University of Antique

By John Iremil Teodoro

MASAYANG-MASAYA ako sa aking lecture at poetry reading sa University of Antique (UA) sa main campus nito sa bayan ng Sibalom noong Biyernes, Mayo 31. Iba talaga ang pakiramdam na sa Antique ako nagle-lecture dahil puwede akong mag-Kinaray-a at sa pagbasa ko ng aking mga binalaybay ay hindi na kailangang isalin pa. Pakiramdam ko nga para akong nag-homecoming lecture.

Pinamagatan kong “Andët Kinahanglan Magsulat sa Kinaray-a / Bakit Kailangang Magsulat sa Kinaray-a” ang aking lektura at pagbasa ng ilang tula mula sa mga libro ko sa Kinaray-a na Sommarblommor: Poems Written in Europe (University of Santo Tomas Publishing House, 2019) at Kembang Kertas: Mga Binalaybay, Mga Tula (Bughaw-Ateneo de Manila University Press, 2023). Nagbasa rin ako ng ilang tulang sinulat ko sa Thailand nitong Abril nang mag-Visiting Scholar ako sa Mahidol University. Binubuo ko ngayon ang libro ko ng mga tula tungkol sa Thailand na balak kong ilulunsad sa Bangkok sa birthday ko sa Nobyembre. Nag-iimbita kasi ang Siam Society na mag-poetry reading din ako para sa kanila.

Sa kongklusyon ng aking lektura may ilang punto akong binigyang diin kung bakit kailangang magsulat sa Kinaray-a ang mga Antikenyo at iba pang mga Karay-a sa Isla Panay: (1) agëd indi ta malipatan ang atën pagka-Karay-a / upang hindi makalimutan ang ating pagiging Karay-a; (2) agëd makaamot sa pagpasanyug kang pungsudnon nga pulong—ang Filipino nga bëkët lang it Tagalog / upang makapag-ambag sa pagpalago ng pambansang wika—ang Filipino na hindi lamang Tagalog; (3) agëd makita natën ang atën koneksiyon nga Aseano / upang makita natin ang ating koneksiyong Aseano; at (4) agëd makaatubang kita sa kalibutan nga may bugal kag dëngëg / upang makaharap tayo sa mundo na may pagmamalaki at dangal.

Simula pa noong nakaraang taon nang magsimula ang aking sabbatical leave ay pinag-uusapan na namin ng kaibigan kong si Tiking, si Ms. Shecky Mae Villavert na siyang External Affairs Director ng UA, na mag-lecture o book launching ako sa kanila. Ang kaso, naging abala ako sa pagpapa-renovate ng family home namin dito sa Maybato, dumating pa noong Pasko sina Mimi at Evert John at dalawang beses kaming nagbakasyon sa Boracay, at nag-Mahidol pa ako. Busy rin si Tiking sa pagko-coordinate ng mga on-the-job training ng mga estudyante nila at sa pag-aasikaso ng mga exchange student nila. Kayâ heto, mabuti at naisingit namin ito bago pa man ako magbakasyon sa Sweden ngayong Hunyo.

Ilang beses na rin naman akong nag-message sa Messenger sa kaibigan kong manunulat na si Dr. Jelyn Alentajan na bibisitahin ko siya sa UA at magdo-donate ako ng mga libro sa library nila. Si Jelyn ang Vice President for Academic Affairs ng UA at dahil marami silang campus masyado rin siyang busy at nahirapan kaming maghanap ng iskedyul. At iyon nga, noong Biyernes, huling araw ng Mayo, ay nag-align ang mga planeta at nagkita kami sa UA. Ang mga estudyante lang niya sa creative writing ang dumalo sa aking lektura dahil may sunod-sunod siyang mga miting nang araw na iyon pero nagkita at nakapagtsika pa rin kami kahit papaano bago ako umalis.

Ang lecture and poetry reading ko ay ginanap sa UA New Library. Inorganisa ng UA English Club sa superbisyon ng kanilang mga adviser na sina Dr. Mark Joseph Nonato at Mr. Mark Joseph Reyes, mga faculty na ang babata pa at napakaaktibo. Inorganisa rin ito sa ilalim ng College of Teacher Education sa pamununo ng kanilang dekana na si Dr. Grace Pastolero, na nang makatsika ko ay nagkuwentong ginagamit daw nila ang tula kong “Ang Baboy” sa mga klase nila. Ito ang tula kong nalathala na sa maraming textbook.

