By John Iremil Teodoro
SA bonggang bangayan ngayon sa pagitan ng Marcos at Duterte camps ng Uniteam, iisa lang ang naiisip ko: Bangag talaga ang Bagong Pilipinas. Kesehodang totoo o hindi na adik si Presidente Bongbong Marcos ayon sa akusasyon ni dating Pangulong Digong Duterte na umamin na rin noon inaabuso ang malakas na pain reliever na Fentanyl. Tempted sana akong magsabi na, hayan na, ilalabas ko na ang popcorn at pumalakpak sa awayan nila. Kaso naiisip ko, lalong nasasadlak ang ating bansa sa kahirapan at kawalang pag-asa dahil sa mga trapong ito. Kayâ hindi ako natatawa kahit na nakakatawa naman talaga itong mga payaso sa gobyerno.
Gusto ko ang definition ng “bangag” sa Tagalog.Com: “High on drugs; stoned; numb; ignorant; stupid (person).” Ito talaga ang ibig kong sabihin sa pamagat ng artikulong ito. At wala nang mas babangag pa sa bansang nilikha ng mga Duterte at Marcos. Ito ang bansang wala nang kinabukasan kasi nga majority ay mga bangag. Gusto ko ring i-highlight ang kabalintunaan na tinatawag ni Duterte na “addict president” si BBM. Very good example ito ng proverbial pot calling a kettle black!
Salamat at “P” ang ginamit nila sa “Bagong Pilipinas.” Lumang spelling kasi ito. “F” na ngayon. Char! Seriously speaking, Filipinas ang ginagamit ko dahil ito talaga ang dapat na spelling ng pangalan ng bansa natin sa Filipino nang naging bahagi na ng alfabetong Filipino ang F. At seryoso din ako na hapi ako na Pilipinas ang ginagamit ng Marcos camp para may distinction dahil iba naman talaga ang bansang pangarap nila sa Filipinas. Pilipinas ang bansa nila na patuloy nilang lolokohin ang gagatasan.
Si Duterte naman ang huling taong iisipin kong magiging galit na galit na palitan ang Konstitusyon. Sa “prayer rally” nila sa Davao City noong Linggo (Enero 28), bumubula uli ang bastos niyang bunganga and this time, to the surprise of my green buntot, dini -defend niya ang Saligang Batas! Take note na in quotation marks ang “prayer rally” dahil panlalait naman talaga sa friend nilang si BBM ang mga talumpati sa rali na iyon. Sa kabila ng tila bangag na rambling ni Duterte na-gets ko ang dalawang puntong ito: “There is nothing wrong with our present Constitution” at “binabastos” ng People’s Initiative ang Konstitusyon.
Ang thought bubble ko habang pinapanood ang speech niya, e bakit atat na atat siyang palitan ang system of government noong presidente siya? Ang mga Dutertard kahit hindi naiintindihan ang ibig sabihin ng federalism ay tila mga bangag na nagtsi-cheer para dito. Hindi ba pagpapalit iyon ng Konstitusyon? Hindi ba pambabastos sa Saligang Batas ang war on drugs niya na talamak ang EJK?
Sana nakikinig din kay Duterte ang mga investigator ng International Criminal Court (ICC) sa speech niya noong Linggo. Magandang dagdag na ebidensiya laban sa kaniya ang talumpating iyon dahil siya mismo ang nagsabi na nakita pala niya sa drug list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pangalan ni BBM pero tumahimik lang daw siya dahil kaibigan niya. Peke talaga ang war on drugs niyang iyon. Kapag kaibigan pala niya kahit nasa drug list ay dedma siya. Pero kapag hindi niya kaibigan o kakilala, lalo na kung mahirap, tokhang agad. Siyempre ang kaawa-awang PDEA, Lunes na Lunes ng umaga, bago pa man mag-office hours, nag-release kaagad ng statement na never na-include ang pangalan ni BBM sa drug list nila. Kaloka! Sinasabi ba ng PDEA na sinungaling si Duterte? Ang thought bubble ko uli: Sinungaling agad? Hindi ba puwedeng bangag lang muna? Well… Ang reaction ni BBM sa pagtawag sa kaniya ni Duterte na “Adik na Presidente,” dahil lang daw ito sa Fentanyl! More! More!
Hakbang ng Maisug ang tawag nila sa “prayer rally” sa Davao. Maisug? Bakit takot na takot ang Duterte camp sa ICC? Ito naman talaga ang puno’t dulo ng pagwawala ngayon ng mga Duterte—ang tsismis o posibilidad na pinapasok na o papasukin na ng Marcos camp ang mga investigator ng ICC. Bakit sila takot na takot e sabi nila wala naman silang kasalanan?
Tambling din ako sa mga sinasabi ni BBM sa Bagong Pilipinas kick-off rally sa Luneta noong Linggo rin ng gabi. Tulad na lamang ng, “Bawal ang mga hindi tapat at mga nangungulimbat. Kapag pera ng bayan ang nawala dahil sa katiwalian, ang mga taong paglalaanan sana ng pondong naglaho ang nananakawan. Sa Bagong Pilipinas, bawal ang waldas.” Coming from him talaga. Nanrimarim pati atay ko. Kaloka!
