit walang nakaisip na tulungan ang mga weaver ng patadyong sa Bagtason, Bugasong? Bakit walang nakaisip ng San Jose de Buenavista Esplanade? Bakit wala halos politiko na tumulong sa University of Antique noon? Ang lahat nang ito at marami pang iba ay nagawa ni Loren Legarda sa loob lamang ng isang termino o tatlong taong pagiging kongresista niya.

Kung noong 2019 nang tumakbo si Loren bilang kongresista ng Antique ay nasabi ko na ang kapal naman ng mukha niya dahil hindi naman siya taga-Antique, ngayon hindi ko na ito masasabi pa. Napatunayan niyang anak nga siya ng Antique. Hindi ipinanganak at lumaki sa Antique pero may dugong Antikenyo, kesehodang dugo pa ito na isang siglo na ang nakararaan. Nitong mga nakaraang anim na taon ay marami siyang ginawa para sa Antique. I’m sure maraming boto ang natanggap ni AA, katulad ng boto ko, ay bilang pasasalamat talaga kay Senador Loren Legarda sa mga nagawa niya para sa mga Antikenyo.

Sa mga “tumanduk” na nanalo at natalo ngayong eleksiyon sa Antique, galingan n’yo na lang kasi kaysa naman maging nativist pa kayo. Tumaas na ang standard ng pagiging politiko sa Antique dahil sa mga Legarda.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Dati siyang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019. Naging Visiting Scholar siya sa Mahidol University sa Thailand noong 2024.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here