By John Iremil Teodoro
“NOT spicy,” sa wikang Thai. Isa ito sa mga sampung pariralang gin-memorize ko dahil ayaw ko sa maanghang na pagkain at 99% ng mga waiter o waitress dito sa Salaya ay hindi makaintindi ng Ingles. Nanibago ako. Noong Agosto ng nakaraang taon nang nasa Bangkok ako para tanggapin ang S.E.A. WRITE Award ay nasa Mandarin Oriental ako tumira at nakakaintindi ng Ingles ang mga staff doon. Dito sa Salaya halos wala.
Siyempre nag-Youtube ako. “First Ten Thai Words” ng Let’s Learn Thai! Channel. Nagsisisi ako kung bakit hindi ako nag-effort mag-aral ng Thai bago ako pumunta rito sa Mahidol University bilang Visiting Professor. Last year inimbitahan ako ng dating estudyante kong si Elsed Togonon, isang manunulat at tagasalin, na sumabay sa kaniyang mag-aral ng online Thai course. Mahilig kasi si Elsed sa mga Thai telenovela at alam niya ang planong pagpunta ko rito sa Mahidol. Pero ewan ko ba, hindi ako sumabay sa kaniya. Nitong sabbatical leave ko kasi ay tamad na tamad akong mag-Zoom. Base sa mga post ni Elsed sa FB, marunong na siyang mag-Thai. Ako, heto, nandito sa Thailand ngayon at gustong kagatin ang siko dahil sa pagsisisi.
Noong Lunes malaking problema ko kung paano magpa-laundry. Pumunta ako sa opisina ng kondominyum pero wala ang manager na si Pipi. Ang kaniyang assistant lang ang nandoon na hindi marunong mag-Ingles. Gusto ko lang sanang itanong kung saan puwede magpa-laundry, yung hindi self-service. May laundry room sa building subalit ikaw ang gagawa at dahil nakasulat sa Thai ang mga instruction at label ng mga kailangang pindutin sa mga washing machine, nag-give up na agad ako. “Afternoon… Pipi,” sabi ni assistant at naintindihan ko na pinababalik ako sa hapon kapag pumasok na si Pipi.
Pagbalik ko sa aking kuwarto hindi ako mapakali. Gusto ko nang magpalaba talaga. May nadaanan akong dalawang laundry shop sa mga building sa unahan na feeling ko, kasi nga hindi ko mabasa ang mga sign, hindi self-service. Yung iiwan mo lang ang mga labahin mo saka mo na lang babalikan at kukunin na nakatupi na. Nagdesisyon akong dalhin na roon ang aking mga labada. Sarado ang mga ito. Baka masyadong maaga o baka dahil holiday sa Thailand noong April 8. Pabalik na ako sa aming building nang may madaanan akong laundry shop. May babae at lalaking nagbabantay. Nasa labas na rin lang ako na bitbit ang mga labada ko kayâ nagdesisyon akong pumunta na roon. Mabuti at willing to assist sila. Tinuruan ako ng lalaki sa pamamagitan ng sign language. May mga English translation naman pala ang instructions at ang mga label ng kailangang pindutin. Siguro dahil maraming international student din naman ang nakatira sa mga kondominyum sa palagid. Ito ang automatic na washing machine (Made in Japan daw ayon sa isang label) na wala kang gagawin kundi ilagay lang sa loob ang mga labahin, hintayin mo lang (One hour ang pinili ko dahil puwedeng mas maikli) at ilalabas mong malinis at tuyo na ang iyong mga damit. Hapi ako at ang linis-linis ng pagkalaba ng mga damit ko. Ngayon, parang gusto ko nang maglaba every other day!
May dalawang magandang lugar akong napuntahan sa unang linggo ko rito sa Salaya: ang restawran na Bubble in the Forest at ang Buddhist Temple na malapit lang dito sa aking tinutuluyan.
Medyo nagulat lang ako na maraming tao sa Bubble in the Forest. Mukhang sikat na garden restaurant ito rito sa Salaya. Hindi ko masyadong gusto ang mga lugar na maraming tao. Buti na lang maganda ang lugar dahil ang kinainan kong restawran ay napapaligiran ng fishpond. Masarap din ang pagkain.
Sobrang init lang talaga ng panahon at salamat dahil hatid-sundo ako ng kotse ng Mahidol University doon sa Bubble in the Forest. Nang magkausap kasi kami ni Dr. Morakot (Ang host ko rito sa Mahidol) noong Martes sinabi ko sa kaniya na gusto kong magkape kami roon dahil nakita ko ang restawran na ito sa Facebook at mayroon silang mga mesang nasa gitna at tabi ng isang malawak na swimming pool. Kaso may biglaang meeting siya pero gin-arrange pa rin niya ang aking masasakyan. Kayâ mag-isa akong nananghalian doon. Doon ko unang ginamit ang “mai-ao-pet” na thank God naintindihan ng waiter.
Dahil alas-tres pa ng hapon ako nagpasundo, naupo muna ako sa isang mesa sa lilim ng mga punongkahoy at nagbasa ng The Temple of Dawn ni Yukio Mishima. Ito ang baon kong libro sa eroplano papunta rito dahil tungkol ito sa isang prinsesang Thai na naniniwalang reincarnation siya ng isang nag-suicide na tao sa Japan. Sa pagbukas ng nobela, ang bidang Hapon ay nakatira sa Mandarin Oriental at sumakay siya sa bangka papunta sa Wat Arun, ang Temple of Dawn, sa kabilang pampang ng Chao Phraya. Nakita ko rin ang larawan ni Mishima sa Authors’ Wing ng Mandarin na kuha nang bumisita siya sa Bangkok noong 1967.
