It’s beginning to look a lot like Christmas

Ni Jaime Babiera

Noong mga nakaraang buwan ay pansamantala akong tumigil sa pagsulat ng kolum upang makapagpahinga at ika nga’y makapag-reset. Ngayon ay muli akong nagbabalik upang ipagpatuloy ang aking mga nasimulan. Sa pagkakataong ito, nais kong magbahagi ng ilang random tips kaugnay sa nalalapit na kapaskuhan. Nawa ay makatulong ang aking mga suhestiyon upang lubos nating mapaghandaan ang okasyong ito.

Una ay manatili tayong mapanuri sa iba’t ibang Christmas promos at holiday offers na naglalabasan ngayon sa merkado. Siguraduhin nating lehitimo ang mga iniaalok sa atin at may kalakip na kaukulang permiso mula sa awtoridad. Tandaan na ang mga masasamang-loob ay nariyan lamang sa tabi-tabi at naghihintay ng tamang pagkakataon upang makapambiktima. Kaya maging matalino at huwag magpapaloko.

Pangalawa ay huwag kalimutang mag-budget ng maigi. Hindi ko ipinapahiwatig na maling gumastos para sa ating sarili ngayong darating na kapaskuhan. Sa katunayan nga ay nais ko kayong hikayatin na maglaan ng kaunting halaga upang bumili ng bagong kagamitan o bumisita sa magagandang pasyalan. Gayunpaman, huwag nating hayaan na maubos ang ating sweldo at 13th month pay nang hindi nababayaran ang ating mga bills. Kaya’t mahalaga na planuhing mabuti ang ating paggastos ngayong Disyembre at siguraduhing ito ay nasa akmang balanse.

Pangatlo at panghuli ay subukan nating gumawa ng simpleng kabutihan sa ating kapwa bago matapos ang taong ito. Wari ko ay hindi naman kinakailangang gumastos tayo ng pera o magbigay ng materyal na bagay upang makapagpamalas ng kabaitan. Sa panahon ngayon, malaking bagay nang maituturing ang mag-alay tayo ng kaunting panalangin para sa mga bansang naiipit sa mapaminsalang digmaan o ’di kaya ang maging disente sa tuwing nagbibigay tayo ng komento at opinyon sa samot-saring usapin sa social media. Ang respeto at ang simpatya ay ilan sa mga napakagandang regalo na maaari nating ibigay kaninuman. Kaya dumudulog ako sa inyong lahat na sana ay huwag natin itong ipagkait ngayong darating na pasko.

Email: jaime.babiera@yahoo.com / X: @jaimebabiera