Weekend sa Roxas City

Ni JOHN IREMIL TEODORO

KAPAG marinig o maisip ko ang pangalang Roxas City, si Ooy agad ang naiisip ko. Si Ooy na BFF ko magmula noong nasa kolehiyo pa kami sa University of San Agusin sa Lungsod Iloilo. Magkaklase kami sa B.S. in Biology dahil sabay kaming nangarap maging doktor. Anesthesiologist na siya ngayon at ako naman naging quack doctor, isang may PhD in Literature na mahilig magreseta ng paracetamol at mefenamic acid sa mga kakilalang may lagnat at may masakit sa katawan. Needless to mention din na advocate ako sa paggamit ng virgin coconut oil.

Mahigit isang buwan na akong naka-sabbatical leave at abala sa paghahardin sa bahay namin sa Antique. Nakapag-Palawan na ako for a semi-business trip (dahil nagliwaliw din) subalit hindi ko pa rin napupuntahan si Ooy. Pero dahil hindi ko mahindian ang imbitasyon na magbigay ng lektura sa 14th GUSTING Journalism Seminar-Workshop sa San Agustin at mag-e-effort na rin lang naman akong pumunta ng Iloilo (sira-sira ang mga kalsada sa bundok), sinabi ko sa partner kong si Jay na didiretso na kami ng Roxas City sa Capiz upang bisitahin namin si Ooy. Para makilala na rin nila ang isa’t isa. Kahit kasi nag-breakfast kami ni Ooy sa Manila Hotel early this year, hindi ko nakasama si Jay kayâ di pa rin sila nagkikita.

Ang paborito kong tinutuluyan sa Roxas City ay ang San Antonio Resort sa Baybay Beach. Medyo redundant ang pangalan ng lugar dahil salitang Hiligaynon at Kinaray-a ang “baybay” na ang ibig sabihin ay dalampasigan o beach. Gayunpaman, gusto ko sa San Antonio dahil may swimming pool ito at tatawid lang ng kalsada ay dagat na. Palipat-lipat ako kapag naliligo sa dagat at pool. Ang dagat doon, kahit nasa lungsod, ay malinis. Hindi tulad ng sa amin sa Maybato sa San Jose de Buenavista, Antique na amoy isda at krudo na ang dagat at nangati ako noong huli kong ligo roon.

Malawak na resort ang San Antonio na mayroong malaking palaisdaan. Hindi rin ito masyadong mahal. Noong wala pa akong pera masyado, sa standard room lang ako nagsi-stay na tag-PhP1,000 lang noong pre-pandemic days. Ito ang pinakamura nilang silid. Ngayon PhP1,850 na ito. Ang pangarap ko noon maka-stay sa lagoon suite nila. Ito ang cottage sa tabi ng malawak na fishpond na may balkonaheng nasa pampang na ng palaisdaan subalit hindi ko ito afford noon. At nitong huli kong pagbisita, iyon ang pina-book ko kay Ooy. Maluwag ang kuwarto na bagong renovate at maganda ang banyo na tuwang-tuwa si Jay dahil may halaman sa loob. The best siyempre ang balkonahe sa may fishpond. Worth it na ito sa presyong PhP3,200 kada araw. May libreng breakfast for two naman na kung marami silang guest ay nagiging buffet. Buffet kami sa unang umaga namin. Sa ikalawang umaga ay a la carte na.

Isang malaking hardin ang San Antonio Resort. Unti-unti nang nagbabago at dumadami ang kanilang mga gusali subalit nananatili pa rin itong hardin. Halimbawa, papasok ka palang sa kalsadang entrance nila, nakapila ang lampas tao at malalabay na namumulaklak na mga halamang kay luntian ng mga dahon at may maliliit na pulang bulaklak. Nagkalat din ang mga matataas at sanga-sangang mga pandan na walang tinik ang dahon sa area kung nasaan ang mga cottage. Sa magkabilang tabi ng pinto ng cottage namin ay may ganitong tanim at tempted kami na pumutol ng isang sipil at iuwi sa hardin namin sa Maybato.

Nasira ang pagka-vegetarian ko sa lunch noong Linggo sa Bitoy’s, isang seafood restaurant na halos katapat lang ng San Antonio. Sikat ang Bitoy’s sa mga taga-Roxas mismo dahil sa kanilang pork barbecue. Tinikman ko at masarap talaga! Ang isang stick na nilantakan ko ay naging dalawa. Sabi ni Jay okay lang daw dahil Sunday naman at puwede mag-cheat day. Kahit nasarapan feeling guilty pa rin ako dahil ang naiisip ko ang sasabihin ni Peter Singer.

