Paghahardin

Ni JOHN IREMIL TEODORO

Masakit ang aking buong katawan at pagod pero masaya ako at feeling fulfilled. Ilang araw na kasi akong pala nang pala ng mga graba at buhat nang buhat ng mga bato sa likod ng bahay naming dito sa Maybato. Sa wakas, matapos harapin ang sampung mini-truck ng pantambak, natambakan na ang buong likod ng bahay na palaging binabaha dahil mababa talaga ito. Nang magpalipad ang partner kong si Jay ng drone niya noong isang araw, baha sa paligid ng aming pader at mistulang isla ang aming bakuran.

Kunsabagay, naalala ko pa na noong maliit ako, noong ang bahay na malaki nina Lola Garâ at Lola Tiyang (mga magulang ng aming ama) na nakatayo sa loteng ito ay yari sa kawayan, ang likurang bahagi ng bakuran  na wala pang bakod noon ay talagang punô ng dagmay at sago dahil kapag tag-ulan ay may tubig ito. Kayâ nga siguro mataas ang bahay na iyon. Nasa ikalawang palapag ang living area at ang silong ay ginagawang kulungan ng manok kung gabi. Sa ilalim nito ay maaaring maghabulan.

Ngayong natambakan na ang likod ng aming bahay, handang-handa na itong maging hardin. Kayâ rin kami napagod nang husto ni Jay dahil gumawa kami ng fishpond. Natural pond ito. Isang bahagi ng lupa sa likod na may tubig talaga kapag malakas ang ulan. Mga bato lang ang inilagay namin. Ang iba malalaki kayâ masakit ang baywang ko at mga maskulo sa hita ngayon. Pero pakiramdam ko lumuwag naman ang dibdib at tiyan ko dahil nabanat. Work in progress pa ang pond na ito na lalagyan namin ng tilapya. Maghahanap din ako ng lotus at iniimadyin kong babagay ito dahil may kalakihan ang pond na mga 10 to 15 square meters.

Magtatanim na talaga kami ni Jay. Gusto namin ng maraming tanim! Gagawin namin itong isang tropical garden na green na green. Siyempre may bogambilya na ngayon pa lang dahil paboritong bulaklak ko pa rin ito. Nailipat na rin namin dito ang tatlong puno tanglad na noong isang buwan pa itinanim sa malaking plastic na supot. Nagtanim na rin kami ng luya at sibuyas. Tumutubo na rin sana ang basil namin kayâ lang kinain ito ng daga. Siguro damihan na lang namin ang itatanim hanggang hindi na kayang ubusin ng daga.

Ang matandang mangga ay gin-save namin. Binawasan lang namin ng mga sanga nito dahil punô ng baging at hindi makabunga. Kinalbo namin ito ilang buwan na ang nakalilipas at ngayon may mga dahon na uli. Sana mamulaklak na ito at magkabunga sa susunod na tag-araw. Sana sa Disyembre mas maraming dahon na ito para matuwa si Juliet, ang pamangkin kong lumaki sa Sweden, na minsang nagpi-Facetime kami ni Mimi, ang kapatid kong mommy niya, at tinanong ko kung papatayin ba ang mangga sa likod o hindi. Na-excite si Juliet nang malamang may mangga rito sa bahay. Ang mahal kasi ng mangga sa kanila! Indian mango lang naman ito subalit sako-sako ang bunga nito noon. Makapagpapak uli ako nito dahil may nao-order na akong mushroom bagoong sa Lazada na lasang bagoong talaga minus ang langsa. At gusto rin ito ni Jay dahil allergic siya sa bagoong na hipon.

Habang nag-aayos at nagtatanim ako ng mga halaman dito sa bahay namin sa Maybato, naiisip ko ang maliit naming hardin sa bahay namin sa Pasig. Ito ang hardin na inayos ko nang ma-lock down ako roon dahil sa pandemyang COVID-19. Tag-ulan ngayon at tiyak overgrown na naman ang puno ng bogambilya at ang mga fern. Pati na rin ang carabao grass na inorder ko na parang tiles noon. May kaunting lungkot lang akong nararamdaman dahil pakiramdam ko inabandona ko ang hardin na ito. Noong isang araw lang, nag-post si Sunshine sa FB na hinahawan niya ang hardin namin doon sa Pasig at kumuha siya ng mga bulaklak at inilagay sa garapon mula sa tanim na binili ko sa Laguna noon.

Alam kong middle class problem itong may maraming hardin. Iisa lang naman ang katawan ko at ngayong naka-sabbatical leave ako, gusto kong dito lang ako sa Antique. Kailangan ko lang tanggapin ang mga limitasyong ganito.

May dalawang hardin pa kaming pinapangarap ni Jay na mabuo. Ang Hardin Milagros sa 780 square meters na lupang binili ko sa Barangay Tubudan na malapit na malapit sa Aningalan sa bayan ng San Remigio, at ang Hardin Magnificat sa 6,000 square meters na lupang binili ko sa Sitio Iguhag sa baryo ng Casay sa bayan ng Anini-y. Ang unang hardin ay ipapangalan ko sa yumao naming ina. Doon gagawa kami ni Jay ng isang maliit na eco-garden resort. Ang pangalawang hardin naman ay ipapangalanv ko sa dasal ng pasasalamat at papuri ni Mother Mary. Gagawin namin itong permaculture farm para makatulong kahit sa kaunting paraan lamang sa food security ng Isla Panay at buong bansa. Sa pagretiro ko, gusto ko 90% ng kakainin ko ay galing sa aming mga hardin.

Sa librong Philosophy in the Garden ni Damon Young (Melbourne University Press, 2012) na tungkol sa mga hardin at/o epekto ng mga hardin sa panulat ng ilang mga pilosopo at manunulat tulad nina Jane Austen, Emily Dickinson, Marcel Proust, at Jean-Paul Sarte, inilatag niya ang kahulugan ng salitang hardin. Mula ito sa mga salitang Europeo na “garten,” “jardin,” at “giardino” na ang ibig sabihin ay, “They refer to enclosure, which requires two things: something cordoned off (nature) and someone to do the cordoning (humanity).” Ang hardin aniya ay pinag-isang kalikasan at gawa ng tao. “Every garden is a union of this kind: nature separated, bordered, transformed by humans.” Pinatunayan sa librong ito na maganda para sa katawan at sa utak (o kaluluwa) ang isang hardin.

Pasók sa pagpapakahulugang ito ang hardin namin dito sa Maybato dahil napapalibutan ito ng pader at pupunuin namin ito ng mga halaman, bulaklak, at gulay. At mayroon pa itong mga fishpond. Oo, mga, dahil sa ngayon may tatlong maliit na fishpond na kami at may dalawa pang gagawin.

Hindi lamang pansariling proyekto ang paghahardin. Malaking tulong ito para sa pangangalaga sa kalikasan dahil bawat dahon ay may ambag sa paglinis ng hangin, at ang bawat punongkahoy ay pang-mitigate sa pagbaha bukod pa sa mga bulaklak at prutas na dulot nito sa mga ibon at tao. Sabi nga ni Frances Hodgson Burnett sa klasiko niyang librong The Secret Garden, “If you look the right way, you can see that the whole world is a garden.” Sa panahon ng environmental crisis, magiging salvation natin ang gawing hardin ang buong daigdig.

Nananakit man ang katawan ko ngayon, masayang-masaya ako at usal-usal ang pasasalamat sa Poong Maykapal sa pagkakataong makapaghardin at sa biyayang magkaroon ng maraming hardin.