Namit Gid sa Iloilo!

By John Iremil Teodoro

NALIPAY gid ako pero hindi nagulat nang ideklara ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) noong Oktubre 31 ang Lungsod Iloilo bilang Creative City of Gastronomy. Proud gid itong inyong Sirena dahil second home ko ang Iloilo City—apat na taon akong nagkolehiyo at nagturo nang pitong taon sa University of San Agustin.

Noong maliit ako wala pang bangko rito sa Antique. Halos kada buwan nagbibiyahe kami ni Nanay pa-Iloilo para kumuha ng kaniyang allotment, padalang pera ng Tatay naming seaman, sa Philippine National Bank sa Iloilo. Tatlong oras pa ang biyahe mula San Jose de Buenavista noon sakay sa bus na ang pangalan ay 76 Express na kahoy pa ang mga upuan. Rough road din ang daanan sa kabundukan sa pagitan ng Antique at Iloilo, at kahoy pa ang mga tulay! Pero hindi ko iniinda ang mahirap na biyahe dahil alam ko na pagdating na pagdating namin sa Iloilo, bago pa man kami pumunta sa bangko, kakain muna kami sa Iloilo Ice Cream House at ang paborito ko ay ang banana split nila na isinasabay ko sa barquillos.

Noong nakaraang buwan habang nasa Ubud, Bali umorder ako ng banana split bilang dessert sa isang restawran. Dahil nga diabetic na ako, iniiwasan ko na ang ice cream. Pero dahil nakabakasyon ako at lakad naman ako nang lakad sa Ubud (as in umaabot ako ng 14K steps a day roon), pakiramdam ko deserve ko ang banana split. Pero na-disappoint ako at bigla kong na-miss ang Iloilo Ice Cream House na wala na rin ngayon. Tatlong scoop na iba’t iba ang flavor dapat sa pagitan ng hiniwang saging ang banana split pero yung sa Ubud, isang scoop lang sa pagitan ng hiniwang malnourished na saging! Parang gusto kong ipatawag ang chef nila at tanungin kung saan siya nag-aral at bakit ganito ang banana split nila. Kaso nasa Ubud ako at pointless magmaldita sa isang napakagandang lugar kayâ nag-down the memory lane na lamang ako sa comfort food kong banana split sa aking kabataan sa Iloilo.

Noong maliit ako, hindi ko naiisip kumain ng pancit molo o batchoy kapag nasa Iloilo kami. Siguro dahil “pangmatanda” ang mga iyon. Naging paborito ko na ang batchoy noong nasa kolehiyo na ako. Noong early ‘90s may dalawang brand ng La Paz Batchoy na magkalaban: Ted’s at Nat’s. Nakakalat sa lungsod ang mga ito at usually magkatabi o magkalapit. Ang binabalik-balikan ko noon ang nasa tabi ng SM Delgado. Parehong okey sa aking panlasa ang batchoy ng Ted’s at Nat’s. Nagtuturo na ako nang madiskubre ko ang Netong’s sa La Paz Public Market mismo at ang Deco’s.

Magaling din akong magluto ngayon ng pancit molo. Sina Dulce Deriada at Cynia Mirasol ang mga kaibigan kong taga-Molo na mahilig magpabaon sa akin ng pancit molo balls kapag mapadaan ako sa Iloilo.

Kapag naiisip ko ang Iloilo malaki talaga ang kinalaman ng pagkain sa aking handurawan. Mahilig ang mga Ilonggo sa masarap na pagkain subalit hindi dapat mahal. Ganito ang mga pagkain sa mga paborito kong restawran doon: Ocean City, Breakthrough, Buto’t Balat (Paborito ni Leoncio Deriada, ang aking literary father sa lungsod), at Tatoy’s. Masarap din at mas lalong mura ang mga seafood ihaw-ihaw restaurant sa Villa Beach.

The best pa rin siyempre ang pagkain sa Hotel del Rio, ang “Official Iloilo City Residence ng Sirena.” Marami nang mga bagong hotel sa lungsod pero napanatili ng Del Rio ang charm nito at ang masarap na pagkain. Paboritong breakfast or dinner place pa rin ito ng mga old timer or mga old money ng Iloilo society. To die for (kung diabetic ka) ng kombo (maruya) at tsokolate de batirol sa breakfast buffet nila!

