By Jaime Babiera
Ayon sa annual report na inilathala ng National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA) noong 2021, ang pinagsamang temperatura ng kalupaan at katubigan sa mundo ay umaakyat sa bilis na 0.08 degrees Celsius (0.14 degrees Fahrenheit) kada sampung taon simula noong 1880.
Ngunit nakita sa pag-aaral na simula noong taong 1981, lubhang bumilis ang pagtaas na ito at naging 0.18 degrees Celsius (0.32 degrees Fahrenheit) na kada isang dekada.
Ang pagbabagong ito sa temperatura ng ating mundo o mas kilala sa tawag na global warming ay isa sa mga masasamang epekto ng climate change. Matagal na itong binabantayan at pinag-aaralan ng mga eksperto. At hindi maikakaila na ilan sa kanilang mga prediksyon noon ay nangyayari na ngayon sa iba’t ibang panig ng mundo.
Noong nakaraang buwan, idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA) ang opisyal na pagsisimula ng warm-dry season sa ating bansa. Panigurado, inaasahan at pinaghahandaan na ng lahat ang patuloy na pagtaas ng heat index sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas, kaya’t ’di malabong ang nasa isip ng mga Pinoy ngayong tag-init ay walang iba kundi ang magpalamig.
Tradisyon nang maituturing ng pamilyang Pilipino ang mag-outing kasama ang mga mahal sa buhay at malalapit na kaibigan tuwing sasapit ang buwan ng Abril at Mayo. Sinasamantala ng karamihan ang init ng panahon upang makapag-relax at makapagliwaliw sa mga naggagandahang white sand beaches at mga resort sa ating bansa.
Ngunit sa patuloy na pag-init ng ating mundo dala ng global warming at climate change, hindi na kataka-taka kung ang marami sa atin ngayon ay mas pinipili na lamang magkulong sa kwarto na naka-todo ang aircon o electric fan kaysa magtampisaw sa dagat.
Tunay ngang ang nararamdaman nating init sa kasalukuyan ay higit na maalinsangan kung ikukumpara sa mga nagdaang taon. Kaya’t sa ganitong lagay ng panahon, ang magbabad sa ilalim ng araw lalo sa katanghaliang tapat ay hindi advisable sapagkat maaring magdulot ito ng masama sa ating kalusugan at maging sanhi ng heat stroke, sore eyes, o ’di kaya ay mga sakit sa balat na pangkaraniwan tuwing tag-init.
Kung hindi ninyo naitatanong ay dalawang taon na ang nakalilipas noong ma-diagnose ako ng isang kondisyon sa balat na tinatawag na seborrheic dermatitis. Isang uri ito ng eczema na kung saan ang apektadong balat gaya ng anit, kilay, dalawang gilid ng ilong, at likod ng mga tenga ay namumula, nangangati, at nangangaliskis. Ang kagaya ko na mayroong ganitong skin disorder ay sensitibo hindi lamang sa malansang pagkain at maduming hangin kundi pati at lalo’t higit sa pabago-bagong temperatura. Bagama’t mas kontrolado ko na ito ngayon sa tulong ng ilang gamot at moisturizing products, hindi pa rin maiiwasan ang paminsan-minsang flare-ups na base sa aking karanasan ay madalas lumalabas tuwing matindi ang init ng panahon.
May kanya-kanya tayong karanasan pagdating sa epekto ng kasalukuyang climate crisis. Maaaring ang aking eczema ay mako-consider pang “mild” o katamtaman lamang kung ihahambing sa karanasan ng mga kababayan nating senior citizen na madaling kapitan ng karamdaman, mga estudyanteng siksikan sa silid-aralan, o mga magsasaka at mga construction workers na maghapong nakabilad sa matinding sikat ng araw. Gayunpaman, kahit ang bawat isa sa atin ay may sari-sariling daing hinggil sa mainit na panahon, hindi maitatanggi na iisang mensahe lamang ang nais nating bigyang-diin: Pagtuunan ng pansin ang ating kalikasan.
“Addressing climate change is our collective responsibility.”
Iyan ang mga binitawang salita ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang speech sa 41st ASEAN Summit Retreat noong nakaraang taon. Kaya inaasahan ko ang aktibong pakikiisa ng kasalukuyang administrasyon sa adbokasiyang ito. Nawa’y makabuo sila ng higit na konkreto at mas epektibong aksyon laban sa lumalalang epekto ng climate change at global warming sa ating bansa.
Email: jaime.babiera@yahoo.com