Hindi lang sa paghahatid ng mga pinapadalang mga sulat at parsela ang ginaagawa ng Philippine Postal Corporation o PHLPost ngayong sumasailalim ang bansa at ang buong mundo sa Covid-19 pandemic, kundi tumutulong din ito upang ihatid ang mga relief goods ng local government units (LGUs) at medical supplies ng mga health workers sa bansa.
Sa pamamagitan ng #PusongPHLPost, prayoridad ng ahensya na matugunan ang mga pangangailangan ng pamahalaan at ng LGUs sa paghahatid ng tulong sa mga komunidad at “emergency situation” na kinakailangan ang serbisyo nito.
Ayon sa PHLPost, sila rin ay frontliners ng pamahalan sa paglaban kontra Covid-19.
Bagama’t hindi maiwasan ang pagkaantala ng paghahatid ng mga sulat at pakete dahil sa epidemya, patuloy pa ring ipinatutupad ng PHLPost ang sinumpaang tungkulin nito na ihatid ang mga mahahalagang sulat at kalakal at magsilbi sa mamamayan. Lubos silang humihingi ng pang-unawa at paumanhin dahil sa pangyayaring ito.
Bukod dito, dahil “essential services” ang komunikasyon sa panahon ng ECQ, sinisiguro din ng PHLPost ang kaligtasan ng mga kawani at kliyente nito tulad ng palagiang pagsusuot ng face mask, social o physical distancing at sanitation practices sa kanilang mga tanggapan.
Gumagawa din ng mga hakbang ang PHLPost upang patuloy na mapaglingkuran ang mamamayan tulad ng pakikipag-ugnayan sa mga barangay at local officials at koordinasyon sa mga kliyente gamit ang social media at mobile phones upang makarating ang mga sulat at kalakal ng maayos at ligtas.
Bilang pagpupugay din sa walang humpay na pagtulong ng mga frontliners o mga bagong bayani, minarapat ng PHLPost na maglunsad ng “Salamat Po, Frontliners” Letter Writing Advocacy Program via online upang hikayatin ang mga kabataan na magsulat ng “personal letter o liham sa mga frontliners”.
Layunin ng PHLPost na gawing kapaki-pakinabang ang pananatili sa tahanan ng mga kabataan at upang i-develop ang kanilang “sense of gratitude” sa isang simple at makabuluhang gawain. Isa rin itong “morale booster” sa mga frontliners sa mga panahong ito na nahaharap ang bansa sa matinding krisis.