By Jaime Babiera
Noong nakaraang buwan ay nagtungo kami sa National Museum of Fine Arts sa Maynila. Nakita ko sa unang pagkakataon at namasdan nang malapitan ang iba’t ibang mga paintings, sculptures, sketches, at painted photographs ng mga tanyag na Filipino artists. Hindi ko maitago ang aking masidhing pagkamangha sa detalye at sa mensahe ng mga yamang sining na ito. Ang bawat obra ay may tampok na istoryang tunay na nakaaantig ng damdamin at nakagigising ng diwa. Isa lamang ang nasambit ko nang matapos naming libutin ang buong gusali: Walang kaparis ang angking husay at talento ng mga Pilipino sa larangang ito. Nararapat lamang na ito’y ipagmalaki natin sa buong mundo.
Nakatutuwang isipin na kahit ilang dekada na ang lumipas ay patuloy pa ring nananalaytay sa kasalukuyang henerasyon ang dunong at galing ng Pilipino sa sining. Magbukas ka lamang ng TikTok o ’di kaya ay Facebook at paniguradong mauunawaan ninyo ang aking sinasabi dahil naglipana sa social media ang iba’t ibang modernong artworks na likha ng ilan nating mga kababayan. Karamihan sa mga nakita ko ay mula sa mga estudyante at ordinaryong mamamayang naghahanap ng alternatibong libangan. Mayroong nagpipinta ng mga larawan gamit ang kape, klaypel o mga materyales mula sa recycled papers, hand-rolled papers, at iba pa. Nariyan din ang mga umuukit ng iba’t ibang imahe sa scrap papers, dahon, prutas gaya ng melon at papaya, kahoy, handmade rugs, ceramics, yelo, at iba pa. Hindi rin papahuli ang mga nakita kong sculptures na gawa mula sa iba’t ibang materyales gaya ng lumang dyaryo, pahina ng magazine, kawayan, patapong bakal at bubog, kahoy, at iba pa. Ilan pa sa mga nakita ko ay magkahalong traditional at digital paintings, drawing, sketches, at photographs na kung susuriing maigi ang pagkakalapat ng detalye ay maaaninag ang kalidad na sa aking palagay ay maihahalintulad sa mga gawa ng mga kilalang Filipino artists. Simple lamang ang nais kong iparating sa inyo. Noon hanggang ngayon, hindi maikakailang likas sa mga Pilipino ang naturang talento.
“You can be sure that the government and this administration are with you in promoting and enriching our arts and culture. It is but proper to appreciate what we regard as treasures of our nation and to recognize the honor they bring to our country.”
Iyan ang mga matatamis na salitang binitawan ni Pangulong Bongbong Marcos noong nakaraang Pebrero sa 15th Ani ng Dangal Awards sa Malacañang. Nangako siya na patuloy na pagyayamanin ng kanyang administrasyon ang sining at kultura ng ating bansa. Nawa ang pahiwatig na ito ay maisakatuparan sa madaling panahon at maibigay sa ating mga local artists ang sapat na suporta at nararapat na pagkilala. Sa mga susunod na taon, sana’y makapaglunsad pa ng maraming programa ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) kung saan malayang maipamamalas ng ating mga Filipino artists ang kanilang obra maestra, lalo ’yung mga lumilikha ng mga kamangha-manghang artworks sa social media at nagsisimula pa lamang sa karerang ito.
Ang maayos na pagkaka-preserba at striktong pag-iingat sa mga likhang sining na naka-display sa National Museum ay isang patunay na pinahahalagahan ng sambayanang Pilipino ang mga yaman na ito. Ngunit higit sa mga physical artworks, dapat din nating ipreserba, ingatan, at patuloy na linangin ang angking talento, dunong, at husay ng mga Pilipino sa larangan ng sining sapagkat ito ang tunay na yaman ng ating bansa.
Email: jaime.babiera@yahoo.com