Växjö

By John Iremil Teodoro

ANG lungsod ng Växjö sa lalawigan ng Småland sa southern Sweden ang kinikilalang “The Greenest City in Sweden” dahil ang kalahati ng lungsod ay nakukumutan ng gubat. Kilala din ito sa buong Europa bilang lungsod na nangunguna sa paggamit ng locally sourced renewable energy lalo na ng biomass. Sa katunayan, ang sabi ng Nordregio na siyang internasyonal na sentro ng pananaliksik hinggil sa regional development na itinatag ng Nordic Council of Ministers noong 1997, ang Växjö  ay ang “Europe’s Greenest City.”

Växjö ang pinakamalapit na city kina Mimi. Kayâ kapag sinabi nilang may bibilhin sa city, magpapakunsulta sa city, kakain sa city, itong Växjö ang tinutukoy nila. Mga 40 kilometro ang layo nito sa Lenhovda kung nasaan ang bahay nila. Mga 45 minutos hanggang isang oras na biyahe sa bus (dahil may 20 na bus stop) at kalahating oras na drive sa sariling sasakyan.

Medyo mahirap lang bigkasin ito dahil sa mga letrang “ä” at “ö.” May siyam na vowels kasi sa Svenska, ang tawag sa wikang Swedish. Bukod sa “a,” “e,” “i,” “o,” “u,” may “y,” “å,” “ä,” at “ö” pa. Yes, vowel ang “y” na ayon sa librong Complete Swedish (Teach Yourself, 2010) ang bigkas ay, “Like the long ‘i’ but with tightly rounded lips” tulad sa salitang “ny” na ibig sabihin ay bago o new. Puwede rin itong, “Sounds like the short ‘i’ but with rounded lips” tulad sa salitang “syster” na kapatid na babae o sister. Ang “ä” sa Växjö ay short sound na “more open than the English ‘e’ in ‘set.’” Long sound naman ang “ö” na, “The tongue is in the same position as for ‘e’ but the lips are rounded and protruded.” Parang ‘vekhowu” ang bigkas. Naalala ko noong 2016 sa unang pagbakasyon ko rito sa Sweden at masyado pang madaldal si Juliet (Ngayong teenager na siya ay hindi na masalita), naiinis siya sa akin kapag marinig niya akong “vaksyu” ang bigkas ko nito! Kino-correct niya ako at OA pa niyang binibigkas nang tama sa harap ko. Sinasabihan lang siya ng Papa Jonas niya ng, “Please don’t do that to John. It’s not polite.”

Sa Växjö ako nagpa-panic buying sa H&M. Bongga palagi ang mga naka-sale na tinda nila. Dahil kuripot ako, ang naka-sale lang ng at least 50% (kasi may mga naka-sale na 20 o 30 percent lang. Pero meron ding 70% ang discount!) ang binibili ko. Noong nakaraang Huwebes nga may nabili akong jogging pants na tag-70 kroner lang at pang-Boracay na shorts na tag-40 kroner. Times 6 ang conversion sa piso at talagang mura na ito. Napapangiti lang ako sa sarili ko dahil kahit sa H&M sa Manila ang mga naka-sale lang din ang binibili ko. Namamahalan kasi ako sa regular price nila. Minsan nga sa Robinsons Place Manila na branch, marami akong pinamili. May isang item na hindi naka-sale pero gusto ko talaga kayâ okey na sa akin ang presyo. Sabi sa akin ng baklang kahera, “Sir, itong isa hindi ho ito naka-sale ha.” Tumawa ako sabay sabing, “Oo, alam ko. Gusto ko lang talaga kayâ titiisin ko ang presyo.”

Sa Växjö ko rin nadiskubre na marami pang magagandang brand ng damit at gamit pambahay na mas maganda at mas may quality kaysa H&M at IKEA. Mahal nga lang. Doble o triple ang mga presyo. Na siyempre hanggang window shopping lang ako. Natatawa ako sa sarili ko dahil buti na lang cheap lang ang taste ko at masayang-masaya na ako sa mga damit at gamit pambahay na binibili ko nang sale sa H&M! Saka siyempre sa mga naka-sale na item din sa balikbayan box na pinapadala ni Mimi sa Maybato kada Disyembre.

