Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Dr. Carmelita Yboa Carnacite-Abdurahman bílang full-time na komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino pára sa wikang Samar-Leyte bílang kapalit ni Komisyoner Jerry Gracio.
Si Dr. Abdurahman ay isang kilaláng edukador sa lárang ng edukasyon at tagapagtaguyod ng iba’t ibang gawaing pampagtuturo kabilang ang mga seminar-workshop ng Pambansang Samahán ng mga Tagamasid at Tagapagtaguyod ng Filipino (PASATAF). Ang PASATAF ay naitatag noong 1956 at isa sa mga kilaláng organisasyon sa larang ng edukasyon na kinabibilangan ng mga guro sa buong bansa.
Naging pangulo ng PASATAF at naglunsad ng iba’t ibang proyektong pampagtuturo pára sa mga guro kaugnay sa iba’t ibang dulog sa epektibong pagtuturo ng Filipino pára sa lahat ng antas ng edukasyon.
Naniniwala siyá na ang pag-unlad ng bansa ay kasabay ang pag-unlad ng presebasyon ng mga wika sa Pilipinas. Itinataguyod rin niya ang mga katutubong wika dahil naniniwala siyá na ito ay bahagi ng pamana ng ating lahi na dapat bigyan ng halaga ng bawat Filipino.
Dalubhasa si Komisyoner Abdurahman sa larang ng wika at panitikan at sumusuporta sa mga gawaing pangwika sa buong bansa. Naging punò ng Departamento ng Edukasyon sa Saint Mary’s College sa Lungsod Catbalogan, Samar at naging part time na propesor sa kolehiyo sa Samar State University para sa iba’t ibang asignatura kabilang ang lingguwistika, panitikan, wika, at kultura.
Maraming nakalatag na proyektong pangwika si Komisyoner Abdurahman na nakabatay sa RA 7104 at titiyakin niya na patuloy na magiging aktibo ang KWF sa mga gawaing pangwika na nakaangkla sa mandato ng ahensiya. Siyá ay manunungkulan hanggang 6 Enero 2027.