Sa President’s Office ako pinadiretso ni Tiking upang makapagpananghalian kami ng partner kong si Jay. Kaso sabi ko, nag-lunch na kami bago umalis ng bahay kayâ pinakape na lamang kami at pina-dessert. Habang nagkakape kami ay dumating si Dr. Pablo Crespo, ang university president. Nagpasalamat siya na nagbigay ako ng oras para mag-lecture sa mga estudyante nila. Pabiro pa niyang sinabi sa akin na umuwi na ako for good sa Antique at lumipat na sa kanila sa UA. Sabi ko naman sa kaniya, nag-usap na kami ni Jelyn na kapag magbukas na ang campus nila sa Aningalan ay talagang uuwi na ako at doon na magtuturo.

Malapit sa UA Aningalan Campus ang binili kong lote sa Tubudan, ang barangay na katabi ng Aningalan. Ang biro ko nga kina Tiking at Jelyn, kapag nagtuturo na ako sa Aningalan Campus at may makita silang naglalakad sa foggy na kalsada na naka-pink na fur coat very early in the morning ay ako iyon at wala nang iba! Pero seryoso din naman ako na bago tuluyang mag-retire bilang guro, gusto kong magturo sa Antique. Masaya at kontento din naman ako sa De La Salle University. Pero sa tingin ko, mas meaningful kung sa Antique ako magturo.

Pagkatapos ng aking lektura dinala ako nina Tiking at Marvin (English teacher ng UA na tinatapos ang disertasyon sa PhD in Applied Linguistics sa La Salle kayâ kilala ko) sa UA Pottery Center. Medyo nasa itaas ito ng bundok, sa side na ng Barangay Bari na kilala sa idustriya ng pottery, kayâ hiningal ako at pinagpawisan. Doon ako sa Bari nagpagawa ng mga flower pot noong Enero. Napakaganda at napakagaling na community outreach ng UA itong Pottery Center nila. Tinutulungan kasi ng sentrong ito ang mga taga-Bari sa tradisyonal nilang hanapbuhay.

Ang Pottery Center na ito ay sinusuportahan ng Industrial Technology Development Institute at Community Empowerment Through Science and Technology ng Department of Science and Technology (DOST), at ng Department of Trade and Industry (DTI). Malaking bagay itong ginawa ng UA sa tulong ng DOST at DTI upang mapreserba at mapasanyog pa ang sining at industriya ng pottery sa Bari at sa buong Antique.

Doon kami nahabol ni Jelyn. Hinihingal din siya nang makarating doon. Katatapos lang daw kasi ng dalawang miting niya. May short courses sila sa pottery doon at interesado kami ni Jay na mag-aral. Babalik kami doon para mag-obserba at mag-workshop. Dumaan din kami sa bamboo craft center nila kaso sarado na ito. Isa pa itong rason kung bakit kailangan namin ni Jay na pumasyal uli doon sa madaling panahon bago pa man matapos ang sabbatical ko sa Agosto.

Ipinagdiwang ng UA ang 70th Foundation Anniversary nito nitong Enero. Antique School of Arts and Trades (ASAT) ang unang pangalan nito na itinatag noong Enero 19, 1954. Noong Nobyembre 14, 1982 ay naging Polytechnic State College of Antique (PSCA) ito. Naging University of Antique naman ito noong Nobyembre 10, 2009.

Ayon sa official FB page nito, ang UA ang pinakamalaking state university sa Western Visayas kung populasyon ang pag-uusapan dahil may 25,785 na mga estudyante ito sa limang campus nito: Sibalom Main Campus, Tario Lim Memorial Campus, Libertad Campus, Caluya Campus, at Hamtic Campus.

Base sa mga nakikita at nao-obserbahan ko sa aking pagbisita, pagmonitor sa social media, at sa pakikipag-usap ko sa ilang mga kaibigan sa Antique tungkol sa UA, nasa tamang direksiyon ito at mukhang hindi lamang mananatiling pinakamalaking state university pagdating sa bilang ng mga estudyante sa Region 6 kundi magiging isa sa mga pinakamagaling ito pagdating sa tatlong gampanin ng isang unibersidad: instruction, research, at extension. At sa munting makakaya ko bilang isang propesor at manunulat, tutulong ako.

Mahalagang maging mahusay na universidad ang UA para hindi na kailangang umalis pa ng probinsiya ang mga batang Antikenyo na gusto ng kalidad na edukasyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here