Ni JOHN IREMIL TEODORO
Angkop na angkop na ang tema ng selebrasyon ng ika-59 na anibersaryo noong Setyembre 23 ng San Jose Multi-Purpose Cooperative (SJMPC) ay “Kabuganaan sa Kooperatiba sa masunod nga dekada” dahil hindi maliit na tagumpay ang umabot ng halos anim na dekada ang isang organisasyon. Nagsimula lamang ang SJMPC sa 151 na miyembro noong 1964, umaabot na ito ngayon nang mahigit sa 13,000!
Miyembro kami ng partner kong si Jay sa SJMPC at umattend kami ng selebrasyon na ginanap sa Tiripunan Center ng San Jose Business Park. Sa misa ng pasasalamat sinabi ni Rev. Fr. Allan Tanoja ng St. Joseph Cathedral sa kaniyang sermon na ang espesyal na araw na iyon para sa mga miyembro at opisyal ng SJMPC dahil ito ay, “an occasion to acknowledge and celebrate the strength of our community” na “It is a testament to the collective efforts, resilience, and dedication of all our members.”
Habang nagmimisa naaalala ko sina Nanay at Tita Neneng, ang nag-iisang kapatid na matandang dalaga ng aming ama. May ilang mga piraso pa ng alaala ako ng pagsama ko kay Nanay sa paggo-grocery namin sa Credit Union (Ito ang naririnig kong tawag sa SJMPC noon) sa isang wing ng kumbento ng San Jose Cathedral. Nasa kabilang wing nito, sa ilalim mismo ng kumbento, ang pre-school ng San Jose Academy na pinatatakbo ng Assumption Sisters. Dito ako nag-Prep One at na accelerate sa Grade One nang sumunod na taon at hindi na nag-Prep Two doon.
Noong maliit ako sumasama din ako kung minsan kay Tita Neneng sa mga miting niya sa Credit Union. Natatandaan ko, ilang General Assembly rin na akay-akay niya ako. Naaalala ko pa na ako ang kumakain ng meryenda sa mga miting at General Assembly. Naalala ko rin minsan habang naghahapunan kami ay masayang kinuwento ni Tita na nagtsi-cheer sila ng, “Milyonaryo na kami!” nang umabot ng isang milyon ang asset ng kanilang Credit Union. Minsan, habang nasa Manila sina Nanay at Tatay at magbubukas ng ang klase subalit wala pa kaming school supplies ng kapatid kong si Gary, nag-petty cash loan si Tita sa Credit Union kayâ nakapamili kami ng mga notebook, Crayola, at iba pang gamit pang-eskuwela. Ito ang panahon na pahirapan pa ang pag-bank transfer at lalong wala pang GCash.
Nang mamatay si Tita Neneng noong 2015, medyo malaki rin ang nakuha naming benepisyo at shared deposit niya sa SJMPC. Ang bunso naming kapatid na si Sunshine ang kaniyang beneficiary at iginasta namin ang lahat ng nakuha niya sa SJMPC sa lamay at libing ni Tita Neneng at nabigyan namin siya ng disenteng libing.
Nang naging seryoso na ako sa paghahanda financially para sa aking retirement (Magpi-50 pa lamang ako ngayong Nobyembre), isa sa mga pinapanood ko sa YouTube at binabasa ay si Vince Rapisura, guro ng microfinance at social entrepreneurship sa Ateneo de Manila University. May YouTube channel siya na ang pamagat ay Usapang Pera. Sa kaniya ko natutuhan na isa sa mga pinakamagaling na investment ang Kooperatiba. Kasapi ako siyempre ng kooperatiba namin sa De La Salle University at malaking tulong ito sa aking mga pangangailangang pampinansiyal. Noong nagtuturo pa ako sa University of San Agustin at sa Miriam College ay kasapi rin ako ng mga kooperatiba doon.
Sabi ni Vince, Mas mataas ang tubo ng investment niya sa kooperatiba kaysa stock market at may ipinakita pa siyang graph hinggil dito. Aniya, magandang maglagak ng pera sa mga kooperatiba dahil sa “high dividend at tax free ang mga interes. Ang drawback lang, usually non-withdrawal ang mga share deposit at makukuha lang natin ito kung i-withdraw na rin natin ang ating membership na dapat lang naman. Dahil co-owner tayo, kapag malugi ang kooperatiba ay lugi rin tayo.
May tatlong criteria na ibinahagi si Vince para malaman na stable at maayos ang kooperatibang sasalihan natin. Una, at least 10 years na nag-e-exist; Pangalawa, pagmamay-ari ng kooperatiba ang kanilang main office; At pangatlo, more than 80 COOP-PESOS ang score nila. Sobra-sobra na ang qualification ng SJMPC kung ito ang pagbabasehan. Umabot na nga ito ng 59 years. Pag-aari nito ang main office building sa Trade Town Center sa San Jose de Buenavista na nakatayo sa lupa ng munisipyo sa ilalim ng kasunduang usufruct, o mahabang taon ng pagpapahiram ng lupa. Pagdating naman sa akreditasyon (hindi ako sure sa COOP-PESOS score at aalamin ko pa ito), sa auditing report ng Tayawa Tolentino CPAs & Company noong 2022, sinasabi nila na ang mga pinansiyal na proseso ng SJMPC ay naaayon sa Philippine Financial Reporting Standards for Small and Medium Sized Entities.
Sa latest annual report ng SJMPC na inilabas sa General Assembly noong Marso, ang total assets nito sa taong 2022 ay PhP715,586,379. Mas mataas ito kaysa taong 2021 na PhP637,091,297. May mga branch na rin ang SJMPC sa mga bayan ng Miag-ao at Oton sa Iloilo, at sa Jordan, Guimaras. Proud ako na nag-e-expand ang SJMPC sa ilalim ng pamamahala ni General Manager Rodelyn Vera Cruz-Berto, isang matalik na kaibigan, kabaranggay, at kaklase sa elementary at high school.
Ang sabi pa ni Fr. Tanoja sa kaniyang sermon, “On this special day, let us express gratitude for the blessings we have received through our San Jose Multi-Purpose Cooperative. Let us thank God for giving us the opportunity to work together, support one another, and strive for the betterment of our community.” Lubos akong sumasang-ayon dito.
Nabanggit din ni Fr. Tanoja si Monsignor Cornelius de Wit, ang kinagisnan kong Obispo ng Antique, na siyang nanguna upang itatag ang mga kooperatiba sa mga parokya ng Antique. Isa siyang Dutch na Mill Hill Missionary na inilaan ang buhay sa pagsisilbi sa mga Antikenyo.
Sa mensahe ng kasalukuyang obispo, si Bishop Marvyn Abrea-Maceda, D.D., sa SJMPC 57th Annual Report, binansagang “Cooperative Capital of the Philippines” ang Antique dahil sa ginawang ito ng mga paring Mill Hill ilang dekada na ang nakalilipas. Magandang kuwento itong dapat ko ring maisulat.
Kabuganaan sa pagkakaisa. Pagtutulungan ng maliliit. Pagbuo ng isang pamayanan na may malasakit sa isa’t isa. Mga halagahan itong isinusulong sa mga kooperatiba. Kayâ sumali na tayo sa mga kooperatibang pinakamalapit sa atin. Now na!