Pagtuturo ng Swedish Literature

Ni John Iremil Teodoro

ISA sa mga tatlong kursong itinuturo ko ngayong Term 1 A.Y. 2024-2025 ay ang Swedish Literature (LITSWED) bilang elective course. Nasa Sweden kasi ako noong Hulyo nang nag-PM ang aming Vice Chair at tinatanong ako kung anong elective course ang gusto kong ituro. Dalawang elective course ang itinuturo ko: Visayan Literature at Indigenous Philippine Arts. Pero dahil nasa Sweden ako at maraming libro nang nabili at binabasa, naisip kong bakit hindi Swedish Literature? Na-excite naman agad ang aking Vice Chair at pinasulat ako ng maikling course description upang makahingi na ng course code para dito sa Office of the Registrar. Unang pagkakataon kasing maituro ang Swedish Literature dito sa De La Salle University.

Tuloy ngayon may nararamdaman akong “impostor syndrome.” Pakiramdam ko wala naman talaga akong K, as in karapatan, na magturo ng Swedish Literature. Unang-una, hindi ganoon kalawak ang mga nabasa at alam ko tungkol sa literatura ng Sweden kumpara halimbawa sa stock knowledge ko tungkol sa mga literatura ng Kabisayaan at Philippine gay literature. Pangalawa, hindi ako makapagbasa ng libro sa Svenska, ang wika ng Sweden. Ideally kasi, dapat nababasa ko sana sa orihinal ang mga akdang tatalakayin namin sa klase.

Mahigit isang dekada na rin naman akong nagbabasa tungkol sa literatura at kultura ng Sweden. Dalawang beses na rin naman akong nakapagbakasyon grande sa bansang ito sa Scandinavia. Nanliligaw pa lamang noon ang Swedish brother-in-law kong si Jonas sa kapatid kong si Mimi ay may pasalubong na siyang mga libro sa akin kapag binibisita niya si Mimi dito sa Filipinas. Alam niya kasing manunulat at guro ako at palabasa ng libro. Ang isa sa mga librong ibinigay niya sa akin noon ay ang librong “A History of Swedish Literature” (The Swedish Institute, 1989) ni Ingemar Algulin. Ito ang unang librong nabasa ko tungkol sa Sweden at ito ang main reference namin ngayon sa aming klase.

Kahit papaano marami na rin naman akong mga salitang Swedish na alam. Puwede pa rin naman akong ibenta nina Mimi sa Sweden pero marami na akong alam na pangalan ng mga pagkain, prutas, at mga bulaklak sa Svenska. Nakakabasa na ako kahit papaano ng mga road sign. Maraming billboard ang kahit papaano ay naiintindihan ko ang nilalaman. Germanic language naman kasi ang Svenska at kung marunong kang mag-Ingles na isa ring Germanic language, may mga salita kang maiintindihan na mga salita. Halimbawa ang “hus” para sa bahay na siyempre “haus” sa German at “house” sa Ingles. Ang “blommor” halimbawa para sa bulaklak ay “blooms” sa Ingles. Ang pharmacy ay “apotek” ang tawag nila at alam natin siyempre ang salitang Ingles na “apothecary.” Maraming Ingles din ang nasa bokabularyo ng mga Swedish. Halimba napapansin ko na sa mga comfort room sa mga bus at tren ay WC ang nakalagay. Akala ko Svenska pero nang tinanong ko ang pamangkin kong si Juliet kung ano ang ibig sabihin, “water closet” pala na British English.

Sa unang klase namin sa Zoom noong Lunes, nagbigay ako ng maikling lektura hinggil sa Sweden at sa kultura nito. Nang mabanggit ko na libre ang medical care sa Sweden, may nag-post sa chat ng “Sanaol.” Sabi ko, kapag nasa Sweden ako, palagi talaga akong napapa-sanaol. Nagsimula kasi ang presentasyon ko sa listahan ng World Happiness Report 2023 at nasa top 6 ang Sweden. Sinundan ko ito ng corruption index para sa taong 2023 at pang-anim uli ang Sweden bilang least corrupt country. Ang Filipinas ay pang-115! Kayâ agad kong sinabi sa kanilan na ang isang bagay na dapat matutuhan natin sa Sweden ay kapag hindi magnanakaw at gahaman ang mga politiko, kayang-kayang pangalagaaan ng pamahalaan ang mga mamamayan nito sa pamamagitan ng libreng serbisyong medikal at edukasyon.

