Ni John Iremil Teodoro
NAGBASÁ ako ng mga tulang sinulat ko sa Kinaray-a tungkol sa Thailand doon sa Mahidol University sa Salaya sa labas lang ng Bangkok. Ang poetry reading ko ay pinamagatang “Of Elephants and Golden Flowers: An Afternoon of Poetry with a Filipino Poet Writing About Thailand” na ginanap sa Buddhasilp Room ng Research Institute for Languages and Cultures of Asia (RILCA) noong Abril 25, 2024. Kabilang sa mga dumalo ay ang mga Filipinong graduate student ng Mahidol at ang Philippine Ambassador to Thailand.
Matagal ko nang pabirong sinasabi na ang Kinaray-a ay isang international language. Nagsimula kasi ito nang minsang tinanong ako ng limang taong gulang kong pamangkin na si Juliet (tinedyer na siya ngayon) kung bakit nasa Kinaray-a kung magbilang si Dora, ang paborito niyang cartoon character sa TV. Nagulat din ako sa tanong niya pero nang pinanood nga namin si Dora na nagbibilang ng “uno, dos, tres, kuwatro, singko!” natawa ako at pabirong sinabi sa kaniya na kayâ ginagamit ni Dora ang Kinaray-a dahil international language ito. Highly hispanized kasi ang Kinaray-a na akala ko noong bata ako, Kinaray-a talalga ang sitenta, otsenta, nobenta, pati ang sandiya.
Pabiro ko mang sinasabi na isang international na wika ang Kinaray-a, batid ko sa aking puso’t isipan na may bahid ito ng katotohanan. Halimbawa, maraming Antikenyo ang nasa Estados Unidos ngayon ay ginagamit ang Kinaray-a sa kanilang tahanan. May pangangilan-ngilang Kinaray-a speaker na nagsusulat sa Kinaray-a doon sa Amerika katulad ni Maria Milagros Geremia Lachica na tubong Sibalom, Antique. Sa Sweden, kahit na ilang taon na sila roon at ilang taon na rin silang Swedish citizen, nagki-Kinaray-a pa rin doon kapag mag-usap ang kapatid kong si Mimi at ang anak nitong si Juliet na dito ipinanganak sa Antique.
Siguro internasyonal na wika ang Kinaray-a kapag ginagamit ito ng mga native speaker saan man silang panig ng daigdig. Siguro internasyonal na wika ang Kinaray-a kapag ginagamit ito ng mga manunulat sa pagsulat saan man sila sa daigdig.
Nang magbakasyon ako kina Mimi at Juliet at nag-ikot kami sa apat pang bansa sa Europa (Denmark, Germany, Czech Republic, at Poland) noong tag-araw ng 2016, nakapagsulat ako ng mga tula sa Kinaray-a. Naging libro ito na pinamagatang Sommarblommor: Poems Written in Europe na inilathala ng University of Santo Tomas Publishing House noong 2019. Awtomatik na sa Kinaray-a ako nagsulat doon. Siguro dahil kahit saan kami sa Europa ay sa Kinaray-a pa rin kami nag-uusap.
Matagal ko na ring ginagamit ang Kinaray-a sa pagsasalita sa mga pormal na programa o mga akademikong pagtitipon noong nagtuturo pa ako sa University of San Agustin sa Lungsod Iloilo. Naniniwala kasi ako na isang mabisang paraan ito upang maiangat ang status ng Kinaray-a sa mga wikang ginagamit sa akademya rito sa Filipinas na may gahum (hegemony) ang Ingles at Filipino/Tagalog. Kayâ kapag may pagkakataong maaari akong mag-opening remarks, mag-closing remarks, mag-reactor sa mga research forum, o magbigay ng inspirational message sa Kinaray-a dahil alam kong marami sa audience ang makakaintindi, hindi ko ito pinalalampas.
Nasa Mahidol din ako nang sulatin ko at irekord sa video ang papel ko para sa Leoncio P. Deriada Conference on Literature and Cultural Work na ginanap noong Agosto 19 sa UP Visayas Cinematheque sa Lungsod Iloilo. Nasa Kinaray-a ang paper ko dahil alam kong ito ang gusto ng unang guro ko sa pagsulat na si Dr. Deriada. “Leoncio P. Deriada: National Artist Gid sa Amën Tagipusuon” ang pamagat ng aking papel na naglalatag ng mga dahilan kung bakit karapat-dapat na itanghal bilang National Artist si Deriada.
Hindi ang poetry reading kong “Of Elephants and Golden Flowers” ang unang pagkakataong ginamit ko ang Kinaray-a sa isang pormal na pagtitipon sa Thailand. Nang hingan ako noong 2021 ng mga organizer ng S.E.A. WRITE Award ng video recording ng acceptance speech ko dahil ang unang plano nila ay gagawin ang seremonyas online dahil nga may pandemya pa, nasa Kinaray-a ang aking maikling talumpati. Kasama ng video recording ay nagpadala ako ng salin nito sa Ingles dahil ang sabi nila isasalin pa raw nila ito sa Thai para sa Hari ng Thailand na siyang nagbibigay ng award.
