Ni John Iremil Teodoro
MARAMING matutuhan ang mga nagpapatakbo ng turismo sa Isla Panay kung mag-bench marking sila dito sa Bali, Indonesia lalo na rito sa Ubud. Maraming pagkakatulad ang Bali at ang Panay.
Kung mayroon man akong lugar sa Southeast Asia na gusto kong balik-balikan, ito ay ang Bali. Tamad kasi akong magbiyahe abroad. Bukod sa gastos, stressful para sa akin ang pag-book ng ticket at hotel, ang kailangang pagdaan sa Immigration sa airport, at ang pinakaayaw ko sa lahat, ang mahabang biyahe sa eroplano. Sanay lang ako sa isang oras na biyahe Antique/Iloilo to Manila at vice versa. Ayaw ko rin sa mga airport. Maldita ako kapag nasa airport ako. Wala akong pasensiya sa mga tao sa check in counter na tatanga-tanga at sa mga aroganteng guwardya, at hindi ako masaya na maraming tao sa pre-departure area dahil kung hindi mga bukî mga feelingera naman. Oo, kahit sa mga business class lounge. Siyempre alam kong ako ang may attitude problem at hindi ang mga tao sa airport.
May kaibigan akong nagsabi sa akin na dapat daw may sarili akong eroplano at VIP lounge sa airport. Ganoon nga talaga dapat kaso di ko naman afford (Unless siguro may half billion intelligence fund ako kada taon?). Kayâ masaya na ako na nasa bahay lang ako. Masaya na akong naghahardin lang sa bahay namin sa Pasig, o nagbabasa at nanonood ng mga paborito kong lumang pelikula (Mga adaptation ng mga nobela ni Jane Austen at mga pelikula nina Sharon Cuneta at Julia Roberts.) sa aking condo, o nag-aayos ng bahay at hardin sa Antique. Wala akong travel goals at simple lang ang kaligayahan ko sa buhay—ang tumambay sa bahay.
Pero iba ang Bali. Nandito ako noong 2012 at masaya ako na ito ang unang foreign country na napuntahan ko. Kapag may extra akong pera at panahon, Bali lagi ang naiisip kong puntahan. Naiisip ko lang palagi dahil nga tamad akong magbiyahe. Mabuti at pinilit ako ng La Salle BFF kong si Ron na magbakasyon kami rito kasi patapos na ang sabbatical leave niya at nag-uumpisa pa lang ang sa akin.
Bongga ang tourist arrival dito sa Bali. Ayon sa Bali Tourism Statistics, mula Setyembre 2022 hanggang Agosto 2023, 4,680,124 na ang mga turistang dumating sa isla. Kung ikukumpara natin ito sa tourist arrival sa Boracay, may 944,850 tourist arrival naman mulang Enero hanggang Mayo 2023 ayon sa ulat ng Philippine Information Agency. Di hamak na mas malaking isla siyempre ang Bali subalit Boracay na kasi ang isa sa mga sikat sa mundo na tourist destination ng bansa.
Kung ang Bali ay may epikong Ramayana na nagmula sa India, ang Panay naman ay may sampung sugidanën o epiko. Dito sa Bali, gamit na gamit nila ang mga karakter at imahen mula sa Ramayana sa mga eskultura, arkitektura, at mga pagtatanghal nila. Sa mga hardin (at lahat ng mga bahay at resort dito sa Bali ay may hardin, malaki man o maliit) laging may estatwa ni Hanuman, ang unggoy na hari na tumulong kina Rama at Sita. Sa Panay, marami pa ang hindi nakakakilala, o nakarinig man lang, ng mga karakter sa sugidanën ng Panay Bukidnon tulad nina Amburukay, Nagmalitong Yawa, at Tikum Kadlum.
Kung Hindu ang Bali, predominantly Catholic naman ang Panay. Well preserved ang mga templo dito sa Bali at may organic unity talaga ang mga arkitektura nila. Yung pagdating mo alam mong nasa Bali ka na talaga. Sa Panay naman sinasayang natin ang mga lumang simbahan na ipinatayo ng mga prayle noon (Lalo na ng mga Agustino) dahil kaniya-kaniya ang mga kura paroko sa pagpapa-renovate ng mga simbahan at karamihan sa kanila wala namang taste sa architecture at garden design. Dumarami ang mga baduy na simbahan dahil available na ang mga mumurahing tiles.
