Bilang pakikiisa sa Pandaigdigang Araw ng mga Guro, malugod kayong inaanyayahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na saksihan ang birtuwal na pagbibigay ng parangal sa mga nagwaging Ulirang Guro sa Filipino 2021. Gaganapin ang birtuwal na parangal sa 4 Oktubre 2021, 9:00nu sa KWF Facebook page.
Ngayong taon, pararangalan sina Dr. Romeo P. Peña ng Polytechnic University of the Philippines, Dr. Ma. Lourdes R. Quijano ng Nueva Ecija University of Science and Technology, Dr. Rowel D. Madula ng De La Salle University, Voltaire M. Villanueva ng Philippine Normal University, at Mark-John R. Prestoza ng Quirino National High School
Ang Ulirang Guro sa Filipino ang taunang gawad na ibinibigay ng Komisyon sa Wikang Filipino sa mga pilî at karapat-dapat na guro na gumagamit ng Filipino bilang midyum ng pagtuturo.
Alinsunod sa layunin ng KWF na manghikayat at magpalaganap ng wikang Filipino sa pamamagitan ng mga insentibo, mga grant, at mga gawad, hinahangad ng tanggapan na makilala at maipagparangalan ang mga natatanging guro sa Filipino na nagpamalas ng angking husay, talino, at dedikasyon sa pagpapalaganap at promosyon ng Wikang Filipino at/o mga wika at kultura sa kanilang komunidad.
Guro ang pundasyon ng sibilisasyon, at sa ganitong pananaw isinilang ang Gawad Ulirang Guro sa Filipino na kumikilala sa mga natatanging guro na pawang nakapag-ambag sa pagpapalaganap ng matalino at malikhaing gamit ng wikang Filipino sa iba’t ibang disiplina, saanmang rehiyon sila nagmula, at nakapagpamalas ng pagpapahalaga sa kultura, kaakuhan, at kayamanang pamana ng bansa.