Speaking of breakfast, paborito ko pa rin ang Promenade ng Days Hotel. Noong buhay pa ang Iloilo BFF ko na si Jigger Latoza, doon palagi ako nagpapalibre sa kaniya kapag nasa Iloilo ako. Ang pinakagusto ko roon ay ang view ng Bonifacio Bridge, Museo Iloilo, at Iloilo Capitol. Simula nang mawala si Jigger, hindi pa ako bumabalik sa Promenade. Parang hindi ko kaya. Made-depress lang ako dahil maaalala ko ang mga huntahan at tawanan namin doon.

Ang bago kong paboritong restawran ngayon sa Iloilo ay ang Punot sa Boardwalk sa Iloilo Esplanade. Doon na madalas ako nakikipag-lunch or dinner date sa mga kaibigan at kakilala. Lalo na’t sa Hotel del Rio ako nakatira palagi kapag nasa Iloilo ako. Sa magkabilang pampang ng Iloilo River lang ang mga ito at walking distance. Kapag nasa second floor ako ng Punot, nakikita ko ang Esplanade, ang Iloilo River, at ang Del Rio na eleganteng Spanish villa ang arkitektura. Wala akong paboritong pagkain sa Punot dahil lahat ng pagkain nila ay masarap. Wala pa akong na-order na hindi ako nanamitan. Maganda rin ang pangalang “punot,” salitang Hiligaynon para sa “baklad” kayâ needless to mention, bongga ang seafood dishes nila.

Ayon sa UNESCO, “New cities were acknowledged to harnessing culture and creativity as part of their development strategies, and displaying innovative practices in human-centered urban planning (unesco.org).” Kasama ng Iloilo ang 54 pang mga lungsod sa mundo ang idineklarang creative city na ayon sa pitong larangan: Crafts and Folk Art, Design, Film, Gastronomy, Literature, Media Arts, at Music.

Sana huwag ding kalimutan ng mga taga-Lungsod Iloilo na hindi lang sa pagkain bongga ang ating minamahal na lungsod. May bonggang literary heritage din ang Iloilo. Sana maalagaan o mai-revive pa ang mga literary museum sa lungsod tulad ng Rosendo Mojica Museum sa Molo, ang bahay ni Magdalena Jalandoni sa Commission Civil Jaro, at ang bahay ni Graciano Lopez Jaena na nasa Jaro din na may library na yata ngayon. Dapat magkaroon na rin ng museo para sa buhay at obra ni Ramon Muzones na siyang pinakaunang National Artist for Literature sa wikang rehiyonal.

Nang bumisita ako noong 2016 sa Krakow sa Poland upang bisitahin ang puntod ng hinahangaang makatang si Wislawa Szymborska, nadiskubre ko na City of Literature ang lungsod na iyon dahil napakarami pala nilang manunulat doon. Si Szymborska lang ang kilala ko dahil siya lang ang widely translated into English at dahil nanalo siya ng Nobel Prize. Namangha ako habang namamasyal sa isang plaza nila sa loob ng lumang lungsod na ang mga bench ay naka-dedicate sa mga manunulat. Naisip ko tuloy, maganda siguro kung sa Iloilo Esplanade ay may mga upuang dedicated kina Flavio Zaragoza Cano, Magdalena Jalandoni, Ramon Muzones, Stevan Javellana, Santiago Alv. Mulato, Leoncio Deriada, at marami pang mga manunulat na taga-Lungsod Iloilo o nagsulat sa Lungsod Iloilo.

Tiningnan ko ang criteria para maging UNESCO City of Literature at medyo malayo pa ang Iloilo dahil kulang na kulang pa sa internationalization ang mga literary event sa lungsod. Pero dahil nga may matibay na literary heritage ang Iloilo, puwede na ring i-push ito. Kailangan ng isang malakas na publishing industry at mukhang nasa tamang direksiyon naman ang Kasingkasing Press ni Noel de Leon. Sana magkaroon na rin ng masigasig na publishing house ang mga unibersidad sa Iloilo. Ilang taon at lumalaki na rin ang Iloilo Mega Book Fair. Ang aming San Agustin Writers Workshop sa Fray Luis de Leon Creative Writing Institute sa University of San Agustin ay nasa ika-20 taon na ngayon.

Hindi rin naman kailangang hintayin pa na ma-declare din ang Iloilo sa City of Literature (pero mukhang kailangan yatang mamili kung sakali kung Gastronomy o Literature) para sinupin, alagaan, ipagdiwang, at palaganapin ang literary heritage ni lungsod. Maaari na itong gawin ngayon habang ini-enjoy natin ang kanamit ng ating mga pagkain na para bang sasabihin natin sa ating mga bisita na, “Hindi lang pagkain namin ang manamit. Mananam din ang aming panitikan!”