Ni John Iremil Teodoro
DAHIL masyado akong nag-e-enjoy sa aking sabbatical leave sa Antique at ang gusto ko lang gawin sa buhay ko ay maghardin, nang umuo ako sa imbitasyon ng University of San Agustin Publications (USA Pub), ang publikasyon ng mga estudyante ng University of San Agustin sa Lungsod Iloilo, ay hindi ko agad naisip na itong GUSTING ay ang regional na seminar-workshop para sa campus journalism na naumpisahan ng USA Pub noong ako ang moderator.
May ugali din ako na kahit tinatamad sana subalit hindi mahindian ang nag-iimbita ay pinagbibigyan ko na. Tulad nitong imbitasyon ng USA Pub na dahil staff member din ako nito noong nasa kolehiyo ako at naging moderator pa noong nagtuturo na ako ay umuo kaagad ako without thinking. Iniisip ko rin na ang kasalukuyang moderator nila ngayon ay si Cristy Daguay, isang kaibigan na kasama ko noon sa University Coordinating Center for Research and Publications (UCRP) ng San Agustin. Pansamantalang iniwan muna namin ng partner kong si Jay ang ginagawang hardin sa bahay namin sa Maybato. Kailangang kasama ko siya dahil hindi na ako sanay magbiyahe na hindi siya kasama.
Pagdating ko sa venue sa ikaanim na palapag ng bagong (dahil wala ito noong nagtuturo pa ako sa San Agustin) Santa Monica Hotel sa Jalandoni Street sa tabi ng USA Gym, nagulat ako kung bakit maraming participant. Ang pinaghahandaan ko kasi sa isipan ko, lecture sa mga kasapi lang ng USA Pub. Isang intimate na sesyon kasama ang mga batang Agustinong manunulat.
Biglang nag-sink in sa akin kung ano ang GUSTING. Nang tinawag na ako sa stage upang magsalita at nakita ko ang back drop na may malalaking letra na FOURTEENTH GUSTING JOURNALISM SEMINAR & WORKSHOP, pinigilan ko ang maging emosyonal dahil biglang down the memory lane na ang drama ko. Pang-14 na GUSTING na ito! Ako ang moderator ng USA Pub nang simulan namin ito. May mga in house training kami noon subalit naisip namin na mag-imbita ng mga established na journalist at manunulat na magbigay ng lektura hinggil sa peryodismo at bubuksan namin ito sa mga campus journalist at mga adviser/moderator nila sa Western Visayas o Region 6. Naalala ko, daan-daan nga ang uma-attend dito.
Naging speaker sa GUSTING noon ang mentor kong si Leoncio P. Deriada. Naging lecturer din ang mga kaibigan kong manunulat na sina Isidoro M. Cruz, Diosa Labiste, Hazel Villa, at siyempre pa, si Jigger Latoza. Minsan naging keynote speaker din si National Artist Bienvenido N. Lumbera na hindi pa National Artist noon. Naalala ko nang gin-email ko siya upang imbitahan at sinabi kong pasensiya na talaga at maliit lang ang pambayad namin, lalo ko siyang minahal at hinangaan dahil sa sagot niya—“John, sanay ako sa maliit na bayad.”
Laging may mahalagang tanong akong pinapakawalan kapag nagbibigay ako ng introductory lecture hinggil sa pagsulat lalo na kung mga bata pa ang nakikinig. Ang pinakamahalagang tanong: BAKIT TAYO NAGSUSULAT? Para que? Para maging sikat? Para maging viral? Para yumaman? Natatawa ang mga nakikinig na batang manunulat nang sinabi ko na tiyak na sisikat at magiging viral tayo kapag mag-Tiktok na lamang o maging vlogger kaysa maging writer. Halos walang nagbabasa sa ating bansa. Walang reading culture ang mga Pinoy. Kayâ nga madaling malinlang ng mga politiko kahit na obvious na sinungaling at nakakatawa ang lohika. Sabi ko, huwag silang umasa na yumaman bilang manunulat. Dahil hindi nga binabasa ang mga manunulat sa bansang ito. Walang bumibili ng libro. May mga mapalad tulad nina Manix Abrera at Bebang Siy. Pero I’m sure, ipapaputol ko ang buntot ko, kung umaabot ng isang milyong kopya ang naibebenta nilang libro taon-taon. Mas tiyak na yayaman sila kung magpolitiko na lang at tiyakin, ipaglaban nang patayan, na may confidential fund ang kanilang opisina!
Para bigyan ang mga batang manunulat ng idea ng papasukin nila at mga responsabilidad na yayakapin nila kapag magdesisyon silang maging manunulat for life, ibinahagi ko ang ilang idea mula sa mga matandang manunulat na sina Magdalena G. Jalandoni, National Artist Cirilo F. Bautista, Merlie M. Alunan, at Nobel Laureate Jon Olav Fosse.