May paborito din kami nina Mimi at Juliet na Asian restaurant sa Växjö, ang Foodie Neo Asian Gourmet Kitchen. Medyo pretentious ang pangalan pero magandang restaurant naman. May lunch buffet sila sa halagang 135 kroner o PhP810. Medyo mahal kung iniisip ko na wala pa sa ¼ ang mga pagkain nila kumpara sa mga sikat na mga buffet restaurant sa Manila. Pero keri na rin kasi may kanin. Saka may turon na dessert na lagi akong napapangiti dahil hindi saba ang saging na gamit kundi ang lakatan. Kapag sinabi ko kay Juliet na hindi ito ang klase ng saging na ginagawang turon sa Filipinas, magsa-shrug lang siya ng shoulders niya na tila sinasabing, “Who cares?” Pag-uwi ko sa Antique, try ko rin ngang prituhin ang saging na arikundal!

Nitong huli naming pagluwas sa Växjö nina Mimi at Evert John, pumunta kami sa Teleborg Castle na nasa northern area ng Linnaeus University mga limang kilometro ang layo mula sa sentro (centrum ang tawag nila) ng lungsod. Ito talaga ang pang-fairy tale ang peg. Parang mula sa cover at pahina ng mga Lady Bird series na binabasa ko noon. Well maintained na kastilyo ito at hindi mukhang luma dahil nagsisilbing hotel ito ngayon.

Kung ikukumpara sa iba pang mga kastilyo sa Sweden, bago nga itong Teleborg dahil noong 1900 lang ito itinayo. Regalo ito ni Count Fredrik Bonde af Björnö sa kaniyang asawang si Anna Koskull noong ikinasal sila. Nang namatay sila ay ginawa itong girls’ school at pinarentahan. Noong 1964 binili ito ng Lungsod ng Växjö kasama ang nakapaligid na parke ng mga bulaklak at punongkahoy. Sikat itong venue ngayon ng mga birthday party, wedding reception, at mga kumperensiya. May bonggang hagdan ito paakyat ng main door. Sa kalagitnaan ng hagdan ay may dalawang estatwang bato ng leon na nagbabantay. Sa terrace sa taas makikita ang hardin sa babâ at masisilip sa pagitan ng mga dahon at sanga ang malawak at luntiang kampus ng Linnéuniversitetet (ang pangalan ng Linnaeus University sa Svenska).

Sa isang bus stop sa unibersidad kami bumaba at sumakay papunta at paalis sa Teleborg Castle. Dahil Hulyo na at summer vacation na sa Sweden, halos walang katao-tao ang kampus. Parang sarado ang lahat ng building. Madalang ang mga kotseng dumadaan. Talagang siniseryoso ng mga Swedish ang isang buwang taunang bakasyon nila kapag tag-araw. Sabi ni Mimi ito rin ang dahilan kung bakit pati sa city center ay kakaunti ang tao. Malamang nagbabakasyon sila sa mga probinsiya at abroad. Ang iba naman nagtsi-chill lang sa bahay dahil kapag lumampas na ang temperatura sa 20 degrees celcius, naiinitan na sila. Si Mimi nga kapag umabot na ng 24 degrees, nagrereklamo na na mainit. Ako, naghi-heater pa rin sa kuwarto ko sa Sirenahus kapag natutulog sa gabi. At nakapadyama at nakamedyas na ako niyan na makapal pa ang duvet!

Ang highlight ng pagpunta sa Växjö Centrum ay ang pamamasyal sa Linnéträdgården o ang hardin sa parke na nakapangalan sa world renown na Swedish botanist na si Carl von Linné na siyang naglatag ng paraan para bigyan ng scientific name ang mga tanim at hayop. Ang ganda kasi talaga ng hardin. Napakaraming bulaklak. Bongga ang pamumulaklak ng mga pulang begonia. Perpektong lugar para ipahinga ang mga mata sa luntiang paligid doon, magpalamig kung naiinitan dahil summer, at magmumuni-muni. May children’s playground din. Marami ang nagwo-walking at nagdya-jogging doon. Marami din ang wino-walk ang mga aso nila.

Kapag marami pang time, maganda ring bisitahin ang compound ng Kulturaparken Småland. Nandoon ang Småland Museum, Glass Museum, at Historical Museum. May hardin din ito na may antigong windmills. Halos katabi lang ito ng Central Station kayâ magandang tambayan habang hinihintay ang tren o ang bus na sasakyan pauwi.

Dahil nga greenest city itong Växjö, habang naglalakad o nagbibiyahe, kapansin-pansin ang maraming mga gusali at bahay na yari sa kahoy. Kalahati raw ng mga gusali roon ay yari sa kahoy dahil masyadong mapanira ang simento sa kapaligiran.

Maraming bagay hinggil sa pagiging sustainable city ang maaaring ituro ng Växjö sa buong mundo.