Ang Panay sa Palawan

Ni JOHN IREMIL TEODORO

Laging refreshing sa tenga ko na pagdating sa bayan ng Quezon sa Timog Palawan na nakaharap sa West Philippine Sea, Hiligaynon na ang lingua franca. Kahit nga sa bayan pa lamang ng Aborlan at Narra paglabas lang ng Lungsod Puerto Princesa ay may maririnig nang naghi-Hiligaynon o nagki-Kinaray-a.

Naalala ko 20 years ago nang nagtatrabaho pa ako sa Puerto Princesa bilang journalist sa Bandillo ng Palawan, isang non-profit newspaper na ang adbokasiya ay pangangalaga sa kapaligiran at pagsulong sa karapatan ng mga katutubo, kapag magbiyahe ako pa-south sakay ng bus na ang pangalan ay Charing, pagdating sa bayan ng Quezon ay naghi-Hiligaynon na ang konduktor na nagta-Tagalog naman bago umalis ng Puerto Prinsesa.

Nitong weekend, Setyembre 16 at 17, nag-road trip ako sa southern Palawan kasama ang partner kong si Jay at ang mag-asawang Fabienne at Melvin. Si Fabienne ay estudyante ko dati sa University of San Agustin sa Lungsod Iloilo na reporter at newscaster noon ng GMA Iloilo samantalang si Melvin naman ay kasakasama niyang driver-videographer sa nasabi ring estasyon. Ngayon, nagtatrabaho na sila bilang mga digital nomad at PR persons dito sa Palawan. Natural, si Melvin ang nag-drive ng inarkilahan naming SUV.

Kailangan ko kasing bisitahin ang mga lupang minana naming magkakapatid mula sa aming mga magulang sa Barangay Quinlogan sa bayan ng Quezon. Mahigit dalawampung taon na nang huli akong pumunta roon. Malaki na ang ipinagbago ng lugar. Simentado na ang daan patungo roon at doon mismo. Ang kapatid kong si Gary ang pinakahuling pumasyal doon noong 2019 ilang buwan matapos pumanaw ang aming ama. Awa ng Diyos nandoon pa rin naman ang aming mga lupa subalit marami pang kailangang gawin para maayos ang papeles ng mga ito. Gayunpaman, happy problem pa rin naman ito at grateful kami kina Nanay at Tatay na ginawa nilang hobby noon ang mamili ng lupa sa Palawan.

Muli kong nakausap ang mga kaibigan ng tatay namin doon. Lalo na si Tito Bobby na siyang care taker ng mga lupa namin. Nang magpalipad si Melvin ng drone niya para kunan ng video ang property, pinuntahan kami at sinita ng mga barangay tanod at kagawad. Dapat daw nagpaalam naman kami sa barangay. Nang pumunta kami ni Fabienne sa Barangay Hall, nandoon ang Kapitan at nang magpakilala ako ay tuwang-tuwa siya dahil “best friend” daw niya ang tatay ko na kainuman niya kapag nagbibisita si Tatay sa Quinlogan. At nag-uusap kami sa Hiligaynon! Noon pa man naniniwala ako na ang Palawan ay Bisaya naman talaga.

Ang pinakadulong bayan ng Antique sa sur ay ang Anini-y. Noon pa man medyo masakit na sa mata ko ang y sa dulo. May tanong lagi sa utak ko kung bakit ganoon ang ispeling at bigkas. Hanggang sa mabasa ko sa isang libro, kay Juan Fernandez o R. Morales Maza yata, na dating besita ng parokya ng Anini-y ang isla ng Cagayancillo ng Palawan. Ibig sabihin, binibisita ito ng kura paroko ng Anini-y para misahan at para sa iba pang sakramento tulad ng binyag at kasal. Ang lumang pangalan ng pueblo ay Anini y Cagayancillo. Nang ilipat ang Cagayancillo mula Antique patungong Palawan, tinanggal ang Cagayancillo subalit hindi tinanggal ang y sa Anini-y. Kayâ weird nga dahil kung isasalin natin ang pangalan ng munisipyo ay “Anini-at” sa Tagalog at “Anini-and” sa Ingles! Kaya naman pala may kuwentong bayan sa Kinaray-a na kuwento ng pag-ibig nina Anini at Nogas na tungkol sa alamat ng Isla Nogas, isang maliit na islang may white sand beach at light house sa harap ng Anini-y.

