KWF, mag-uuswag ngayong Setyembre sa Hilagang Cotabato at Nueva Ecija

MANILA – May dalawang Uswag ngayong Setyembre sa University of Southern Mindanao (USM) sa Hilagang Cotabato mula 18–19 Setyembre at sa Nueva Ecija State University of Science and Technology (NEUST) mula 23–25 Setyembre.

Kabilang sa ituturo sa mga guro sa Filipino ang ortograpiyang pambansa, masinop na pagsulat, at paggamit ng wikang Filipino sa korespondensiya opisyal.

Mula pa noong 2013, ilang libong guro na sa buong Filipinas ang sumasailalim sa seminar na ito na naglalayong makadagdag ng kaalaman ng mga guro sa mga pagbabago sa wikang pambansa.

Inaasahang dumalo sa Uswag sa USM ang 150 guro at tampok din sa programa ang paghirang sa ika-42 Sentro ng Wika at Kultura at pasinaya ng ika-17 Bantayog-Wika sa USM.

Inaasahan na magbubunsod ito ng mas maraming proyekto at saliksik para sa kultura at mga wika sa Hilagang Cotabato tulad ng Magindanaw, Sebwano, Hiligaynon, at Iranun.

Sa tulong naman ng SWK sa NEUST, inaasahang dumalo ang 170 guro para sa tatlong araw na seminar sa Nueva Ecija.

Para sa mga pamantansang nais magsagawa ng Uswag, maaaring magpadala ng kahilingan sa komisyonsawika@gmail.com