Born vs. made leaders

By Jaime Babiera

Kamakailan ay dumalo ako sa Leadership Training and Team Building Activity na inorganisa ng aming kumpanya. Masasabi kong matagumpay ang naging bunga ng event na ito dahil ang bawat isa sa amin ay nagkaroon ng pagkakataong makapag-pahinga at, ika nga’y, makapag-unwind. Higit dito, umuwi rin kaming may baon na bagong karanasan at kaalaman patungkol sa leadership efficiency, na siyang pangunahing layunin ng naturang pagtitipon.

Bagama’t ang bawat aktibidades at lectures ay may kani-kanilang aral na iniwan sa amin, ang pinaka-tumatak at pumukaw ng aking atensyon ay ang talakayan patungkol sa natural born versus nurtured leaders. Ani ng facilitator, nananatiling isang debate ang paksang ito. Marami raw nagsasabi na may mga leaders na ipinanganak nang mayroong angking “leadership traits” at nakatadhana talagang mamuno. Sa kabilang banda, mayroon din namang leaders na bagama’t walang namanang leadership traits ay hinubog naman ng iba’t ibang karanasan upang magkaroon ng “leadership skills” at epektibong makapamuno. Anu’t ano pa man, sumasang-ayon ako sa tinuran ng facilitator na ang bawat isa sa atin—natural born man o nurtured—ay maaaring maging mabuti at magaling na leader.

Sa pagkakataon na ito, hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang ilang mga factors na sa aking palagay ay lubos na nakaiimpluwensya sa pagiging leader ng isang indibidwal.

Una nariyan ay interes. Nagiging mas produktibo at epektibo tayo kung gusto natin ang ating ginagawa. Ganoon din sa pamumuno. Nagiging magaling at mabuti tayong leader kung may interes tayong mamuno ng isang grupo at magtaguyod ng target goals. Kung hindi malabo ay paniguradong mahihirapan tayo na makamit ang ating mga layunin kung ang pagkakatalaga sa atin bilang isang leader ay tinanggap natin nang hindi bukal sa ating kalooban.

Pangalawa ay pagkakataon. Kagaya sa isang classroom na kalimitan ay may 30 o ’di kaya ay 40 na estudyante, isang class president lamang ang inihahalal bawat taon. Madalas kung sino ang naihalal noong unang taon ay siya na ring inihahalal sa mga susunod pang taon hanggang ang kanilang batch ay maka-graduate. Naniniwala akong hindi lamang isa sa 30 o 40 na estudyante ang may kakayahan at interes na mamuno sa kanilang batch. Ang iba ay handa ring maging leader subalit, hindi nabigyan ng pagkakataon.

Pangatlo ay mga tao sa ating paligid. Ang interes sa pamumuno ay namamana rin mula sa mga taong nakapaligid sa atin. Kung ipinanganak tayo sa pamilya ng mga pulitiko at mula pagkabata ay nasaksihan na natin ang iba’t ibang gawain na may kinalaman dito, hindi malabong mag-develop tayo ng interes sa larangang ito at maging involved rin sa pulitika pagdating ng panahon. Ngunit siyempre, hindi sapat ang interes lamang. Dapat samahan din ito ng puso upang tunay na maging maligaya at kontento ang ating mga nasasakupan sa ating pamumuno.

Panghuli ay ang ating komunidad. Nakaiimpluwensya rin sa ating pagiging leader ang mga kaganapan na ating nasasaksihan at nararanasan mula sa komunidad na ating kinabibilangan. Madalas ay dito tayo humuhugot ng inspirasyon na mamuno lalo kung may nais tayong baguhin sa isang sistema o ’di kaya ay gusto nating ituwid ang kasalukuyang pamamalakad.

Marami pang ibang mga bagay ang nakaiimpluwensya rin sa pagiging leader ng isang indibidwal. Ngunit sa aking palagay, ang apat na ito ang siyang pinakamahalagang kasangkapan na nagtutulak sa isang tao upang madiskubre niya ang kanyang likas na leadership traits at gayundin ay mapagyaman niya ang kanyang leadership skills. Naniniwala ako na magkapantay ang halaga ng leadership traits at leadership skills pagdating sa pamumuno. Kaya’t kung ako ang tatanungin, para sa akin ang mga leaders ay parehong natural born at made.

Email: jaime.babiera@yahoo.com