Kunsabagay, maganda na rin na nandiyan ang “and” na Spanish sa pangalan ng Anini-y dahil magiging paalala ito na sa kasaysayan ay magkaugnay talaga ang Panay at Palawan dahil magkalapit ang dalawang islang ito. Dahil may maritimong kultura naman talaga tayong mga Filipino noong wala pa man ang mga mananakop at hanggang sa ngayon, borderless ang mga islang ito. Sinasabi ng mga historyador na sina William Henry Scott at Ambeth Ocampo na para sa mga sinaunang Filipino (na hindi siyempre Filipino ang tawag) ang dagat ay hindi naghihiwalay sa mga isla kundi nagsisilbing koneksiyon o tulay dahil lahi tayo ng mga mandaragat.

Ang Cuyo halimbawa, na siyang unang kapital ng Palawan dahil siguro madaling maabot mula Iloilo via Antique at nasa Iloilo ang mga prayleng Agustino, ang santong patron nila ay si San Agustin ng Hippo. Sikat ang pista nila kapag Agosto 28. Mas madali para sa mga taga-Cuyo na bumili ng bigas at groceries nila sa San Jose de Buenavista, Antique dahil mga pitong oras na biyahe lang ito sa lantsa o malaking pumpboat. Noon may barko pang Princess of Antique at Romblon Bay na nagbibiyahe pa-Cuyo hanggang Puerto Princesa. Matagal nang wala ang mga barkong ito at nitong taon lamang, bumili ng barko ang St. Anthony’s College para sa training ng mga maritime student nila—ang M/V Maria Estrella del Mar na isang passenger at cargo ship—at ang ruta ay Iloilo City-San Jose de Buenavista-Cuyo-Iloilo City. Magandang dagdag ito sa M/V Milagrosa na matagal nang nagbibiyahe ng Iloilo City-Cuyo-Puerto Princesa.

Dahil may economic-cultural na ugnayan ang Cuyo at Antique, marami kaming mga kamag-anak sa baryo naming Maybato ang nakapag-asawa sa Cuyo o doon nagtatrabaho sa Cuyo. Kayâ malakas din ang kutob ko na ang wikang Cuyunon ay mula talaga sa Kinaray-a. (Kutob lang dahil wala naman akong training sa applied linguistics.) Halimbawa ito ng sinasabi ni Jonathan Pugh sa kaniyang sanaysay na “Island Movements: Thinking with the Archipelago” na “metamorphosis” ng isang elemento ng kultura na palipat-lipat sa mga magkakaugnay na isla, hanggang sa magkakaroon ito ng “transfigurative originality.” Ang Kinaray-a ay dinala ng migrasyon mula sa Panay patungo sa Cuyo at kalaunan naging “orihinal” ito, naging Cuyunon na kinikilala na ngayon na isang ganap na wika.

Nang magturo ako sa literature graduate students namin sa La Salle ng kursong Archipelagic Identities, itong relasyon ng isla ng Cuyo at lalawigan ng Antique, ng buong Panay at ng Palawan, ang pinakapaborito kong halimbawa sa pagpapaliwanag sa mga konsepto at teoryang archipelagic dahil halos tatlong taon din akong naging journalist sa Palawan na binubuo ng 1,700 na mga isla at marami akong nabisitang mga isla pati na ang Isla Kalayaan sa Spratlys.

Sa mga taga-Panay, magandang pasyalan at kilalanin ang Palawan at hindi lamang ang mga tourist attraction tulad ng Underground River at El Nido ang pupuntahan. Gayundin ang mga taga-Palawan, magpasyal din sa Isla Panay upang kilalanin ang kulturang Bisayang Panaynon na bahagi ng kulturang Palaweño. Sa ganitong paraan makatutulong tayo sa pagbuo ng ating arkipelago bilang isang organikong bansa.