By John Iremil Teodoro
MEDYO maalog ang eroplano kanina sa biyaheng pauwi ng Antique lalo na nang palapit na sa Isla Panay. May makakapal na ulap kasi. Siyempre last week lang nangyari ang disgrasya sa Singapore Airlines dahil sa turbulence at biglaang pagbagsak nito sa loob ng air pocket, may isang namatay at marami ang naospital dahil nabalya at nauntog sa kisame ng eroplano. Kayâ umihi agad ako bago pa man lumipad ang eroplano dahil ayaw kong tanggalin ang seat belt ko habang lumilipad kami.
Salamat sa Diyos at palabas na ng Philippine Area of Responsibility si Bagyong Aghon, ang unang bagyong dumating dito sa Filipinas ngayong taon, na nagpaulan sa Metro Manila pati rito sa Kabisayaan. Ang kaso, binaha nang bongga ang lalawigan ng Quezon sa Luzon. Ayon sa Weather Forecast ng aking iPhone, may 70% chance of rain sa Metro Manila at dito sa San Jose de Buenavista ngayong araw. Salamat at hindi umuulan nang papunta ako ng NAIA kaninang alas-tres ng madaling araw. Subalit nagatarithi nang umaakyat na kami ng eroplano.
Medyo nakakapraning lang kasi sa pagsakay sa eroplano ang nangyari sa Singapore Airlines. Lalo na’t magbibiyahe ako sa susunod na buwan papuntang Sweden. Labimpitong oras din na biyahe iyon! Hindi rin nakatulong na ang dalawang lalaki sa katabing mesa ko sa Mabuhay Lounge ng PAL sa NAIA Terminal 2 kanina ay ang nangyari sa Singapore Airlines ang pinag-uusapan nila. Gayunpaman, wala naman akong gumawac dahil gustong-gusto ko na talagang makauwi rito sa Maybato dahil pakiramdam ko para akong nakakulong sa Tore (condominium unit) ko sa Taft Avenue.
Dalawang linggo akong natengga sa aking Tore dahil nag-apply ako ng visa pa-Sweden.
Habang nasa Manila ako biglang naging tag-ulan. Na maganda rin naman kasi hindi na masyadong mainit at bago ako matulog sa gabi pinapatay ko na ang aircon at mag-electric fan na lamang. Nakatitipid din sa koryente kahit papaano. Although dahil nga most of the time wala namang tao sa condo, mahigit isang libo lang ang bill ko doon ngayong Mayo.
Nami-miss ko ang partner kong si Jay. Nami-miss ko ang aming hardin dito sa bahay namin sa Maybato. Nami-miss ko ang Antique. Naisip ko nga, paano na lang ito kung tapos na ang aking sabbatical leave? Tiyak mag-a-adjust ako nang bongga sa pagbalik ko sa trabaho sa darating na Setyembre. Biláng na ang mga araw ko bílang malapensiyonada na Sirena.
Napakaluntian ng paligid! Ito agad ang napansin ko paglapag pa lamang ng eroplano sa Evelio B. Javier Airport. Basâ pa ang tarmac at may mga danaw sa paligid. Sabi ni Jay, umuulan daw kanina nang papunta sila ng airport mula sa bahay namin sa Maybato. Alas-siyete e medya siya dinaanan ng pinsan kong si Riyadh na isang tricycle driver na suki kong tagasundo at tagahatid sa airport.
Green na green ang mga halaman at punongkahoy sa aming hardin. Ang ganda ng mga bulaklak ng siete flores. Talagang “damdamin ko’y humihiyaw sa tuwa!” Marami ding paruparo. Siguro dahil maraming bulaklak sa paligid. Saka kapag may makita kasi kaming caterpillar, hindi namin ito pinapatay kahit na kinakain ng mga ito ang mga dahon ng aming mga tanim. Dinadamihan na lamang namin ang mga tanim para hindi halata kahit kinakain ng uod ang ibang sanga at dahon.
Ang dalawang púno ng elephant ear namin sa harap ng bahay ay nagiging malusog uli. Unti-unting lumalaki uli ang mga dahon at sariwang-sariwa ang pagkaluntian nito. Ang maganda sa tanim na ito, may laman at kahit mamatay o magiging ari-ari kapag tag-init, mabubuhay at mabubuhay ito sa pagdating ng tag-ulan.