Reading course itong Swedish Literature. Ibig sabihin may mga piling tekstong babasahin at tatalakayin, at inilagay ko sa aming syllabus na ang mga lenteng gagamitin ay formalism, feminism, social democracy, at ecocriticism. Mga bagay at tema na makikita sa Swedish Literature.

Dahil elective course ito sa literature, mahalagang basahin ang mga akdang literatura bilang literatura. Bagamat medyo nalalaos na ang pormalismo, ito pa rin ang pinakamabisang paraan upang pasukin ang isang teksto. Sa bahaging “Required Readings,” hinati ko ang mga akda by genre/form: tula, katha, creative nonfiction, at dula. Magandang maging lunsaran sa pag-unawa sa mga akda ang formal elements ng kada genre.

Pagdating sa talakayan sa klase, ang pagkakasunod-sunod sa pagtalakay ng mga akda ay tematiko ang basehan: social democracy/welfare state, feminism/gender equality, at ecocriticism/integrity of creation. Sa ilalim halimbawa ng temang social democracy/welfare state, maaari itong maging giya para sa pagbasa at pag-unawa sa mga aklat pambata ni Astrid Lindgren. Hindi lamang ordinaryong manunulat si Lindgren. Aktibista rin siya na nagkampanya para ma-institutionalize ang children’s rights sa Sweden na naging modelo ng mga batas sa karapatang pambata sa maraming bansa sa mundo.

Sa pagbasa ng klasikong dulang “Miss Julie” ni August Strindberg at ng pangatlong nobela sa Millennium Series ni Stieg Larsson na “The Girl Who Kicked the Hornets’ Nest,” maaaring talakayin ito sa pamamagitan ng close reading ng mga karakter sa dula at nobela at tingnan mula sa perspektiba ng feminism at gender equality, at maging sa social equality na isinaalang-alang ang pagiging welfare state ng Sweden ngayon.

Ang paborito kong lente siyempre ay ang ekokritisismo, ang paggamit ng environmental science sa pagbabasa ng literatura. Sa naobserbahan ko sa Sweden, environmental conscious ang karamihan sa mga tao. Napakaayos ng waste management nila. Hindi nakapagtataka na mayroon silang mga teenager na tulad ni Greta Thunberg ngayon. Hindi overnight na naging environmental conscious ang mga Swede. Magandang maging maláy sa pagbabasa ng mga akda at tingnan ang mga detalye na makapagbigay ng linaw kung paanong narating ng bansang Sweden ang pagiging mabait nila sa kalikasan at kapaligiran.

 

Ang sabi ko sa mga estudyante ko, habang ini-enjoy namin ang pagbabasa sa mga akdang pampanitikang Swedish, huwag naming kalimutan ang halaga at layunin ng mga pagbabasang ito: ang matuto sa karanasan ng Sweden kung paano sila naging isa sa mga pinakamasayang bansa sa mundo na isa rin sa may pinakamababang antas ng korapsiyon kung kayá mayamang bansa sila ngayon at napapangalagaan silang mga Swedish ng kanilang pamahalaan. Ang sabi ko pa sa kanila, mga bata pa sila at maraming panahon at lakas pa para gumawa ng paraan na maging maayos din ang ating bansa para hindi na lamang sila mapapa-sanaol palagi.

***

Si John Iremil Teodoro na taga-San Jose de Buenavista, Antique ay full professor sa Departamento ng Literatura ng De La Salle University sa Manila kung saan siya rin ang direktor ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center. Ang kaniyang dalawang libro ng mga sanaysay ay nanalo ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Tinanggap niya ang S.E.A. WRITE Award mula sa Kaharian ng Thailand noong 2019.