Sabi ni Jalandoni sa kaniyang autobiography, “Mapipilitan akong sumulat kapag maramdaman ko na ang aking ilong ay pinapausukan ng bango ng bulaklak, aking paningin ay parang napupuno ng pangako ng araw, at ang aking kaluluwa ay inililipad ng mga panaginip na may pakpak patungo sa asul na kalangitan.” Salin ko na siyempre ito mula Hiligaynon. Romantiko pa ang ganitong pagtingin sa pagsulat pero gusto ko ito dahil nagsisimula naman talaga ang passion sa pagsusulat sa mga inspiring moment gaya nito. Natatawa ang mga batang manunulat kapag sinabi ko na siguro never akong nag-drugs na kahit mariwana ay hindi ko natikman dahil pagsusulat at pagbabasa ang una kong naging bisyo at kinaaadikan hanggang ngayon.
Paborito ko rin ang metapora sa pagsusulat ni Bautista: “Poetry is a monkey on my back.” Ang mga manunulat daw ay may di nakikitang matsing na nakapatong sa balikat. Nagiging malikot itong matsing—kakalmutin ka o kakagatin—at titigil lamang ito kapag sumulat ka ng tula (o depende kung ano ang genre mo). Kapag may bago kang masulat, tatahimik ang unggoy na ito. Pero kung medyo matagal kang hindi nakakasulat, magiging magulo uli ito. Ibig sabihin nito, ang tunay na manunulat ay hindi matatahimik kung hindi magsusulat.
Si Alunan naman sa kaniyang talumpati sa ika-32 na anibersaryo ng Women on Literary Arts (WILA) sa Lungsod Cebu noong nakaraang linggo, ipinagdiinan niya ang responsabilidad ng mga manunulat sa lipunan at sa buong sangkatauhan. “Part of that responsibility is to write and not be silent about the core values that society upholds—integrity, accountability, and frugality when millions of the weaker members of that society live in want and penury.” Gin-quote ko ito mula sa Facebook post ng isa pang hinahangaan kong makatang Sebwano, si Ester Tapia. Mabigat ang responsabilidad na nakaatang sa balikat ng mga gustong maging manunulat.
At dahil kaa-announce pa lamang ng Swedish Academy ng nanalo ng Nobel Prize for Literature ngayong taon, ang Norwegian na si Jon Olav Fosse, ibinahagi ko na rin ang maikling citation kung bakit siya: “For his innovative plays and prose which give voice to the unsayable.” May dalawang operative concepts: Una, “innovative.” May inihahain na baglo sa porma. At pangalawa, pagbibigay boses sa mga bagay na mahirap pangalanan. Siyempre, nag-order agad ako ng libro ng mga maikling kuwento ni Fosse sa Amazon.
Dahil maikli lang ang oras na ibinigay sa akin para magsalita hinggil sa feature writing, sinabi ko sa mga batang manunulat na sila na ang magbasa nitong dalawang libro na mahahanap ang kopya sa Booksale o may libreng PDF sa internet: The Writer’s Presence nina Donald McQuade at Robert Atwan (Bedford/St. Martin, 2000) at The Complete Book of Feature Writing ni Leonard Witt (Writer’s Digest Books, 1991).
Sabi ni San Agustin sa kaniyang librong On Christian Doctrine, “A person who is a good and true Christian should realize that truth belongs to his Lord, wherever it is found, gathering and acknowledging it even in pagan literature….” Dahil sa siping ito kadalasang ina-attribute kay San Agustin ang ideang, “Ang lahat ng katotohanan ay katotohanan ng Diyos.” Ito ang nais kong ipagdiinan sa mga batang manunulat ng Panay at ng buong bansa. Doon lang tayo dapat sa totoo at hindi totoo na maraming bersiyon ang katotohanan. Kung may isang politiko halimbawa na nagagalit kapag tinatanong kung paano niya ginasta ang pera ng taumbayan, wala nang ibang bersiyon ang kahambugang ito kundi kahambugan ito ng isang sanay na gumasta na walang rumerenda ng perang hindi naman sa kanila. Korap at gahaman ang mga politikong ganito. Ito ang totoo at wala nang ibang bersiyon pa.
Basic din para sa akin ang isang halagahang Augustinian na ang pundasyon ng kapayapaan ay katarungan. Oo, ang katarungan at hindi ang confidential fund! Upang magkaroon ng katarungan, kailangang protektahan ang katotohanan. Dapat tayong mga manunulat ay panig lagi sa katotohanan ng Poong Maykapal. Hindi dapat tayo nalilinlang sa matamis na dila ng mga politikong sinungaling at sa mga argumento nilang labag sa lohika at etika. Kapag sumulat tayo na laging tapat sa katotohanan, magiging tunay tayong manunulat.