By Jaime Babiera
Maaalala na kamakailan lamang ay inilunsad ng Department of Tourism (DOT) ang bagong tourism campaign na “Love the Philippines.” Umani ito ng samot-saring reaksyon mula sa social media. Mayroong ilang mga natuwa at nagpahayag ng kanilang masidhing pagsuporta sa bagong slogan. Anila, napapanahon ito ngayon na nagsisimula nang bumangon ang ating bansa mula sa pandemya at nagbubukas na muli ang turismo. Samantala, mayroon din namang ilan na hindi nasiyahan dito at nagpahayag ng kanilang pagkadismaya. Ani ng isang netizen, mas maganda pa rin daw ang nakaraang slogan ng ating bansa na “It’s More Fun in the Philippines” kaya dapat ay hindi na ito palitan.
Patuloy pa rin hanggang ngayon ang debateng ito sa social media at mas dumami pa ang mga netizens na nagbahagi ng kanilang kuro-kuro nang matuklasan na ang promo video na in-upload kamakailan sa opisyal na social media pages ng DOT ay naglalaman ’di umano ng mga stock footages ng mga tanyag na lugar sa ibang bansa. Sa gitna ng kaguluhan na ito ay marahil pare-pareho at iisa lamang ang tanong na nasa isip ngayon ng taumbayan: Anong nangyari sa rebranding efforts na ito ng DOT?
Sa wari ko ay matagal pa ang lalakbayin ng usaping ito bago mabigyang linaw ang kontrobersyang bumabalot sa “Love the Philippines” campaign ng DOT. Kaya pansamantala ay hindi muna ako magbibigay ng aking palagay patungkol dito. Sa ngayon, nais kong gamitin ang kolum na ito upang maglatag ng ilang munting suhestiyon para sa ating gobyerno kaugnay ng bagong tourism campaign na ito dahil sa tingin ko ay tayo mismong mga Pilipino ang dapat unang magpakita ng pagmamahal sa ating bansa bago natin ito ipagsigawan sa buong mundo. Ilan sa mga paraan na naiisip ko ay ang mga sumusunod.
Una, protektahan natin ang ating kalikasan. Hindi lingid sa ating kaalaman na mayaman ang ating bansa sa mga magagandang tanawin. Nariyan ang Bulkang Mayon na walang kaparis ang kariktan kahit ngayon ay kasalukuyang nag-aalboroto, ang Tubbataha Reef na isa sa mga tinaguriang top diving spots sa Pilipinas, ang Banaue Rice Terraces na hindi maikakailang kabilang sa ancient world wonders, at marami pang iba. Nawa ay maging mas strikto pa ang ating pamahalaan pagdating sa mga aktibidad na maaaring magdulot ng masamang epekto sa ating kapaligiran gaya ng large-scale mining, reclamation projects, dam construction, deforestation, atbp.
Pangalawa, i-preserba natin ang ating cultural heritage. Madalas sabihin ng mga turista na isa sa mga nagustuhan nila sa Pilipinas ay ang ating kultura. Kabilang dito ay ang mga ipinagmamalaki nating Filipino delicacies gaya ng adobo at sinigang, mga fiesta at iba pang magagarbong pagdiriwang gaya ng Panagbenga sa Baguio at Ati-atihan sa Kalibo, at siyempre hindi mawawala sa listahan ang tanyag na mambabatok ng Kalinga na si Apo Whang-od. Huwag sana natin makalimutan ang mga ito kahit pa ang mundo natin ngayon ay patuloy na nagiging moderno. Nawa’y patuloy itong suportahan ng ating gobyerno sa pamamagitan ng paglulunsad ng iba’t ibang programang higit na magpapakilala dito hindi lamang sa ating bansa kundi pati sa buong mundo.
Pangatlo at panghuli, isaayos natin ang sistema ng ating mga paliparan. Alam nating lahat na ang mga paliparan ay may napakahalagang papel na ginagampanan sa ating turismo sapagkat ito ang nagsisilbing entry point sa ating bansa na siyang pinakaunang sumasalubong sa mga turista. Kaya sana ay tutukan ng pamahalaan ang mga ’di kaaya-ayang pangyayari sa ating mga paliparan gaya ng napaulat na extortion ’di umano ng ilang security officers sa mga foreign nationals, ang ilang oras na pagsasara ng Philippine airspace, at marami pang iba. Nawa ay hindi na maulit ang mga aberyang katulad nito dahil lubha itong nakaaapekto sa travel experience ng mga turista sa ating bansa.
Email: jaime.babiera@yahoo.com