Habang nag-iikot ako rito sa Ubud, ang Aningalan sa San Remigio, Antique ang naiisip ko. Gustong-gusto ko ang Aningalan dahil malamig doon tulad ng Baguio City. Doon ko gustong magretiro kayâ bumili ako na ako ng lupa sa katabing barangay nito na Tubudan. Maraming matutuhan ang sektor ng turismo sa Aningalan (sa buong Antique at buong Panay na rin) dito sa Ubud. Mahalaga talaga na itanghal ang kulturang Panayanon na nakabase sa kultura ng Panay Bukidnon o Tumandok sa pag-develop sa lugar. Nahihindik at nalulungkot lang ako dahil ngayon pa lang, may nakikita na akong mga giant strawberry na simento at kuweba o grotto na may snow (the height ng kabaduyan!) sa Aningalan. May mga resort din na may malalaking estatwa ng dinosaur at mga karakter ng Marvel. Bakit?
Kung negosyo naman ang target, kailangang maengganyo ang mga European tourist na pumunta at kailangang European standard ang mga accommodation—malaking kuwarto, malaking banyo na may bathtub, may terrace ang mga cottage, at may hardin. Ang problema sa maraming hotel sa Boracay, Guimaras, Iloilo City, Roxas City, at Kalibo, maliliit ang mga kuwarto at ang mamahal pa.
Halimbawa, ang tinitirhan namin ngayon dito sa Ubud ay ang Nick’s Hidden Cottages sa Kalye Bisma. Parang Hindu temple ang arkitektura ng compound na may 11 rooms lamang. Pero ang laki ng kuwarto (mga 30 square meters), mataas ang kisame, may bathtub sa banyo na maluwag din, at may terrace na overlooking sa hardin at swimming pool. PhP2,000 lang ito kada araw. May kaunting drawback din naman dahil nga siguro European standard, mataas ang lababo na kapag mag-toothbrush ako ay nababasa ang dibdib ko!
Noong 2002 iniulat ng Ngurah Rai Immigration Office sa Ngurah Rai International Airport ng Bali na 2,176,004 na mga foreigner ang pumasok sa isla. Katatapos pa lamang ng pandemya subalit mabilis na bumabangon ang turismo sa Bali. Kasi nga ito ang tipo ng isla na masarap balik-balikan.
Dahil maganda at hindi overpriced ang accommodation, mas matagal ang stay ng mga turista rito. Ibig sabihin, mas matagal rin ang paggastos nila sa pagkain, transportasyon, at mga souvenir. Wala yatang pangit na hotel o resort dito sa Ubud, malaking hotel man o maliit. Pabonggahan ng mga Balinese gate at laging luntian ang mga hardin na may mga estatwa ng mga karakter mula sa Ramayana at mga buddha ng Hinduismo. Ang paborito ko ay si Ganesha, ang diyos na may ulo ng elepante na dinadasalan para magtanggal ng mga balakid at maghatid ng suwerte.
Bukas ng madaling araw ang flight ko pabalik ng Manila. Pitong araw na rin akong nagrerelaks dito sa Ubud. Panahon na para umuwi. Nasi-stress na naman ako habang naiisip ang airport at ang mahigit tatlong oras na biyahe sa eroplano. Gayunpaman, worth it talaga ang Bali dahil hindi lamang katawan ko ang nagbubusog at napapatahan kundi pati ang aking kaluluwa.
Ang unang tulang sinulat ko rito sa Bali noong 2012 ay may pamagat na “Ubud.” Heto ang buong binalaybay dahil maikli lang naman: “Maaram nga uran/Lagtëm nga taramnan/Bogambilya nga pula/Puti nga kalatsutsi/Bato nga templo—//Sa sëlëd tanan/Kang akën dëghan.” Uuwi akong baon sa aking kasingkasing ang kagandahan ng Bali at maghahardin ako sa bahay namin sa Antique ng mga tanim at bulaklak na nakikita ko rito sa Ubud.
[Oktubre 24, 2023
Ubud]