Isinagawa noong 24–26 Hulyo 2023 sa Nueva Vizcaya State University (NVSU)-Bayombong Campus ang palihan sa pagbuo ng ortograpiya ng wikang Bugkalot. Dinaluhan ito ng iba’t ibang kinatawan mula sa komunidad ng Bugkalot sa Nueva Vizcaya, Quirino, at Aurora. Tinalakay nila ang baryasyon ng kanilang wika upang makabuo ng isang ortograpiya.
Ang Bugkalot na kinikilala ring Ilongot at Eģongot ay katutubong pamayanang kultural na matatagpuan sa Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora, at Nueva Ecija.
Dumalo rin sa nasabing palihan ang mga guro mula sa DepEd Nueva Vizcaya, DepEd Quirino, DepEd Aurora, Bugkalot/Ilongot Bible Translators, mga guro ng NVSU, at mga piling gradwadong mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas-Departamento ng Linggwistiks (UP-Lingg).
Ang palihan ay pinangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), Translators Association of the Philippines (TAP), at UP-Lingg sa pakikipagtulungan sa NVSU.