Ang mga naisip ko pagkarinig nito: Una, ay pinaparinggan si Vice President Sara Duterte na nagwaldas ng PhP125M na confidential fund sa loob ng 11 na araw noong 2022 at humirit pa sana ng 500M na confidential fund for 2023 at hinarangan lang ng ex-friend niyang si Tambaloslos. Pangalawa, message ba ito ng Presidente para sa kaniyang sarili, mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak, at mga kaalyado sa politika? Pangatlo, kung seryoso ang sinabi niyang “bawal ang mga hindi tapat at nangungulimbat,” baka kailangan natin mag-eleksiyon uli dahil first and foremost, walang maiiwan sa Senado at House of Representathieves…err…Representatives? Paano pati sa mga Kapitolyo at City/Municipal Hall wala na ring matitira? At pang-apat, pinaglaruan ang presidente ng kaniyang speech writer dahil alam naman nitong katawa-tawa ang bahaging ito ng talumpati kung si BBM ang magbabasa nito.
Ang inaabangan ko ngayon ay ang gagawin ng mga politiko sa Isla Panay. So far so quiet sila. Kanino ba sila aalyado? Sa pamilya Duterte o pamilya Marcos? Noong nakaraang eleksiyon kasi marami na sa kanila ang nag-Uniteam na. Mga dating Dilawan na naging Red-Green. Dito nga sa amin sa Antique, ipinagkanulo na ng maraming politiko ang alaala ni Evelio B. Javier. Alam naman ng lahat na pinatay si Evelio sa panahon ni Marcos Sr. Nang magpaulan ng pera ang Uniteam, patay-malisyang nagpabasâ at nagsahod ng kanilang mga timba at palanggana ang maraming trapo sa Antique. Kaso super duper bagong development itong Marcos-Duterte Word War. Ang Uniteam naging Unitae (Maiintindihan ko kung i-erase ng aking editor ang mabahong word na ito) na! Oh well, may isang pamilya ng mga trapo dito sa Panay na magaling mag-shift ng allegiance. Kahit sino ang maging presidente, doon sila didikit. Hanapbuhay na kasi ng pamilya nila ang politika at kulang na lang patakbuhin nilang SK Chairman ang kanilang alagang pusa. Ayaw lang siguro silang bigyan ng permit ng PAWS! May guwapang political butterfly naman kami sa Antique, na hindi naman talaga taga-Antique, na matagal nang nakipag-alyado sa mga Marcos. So wala na rin naman pala akong aabangan na pagbabago dapat.
As an aside lang, na-notice ko sa mga Dinagyang FB post na maraming politikong Yellowtard ang nasa Iloilo nitong weekend. Dilawan talaga ang Lungsod Iloilo! Sana nag-prayer rally din sila para magka-idea tayo kung ilan pa ang natitirang Dilawan sa lungsod. Char!
Araw-araw, dahil sa kabulastugang ginagawa ng mga politiko, lalong tumitibay ang paniniwala kong wala nang kinabukasan ang Filipinas bilang bansa. Ito ang totoong bansa na patas at tapat para sa lahat ng mga Filipino. Hindi ito ang bansang “Bagong Pilipinas” ni Marcos. Hindi rin ito ang “Pilipinas” na mahal na mahal ng pamilyang Duterte. Mga bangag ang bersiyon nila ng Filipinas. Bangag dahil sa fake news. Bangag dahil ang mga loyalista nila ay tanggap ang kahit anumang kasinungalingan nila. Siyempre hindi naman talaga babagsak at mabubura sa listahan ng United Nations ang Pilipinas, luma man o bago, nitong mga trapo dahil nandiyan pa ang 10 milyong Filipino in diaspora na nagpapadala ng pera sa mga kamag-anak nila rito sa bansa. Pero magiging bansa lamang ito ng mga korap, magnanakaw, at mandaraya. Bansa itong para lamang sa mga political at economic elite, kung saan ang mahihirap ay lalong maghihirap. Ang mga middle class naman, maging white collar na manggagawa lamang ng mga politiko at negosyanteng ito.
Ngayon pa lang nakikita na natin na pabor talaga sa mga may pera ang kahit anong bagay sa bansa natin. Pangmayaman ang matino at maayos na health care natin. Pangmayaman ang maayos na edukasyon. Pangmaypera din ang hustisya sa ating bansa. Marami ang namamatay sa hospital o sa bahay na maysakit dahil walang pambili ng gamot. Marami ang hindi nagkakapag-aral dahil mahirap. Marami ang nakukulong dahil walang pambayad sa abogado o pangpiyansa.
Ang totoong Filipinas na tinutukoy kong naghihingalo, ito sana ang nasyon na inumpisahang imadyinin ng mga katulad nina Andres Bonifacio, Jose Rizal, at Emilio Jacinto. Isang bansa na may dignidag at para sa lahat na Filipino. Bansang may dangal ang bawat isa dahil totohanang pinoprotektahan ng pamahalaan ang mga karapatang pantao. Ito sana ang bansa na hindi magka-synonym ang politiko=magnanakaw, negosyante=mandaraya, politiko/negosyante=sinungaling. Mukhang magiging unfinished o unrealized project na talaga itong dakilang bansang Filipinas. At umiiyak ako habang naiisip ito. Sana mali ako.