Masaya rin ako at tuloy-tuloy na namumulaklak ang peach na santan at rosas na binili ko at itinanim noong kasagsagan ng tag-init. Ilang araw lang na umuulan nagsulputan na ang mga bagong sanga at sunod-sunod ang pag-appear ng mga bukó nito. Ang pulang santan naman na talagang inaalagaan namin dahil gusto naming lumago at lumaki ito tulad ng santan ni Tita Nening sa hardin niya noong maliit pa ako ay talagang malusog na tingnan. Muntik nang maubos ang dahon ng punong batwan namin dahil sa sobrang init pero marami na itong mga bagong dahon ngayon. Regalo pa ito sa amin ng kaibigan naming si Dulce (Deriada) na taga-Iloilo. Kasing-tangkad ko na ito ngayon.
Mula airport dumaan muna kami sa palengke ng San Jose de Buenavista sa Barangay Dalipe para bumili ng kakainin namin. Predominantly vegetarian pa rin kami ni Jay pero na-miss yata niya ang adobong baboy ko at humirit siyang bumili kami ng isang kilo na aadobohin. Bumili rin kami ng saging na arikundal na panghimagas at ng hinog na saba para prituhin mamayang gabi sa dinner. Bumili rin kami ng tigdadalawang balot ng pan de leche at pan de sal, at isang balot ng matigas na tinapay, na parang pinagong ng Quezon, na masarap isawsaw sa kape. Nakasanayan na talaga namin na doon bumili ng tinapay sa palengke. Hindi ko nami-miss ang tinapay sa Pan de Manila at Manila Hotel kapag nandito ako sa Antique.
Ang exciting find namin sa palengke kanina ay ang lumboy o duhat! Ang lalakí at kumikinang na uling ang kulay. Nang tinanong ko ang tindera kung magkano, PhP50 daw ang isang maliit na lata. Nagbiro ako ng, “Hindi ba limang piso? Fifty talaga?” Tumawa lang siya at sinabi kong nang huli kasi akong binilhan ni Nanay nito noon ay tig-limang piso lang ang isang baso ng Nescafe. Sabi niya, “Naku hindi makakabayad ang limang piso kapag mahulog ang umaakyat nito,” sabi niya. Sagot ko na tumatawa rin, kahit fifty hindi pa rin makakabayad sa mahal ng pagpapaospital ngayon. Galing daw sa bayan ng Patnongon ang tinda niyang lumboy.
Kayâ gustong-gusto ko talagang dito sa airport ng Antique bumaba kapag umuwi dahil palengke agad ang unang destinasyon. Hindi ko ito nagagawa kapag mag-via Iloilo Airport ako.
Habang nagluluto ako ng adobo nanonood kami ni Jay sa Youtube ng mga documentary tungkol sa regenerative farming o carbon farming. Maganda talaga ang mga documentary ng Deutsche Welle o DW at Japan Broadcasting Corporation o NHK. Para kang nagbabasa ng libro. Habang nanonood ay pinag-uusapan namin ni Jay ang gagawin sa lupa namin sa Sityo Iguhag at sa Aningalan.
Palagi naming pinag-uusapan ni Jay ang gagawin naming permaculture farm sa Iguhag. Noong isang linggo binisita niya ito at nagtanim siya ng lumboy at santol. Ang taong binabayaran naming nagbabantay doon ay nakapagtanim na ng mga rambutan noong nakaraang taon pa. Anim na libong metro kuwadrado ring lupa ito na gagawin naming food forest. Dati nang may malaking púno ng mangga roon. Sa susunod na tag-araw magpapagawa na kami ng kamalig doon. Kuwento pa ni Jay, sa patag daw sa taas (rolling hills kasi ang property) may malaking púno ng duhat na natumba na. Matanda na raw kasi. Buháy pa naman daw kayâ sabi ko hayaan lang iyon doon. Sa susunod na buwan ay babalik siya roon para magtanim ng mga punong namumulaklak ng kulay mapusyaw na peach. Mula ito sa mga buto na pinulot namin sa tabi ng Diversion Road sa Lungsod Iloilo.
Sa labas parang tumindi muli ang sikat ng araw. Pero doon sa kabundukan na makikita sa likod ng aming bahay namumuo ang gal-ëm. Mukhang uulan uli mamayang hapon o gabi. Sana paghiga namin ni Jay mamayang gabi ay uulan muli.