Si Dr. Arthur P. Casanova ang bágong komisyoner para sa wikang Tagalog ng Komisyon sa Wikang Filipino. Pinapalitan niya si Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Ang kaniyang fultaym na pagkakatalaga ay may bisang pitong taon o hanggang 2027.
Isa siyang premyadong edukador sa larang ng wika at lingguwístiká. Bílang manunulat, may higit 40 aklat na siya kabilang ang iba’t ibang kuwentong pambata na kinikilala bilang makabuluhang ambag sa larang ng edukasyon.
Nagpamalas din siya ng kaniyang talento sa teatro bílang artista at direktor ng mahigit na 50 dulang pantanghalan. Nagbahagi rin siya ng kaniyang kakayahan at kaalaman sa pag-arte sa teatro sa mga mag-aaral at guro bílang direktor sa mga acting workshop.
Sa kaniyang pagtahak sa larang ng wika, teatro, at edukasyon, nakatanggap si Dr. Casanova ng mga pagkilala mula sa iba’t ibang institusyon sa bansa kabilang ang Komisyon sa Wikang Filipino, Metrobank Foundation, National Book Development Board, at marami pang iba.
Ipagpatuloy natin ang paglilingkod para sa ating wikang pambansa at mga katutubong wika, Kom. Casanova!