Nais kong ibahagi rito ang acceptance speech ko na iyon na hindi ko alam kung nailathala o naipalbas ba o hindi dahil natuloy ang face to face na awarding noong Agosto ng nakaraang taon na hindi naman kami binigyan ng pagkakataong magbigay ng acceptance speech.
“Bilang sangka bata nga nagbahël sa gamay nga puod sa binit-baybay nga ginatawag Maybato sa Isla Panay sa tënga kang kapuruan kang Filipinas, nasaksihan ko ang kaalwan kag kapintas kang dagat. Kon sëlngën ko ang dagat, daragkël man ang balëd ukon makanay, nagasákët ang kanami kag katahap sa akën dëghan. Ang dagat tagtugro kang pagkaën, aragyan paagto sa iban nga mga kalibutan, kag inspirasyon sa akën pagsulat. Ugaring mahimu man dya magbëël kang kabuhi, kag magbasya kag maglëmës sa amën baryo. Amo dya ang nabatyagan ko sa pagbaton kadyang kadëngganan halin sa mga manughikot kang Southeast Asian Writers Award. Nalipay ako kag nahadlëk sa pagbaton kadyang dëngëg: kalipay para sa akën kaugalingën kag para sa Kinaray-a nga pulong kang akën mga ginikanan, kag kahadlëk tëngëd may imaw nga katëngdanan ang dyang padya. Daragkël nga mga balëd ang pagpasalamat sa daray-ahan ko nga dëghan. Salamat S.E.A. Write Award! Salamat sa dëngganën nga Pamilya Maharlika kang Thailand! Salamat sa Mahal nga Makaaku!”
Naniniwala akong ang S.E.A. WRITE Award na ipinagkaloob sa akin ay hindi lamang para sa akin bilang manunulat kundi para din ito sa wikang Kinaray-a na siyang pangunahing wikang ginagamit ko sa pagsulat, lalo na pagsulat ng tula. Validation ito ng wikang Kinaray-a bilang wikang pampanitikan sa ating bansa at sana makapagbigay ito ng inspirasyon sa mga batang manunulat sa ating bansa na nagsusulat sa mga rehiyonal at katutubong wika lalo na sa Kinaray-a.
Walong tula sa Kinaray-a ang binasa ko sa Mahidol na may salin o bersiyon ko sa Filipino at may salin naman sa Ingles ng kaibigan kong si Alice M. Sun-Cua. Nais kong ibahagi ang isang tula rito na iniaalay ko sa Mahidol University bilang pasasalamat. Sinulat ko ito sa unang araw na pagpasok ko sa campus dahil napansin ko ang mga puno ng golden showers na hitik sa mga bulaklak. Kapansin-pansin din ang pagiging luntian ng paligid kahit na kalagitnaan ng tag-araw dahil maraming lawa, kanal, at fishpond sa campus. Pinamagatan ko itong “Kaaram” o “Talino” dahil nakita ko ang isang tagline ng unibersidad na nakasulat sa mga e-tram na bumibiyahe sa mga kalsada ng campus: “Wisdom of the Land.” Isinalin ni Alice na “Wisdom” ang pamagat ng tula.
“Ang kaaram nagatubo matuod / halin sa basâ nga lupa / kag magabërëskag / angay sa mga kanaryo nga bulak / kang tag-asan nga ratchaphruek. // May bugal, may kasadya / sa kada pinanid. / Ang andang pagkapûpô sa lupa / sangka pagdayaw, sangka pagpasalamat / sa lupa nga natawhan. // Bulawan ang dëag kang kalayo / nga nagasanag kang pagpalangga / sa mga bunga kang painoino / nga magabusog sa kalag / kang duro pa nga mga henerasyon!”
Narito naman ang salin sa Ingles ni Alice M. Sun-Cua: “Wisdom truly arises / from the moist soil / and the exuberant blooms / like the yellow flowers / of tall ratchaphruek trees. // There is pride, there is joy / in every petal. // Their return to the ground / is praise, is gratitude / to the earth where they came from. // Golden is the color of fire / that lights up the love / of the fruits of the imagination / that shall sate the soul / of many more generations!”
Tulad ng ginawa ko aking mga tulang Europa, ginamit ko rin sa tulang ito ang isang salitang Thai upang lalong payamanin ang parehong wika at kultura. Ginamit ko ang ratchaphruek na siyang katutubong salita para sa golden shower o Cassia fistula. Ito rin ang pambansang puno at bulaklak ng Thailand.
Sumusulat ako ngayon ng isang libro ng mga tula sa Kinaray-a tungkol sa Thailand.