Magical naman ang pakiramdam nang bumisita ako sa isang Buddhist Temple, mga dalawampung minutong lakad lamang mula rito sa Sukontha Mansion. May estatwa ng humahalakhak na Buddha sa isang altar sa harap ng mayor na pinto ng Templo. Agad kong naalala ang Buddha sa sala namin sa bahay namin sa Maybato noong maliit pa ako. Dahil Katoliko Serado naman kami, bahagi lang ng dekorasyon ng sala namin iyon. Matabang Buddha na malaki ang tiyan, kondensadang porselana ang balat, iginuhit ang mga kilay, at kay pula ng labi. Siguro binili lang ito ni Nanay sa mga lumalako ng mga mumurahing home décor sa baryo namin. Pero tumatawa ito. May kaunting kurot ng lungkot tuloy akong naramdaman sa aking kaibuturan. Naalala ko sina Nanay, Tita Nening, at Tatay.
Hindi ko kilala ang maraming estatwa roon sa Buddhist Temple. Si Ganesha lang ang kilala ko. Siya ang Buddhang Elepante na dinadasalan upang maiwasan at matanggal ang mga sagabal sa ating buhay. Sana pala binitbit ko ang libro ng mga Buddhist icon na binili ko sa Big Bad Wolf bago pa man mag-pandemic.
May isang tanawin akong medyo matagal ko ring pinagmasdan dahil ang ganda-ganda. Para kasing eksena mula sa Chinese movies na gustong-gusto ko, ang Crouching Tiger, Hidden Dragon at The Banquet. Nakita ko ito nang naglalakad ako na nakamedyas lang sa paikot na terasa sa ikalawang palapag ng main temple. Isang maliit na pagoda na naka-frame sa malago at luntiang kawayan. Maliit na variety ng kawayan ito. Parang Buddha’s belly bamboo namin sa bahay pero straight ang tangkay nito. May umiihip na mahinang hangin mula sa kung saan at mahinhing sumasayaw ang mga dahon. Mga isang oras din akong naupo roon sa terasa at pinagmamasdan ang tanawing ito. Mga alas-kuwatro na iyon ng hapon pero tirik na tirik pa rin ang araw ngunit napapawi nang kaunti ang alinsangang nararamdaman dahil nakaupo lang ako. Nang mag-message ang partner kong si Jay kung ano ang ginagawa ko, nag-video call ako sa kaniya sa Messenger upang ipakita ang tanawing pinagmasmasdan ko at ang bahaging iyon ng templo. Sabi ko sa kaniya huwag lang kaming maingay. Kahit kasi walang tao roon, batid kong nasa isang templo ako. Nagandahan nga si Jay sa kaniyang mga nakita.
Nang bumaba na ako sa temple grounds, nag-ikot-ikot pa ako sa hardin ng mga pagoda at kawayan. Nilapitan ko ang templong iyon at ang mga kawayan sa tabi nito. Kay kinis ng mga tangkay ng kawayan. Ang pagoda kasing laki lang ng karaniwang musoleo. Nang sinilip ko ito, may isang elaborate na altar ay may naka-enshrine na estatwa ng isang Buddhist god. Sa pinto ay may nakasulat in Chinese. Gayundin sa bintana nitong hugis bagua.
Kinagabihan, ipinadala ko sa kaibigan kong si Alice M. Sun-Cua, isang National Book Award-winning writer at translator na marunong mag-English, Mandarin, Hiligaynon, at Spanish, ang larawan ng mga textong iyon sa pagoda para ipasalin sa kaniya. Ang sa kanan (POV ko) ng pinto, “Unless hell is not empty, one is sure to not become a Buddha.” Ang kaliwa naman, “When all live beings passed extremes, then they will become avowed Buddha.” Ilang taon ko na rin namang pinag-aaralan ang Buddhismo, lalo na ang Humanistic Buddhism ng Mabuhay Temple sa Manila malapit sa De La Salle University. Batid kong isang mahirap itong paniniwala o uri ng pamumuhay dahil napakataas ng standard sa pagiging isang mabuting tao. At ito nga ang sinasabi sa pintong iyon ng pagoda: hindi puwedeng ikaw lamang ang malinis at banal, dapat lahat, at kailangang pagdaanan ang mga matinding pagsubok sa buhay upang ika’y maliwanagan. Ang nasa bintana naman, sabi ni Alice, ay “Fu” o “good luck.” Kailangan natin ang mga pampasuwerteng ganito sa isang mundo na hirap magpakatao dahil kaliwa’t kanan ang kasamaan.
Masaya ako at nakapag-contemplate ako sa templong iyon. Nabawasan ang nararamdaman kong lungkot. Naho-homesick kasi ako. Hindi na ako dapat nagbibiyahe na hindi kasama sa Jay. O hindi na dapat ako nagbibiyahe, period. Dapat sa Pinas lang ako. Dapat sa Panay lang ako. Dapat doon lang ako sa hardin namin ni Jay sa Maybato, o sa Iguhag, o sa Aningalan. Tumatanda na nga siguro talaga ako.