Nang Linggong iyon, birthday lunch ng family nina Ooy para sa bunso nilang si Harry. Lumuwas sa Roxas para sa pananghaliang iyon ang nanay, mga kapatid, at in-laws ni Ooy. Kilala ko naman silang lahat noong unang panahon pa man kayâ parang family reunion na rin ang nangyari. Nandoon din siyempre ang husband ni Ooy na si William na isa ring doktor. Muli, tinanong ako ng nanay ni Ooy kung bakit hindi ako naging doktor. Ang standard kong sagot, “Kasi, Tita, mas gusto kong maging quack doctor!” Napupunta rin siyempre ang usapan sa college days naming lahat sa University of San Agustin kahit na magkakaibang henerasyon kami ng mga Augustinian.

Hindi makukumpleto ang pagpunta ko sa Roxas City kung wala akong maiuwing produktong yari sa Capiz shells. Nagpasama ako kay Bryan Mari Argos, isang minamahal ding kaibigang manunulat na siyang City Tourism Officer ng Roxas, sa isang factory ng Capiz souvenirs at mga pandekorasyon sa Barangay Banica. Mga bolang ilaw ang binili namin ni Jay para sa terrace sa bahay. Nakapunta na rin ako sa pagawaang nang mag-UMPIL Congress sa Capiz noong 2018. Pero iba siyempre ang pag-istima nila kung ang kasama mo ay ang City Tourism Officer mismo. Ngayon alam ko nang puwedeng mag-order sa kanila ng Capiz shells kung kailangan ko ng Capiz windows sa retirement house ko sa Aningalan.

Maganda ang office ni Bryan sa isang maliit na plaza sa kabilang kalsada ng lumang katedral ng Capiz. Maliit lang ito subalit centrally located, klasiko ang arkitektura, at kitang-kita mula roon mga antigong simbahan, tulay, at fountain. Higit sa lahat, napapalibutan ng mga luntiang halaman ang opisinang ito. Dito ibinigay sa amin ni Bryan ang pabaon niyang isang plastic bag ng daing na isda at pusit.

Magtatanghali na noong Lunes nang sunduin kami ni Ooy sa San Antonio. Galing siya ng ospital. Alas-siyete pa lamang ng umaga ay may inoperahan na sila at pagkatapos niyon ay libre na siya upang ipasyal kami at ihatid sa terminal ng bus pagkatapos. Dinala niya kami sa farm nila sa bayan nilang Lutod-Lutod (President Roxas ang bagong pangalan ng lugar pero ito pa rin ang tawag ng mga old timer). Taga-Lutod-Lutod ang pamilya nina Ooy. Gusto niyang makita namin ni Jay itong lupa nila dahil alam niya na magsisimula na rin kami ni Jay ng farm namin sa Antique. May mga namumunga nang kakaw doon. Bago niyon, dumaan muna kami sa bahay nila sa Roxas dahil may mga tanim siyang ibibigay sa amin.

Mga isang oras ang biyahe mula lungsod patungong Lutod-Lutod. On the way, dumaan muna kami saglit sa Santa Monica Church ng bayan ng Pan-ay. Gusto kasi namin ni Ooy na makita ni Jay ang pinakamalaking bell sa Asya. Hindi na kami sumama ni Ooy sa pag-akyat ng kampanaryo dahil nakaakyat na kami rito noong nasa kolehiyo pa kami at may fieldtrip. Hinahanap ko nga ngayon ang picture namin na nakaupo sa ilalim ng bell. Nagkasya na lamang kami ni Ooy na tingnan ang mga laman ng Santa Monica Museum sa ilalim ng kumbento at hinintay si Jay sa malawak na sala roon sa ikalawang palapag.

Patakipsilim na nang umalis sa terminal sa Roxas City ang bus na sinakyan namin pabalik ng Lungsod Iloilo. Medyo pagod pero masaya, at punô ng pasasalamat ang puso ko sa pagkakataong makasama uli si Ooy. Kayâ nga gusto kong sa Antique talaga magre-retire dahil nasa Capiz lang si Ooy. Gusto ko pagtanda namin nasa iisang isla lang kami, ang Isla Panay. Kapag may nararamdaman kasi ako, kahit ano, si Ooy kaagad ang mini-message o tinatawagan ko.

Habang nagbibiyahe, pareho naming naiisip ni Jay na sana ang Capiz shell balls namin sa baggage compartment ng bus kasama ng aming maleta ay hindi madaganan. Nakarating nang maayos ito sa Iloilo, at nakarating na walang damage sa bahay namin sa Antique. Agad itong ikinabit ni Jay sa kisame sa terrace sa baba, sa may main door. Mag-iisang linggo nang excited akong magtakipsilim lagi upang ma-on ko na ito.