INAANYAYAHAN ang lahat na magpasa ng mga nominasyon para sa KWF Kampeon ng Wika, isang pagkilala para sa mga indibidwal o pangkat na nag-ambag sa pagpapaunlad at pagtataguyod ng Filipino at mga wika ng Pilipinas.
Ang Kampeon ng Wika ay ang taunang parangal na ibinibigay ng KWF sa mga natatanging indibidwal, institusyon, o samahan na patuloy na bumubuhay at aktibong lumalahok sa pagtataguyod at preserbasyon ng wikang Filipino at mga katutubong wika ng Pilipinas sa iba’t ibang larangan o disiplina.
Tuntunin sa Paglahok
- Ang Kampeon ng Wika ay mataas na pagkilála sa mga indibidwal o pangkat na nag-ambag sa pagpapaunlad at pagtataguyod ng Filipino at mga wika ng Pilipinas.
- Bukás ang nominasyon sa mga indibidwal—laláki man o babae—samahán, tanggapan o institusyon, at mga ahensiyang pampamahalaan o pribadong sektor na may natatanging ambag o nagawa túngo sa pagsusulong, pagpapagalaganap, pagpapayabong, at preserbasyon ng alinman sa mga katutubong wika sa Pilipinas sa ibá’t ibáng larang at disiplina.
- Para sa mga indibidwal, kinakailangang may gulang na hindi bababâ sa apatnapung (40) taon. Para sa mga samahán, tanggapan, ahensiyang pampamahalaan, at/o pribadong sektor, kinakailangang naestablisa nang hindi bababâ sa limáng (5) taon.
- Mayroong katipunan ng mga akda o gawaing nakapag-ambag sa alinman sa mga katutubong wika sa iba’t ibang larang at/o disiplina. (Kinakailangang ilakip sa nominasyon bílang pruweba.)
- Ang mga nominado ay marapat na manggaling sa rekomendasyon ng indibidwal o pangkat.
- Pára sa onlayn na nominasyon, ihanda ang lahat ng softcopy (.pdf format) at magtungo sa link na ito: https://forms.gle/29WWupVDuxwkamGHA
- KWF Pormularyo ng Nominasyon
- Liham nominasyon na nagsasaad ng buod ng kalipikasyon ng nominadong indibidwal o samahán at nilagdaan ng nagnomina;
- Curriculum vitae (kung indibidwal) o profayl ng organisasyon (kung samahán);
- Mga pruweba sa katipunan ng mga akda o gawaing nakapag-ambag sa wikang Filipino at/o alinmang katutubong wika sa bansa; at
- Balidong ID ng nagnomina (.jpeg format)
- Pára sa nominasyon na ipadadala sa koreo, ilakip sa isa o higit pang long brown envelop ang lahat ng dokumento (hardcopy) na nakasaad sa bílang 6 at ipadalá sa:
Lupon sa Dangal ng Wikang Filipino 2022
Komisyon sa Wikang Filipino
2/P Gusali Watson, 1610 Kalye J.P. Laurel
San Miguel, Maynila
- Ang hulíng araw ng pagpapása ng nominasyon ay sa 01 HULYO 2022, 5:00 nh.
- Ang tatanghaling Kampeon ng Wika 2022 ay tatanggap ng naturang gawad sa Araw ng Parangal sa 29 Agosto 2022.
- Pára sa ibá pang detalye, tumawag o mag-text sa 0928-884-1349, o magpadalá ng email sa timpalak.gawad@kwf.gov.ph