By Jaime Babiera
Sa ating mga kababayang street sweepers, maraming salamat sa inyong ’di matatawarang serbisyo para sa ating bansa. Kahanga-hanga ang ipinapamalas ninyong kasipagan upang mapanatiling malinis ang ating mga lansangan. Nawa ay gabayan kayo palagi ng Poong Maykapal at panatilihing ligtas mula sa mga kapahamakang maaaring idulot ng matinding init ng panahon at ng mga kaskaserong sasakyan sa kalsada. Humihiling ako sa publiko na itapon natin sa tamang lagayan ang ating mga basura upang kahit sa munting paraan na ito ay matulungan natin ang ating mga kapatid na street sweepers.
Sa ating mga kababayang mangangalakal, maraming salamat sa inyong ’di matatawarang serbisyo para sa ating bansa. Lingid sa kaalaman ng karamihan, ang tone-toneladang electronic waste na naiipon mula sa mga luma o sira nating gadgets at appliances gaya ng cellphone, TV, washing machine, electric fan, at iba pa ay may masamang dulot sa ating kapaligiran at kalusugan kung hahayaang nakatiwangwang kung saan-saan. Ang ating mga kapatid na mangangalakal ay may napakahalagang papel na ginagampanan sa tamang disposal ng e-waste sa ating bansa. Sila ang nangongolekta at nagse-segregate ng mga sira nating gamit bago ito dalhin sa mga e-waste facilities at recycling centers. Hindi biro ang ganitong uri ng trabaho kaya saludo ako sa inyo!
Sa ating mga kababayang pulis at sundalo, maraming salamat sa inyong ’di matatawarang serbisyo para sa ating bansa. Sa panahon ngayon, walang pinipiling lugar o oras ang krimen. Lahat tayo ay maaaring maging sunod na biktima. Kaya ang panatilihing payapa, tahimik, at maayos ang ating mga komunidad ay hindi maikakailang mabigat na hamon para sa ating mga kapulisan na siyang naatasang protektahan ang mamamayan laban sa mga masasamang-loob. Sa kabilang banda, ang ating mga kasundaluhan ay nahaharap din sa isang mabigat na gampanin na protektahan ang ating soberanya laban sa mga terorista gayundin sa mga dayuhang bansa na nagkaka-interes sa ating teritoryo. Mabuhay kayo at nawa’y bantayan kayo palagi ng ating Panginoon.
Sa ating mga kababayang journalists, maraming salamat sa inyong ’di matatawarang serbisyo para sa ating bansa. Walang kapantay ang ipinapakita ninyong dedikasyon sa inyong trabaho. Lahat ng panganib ay handa ninyong suungin para lamang mabigyan ang publiko ng tapat at mapagkakatiwalaang impormasyon patungkol sa mahahalaga at napapanahong kaganapan sa ating bayan. Sa pagtupad ng inyong tungkulin, nawa’y manaig palagi ang diwa ng ating demokrasya at iadya kayo ng Poong Maykapal sa lahat ng uri ng kapahamakan. Kaisa ninyo kami sa pagbabantay ng ating kasarinlan. Mabuhay ang malayang pamamahayag!
Sa ating mga kababayang Overseas Filipino Workers (OFW), maraming salamat sa inyong ’di matatawarang serbisyo sa ating bansa. Bayani kayong maituturing sapagkat ang makipagsapalaran sa banyagang bansa ay isang mahirap na desisyon at mabigat na sakripisyo. Sariling kaligayahan at sariling buhay ang inyong isinusugal para lamang kumita nang sapat at mabigyan ng magandang kinabukasan ang inyong pamilya. Saludo kami sa inyong angking tapang at determinasyon. Ipinagdarasal namin palagi ang inyong kaligtasan at kapanatagan habang malayo kayo sa ating bayan. Samantala, patuloy din naming ipinapanalangin na sana ay maipagkaloob na ang hustisya para sa mga kapatid nating OFW na dumanas ng karahasan at kamatayan sa kamay ng mga mapang-aping dayuhan.
Walang katumbas ang serbisyo ng manggagawang Pilipino. Ang lahat ay may mahalagang kontribusyon sa kaayusan at kasaganaan ng ating bansa. Gaya nga nang tinuran ng dating pangulong Carlos P. Garcia sa kanyang Labor Day speech noong 1958: Ang manggagawang Pilipino ang “siyang tunay na haligi ng pagkakaisa at lakas ng ating bayan.”
Email: jaime.babiera@yahoo.com