By Jaime Babiera
”Look at all these guys with their laptops, just sitting, using it as their personal office. I would hate that.”
Ang mga katagang ito ay mula sa viral video ng isang vlogger kung saan inilalarawan niya ang sitwasyon sa isang coffee shop na kanyang nadaanan. Kagaya ng kanyang nabanggit sa naturang video, hindi siya natutuwang makita na ang coffee shop ay okupado ng mga estudyanteng gumagawa ng assignment o ’di kaya ng mga indibidwal na doon piniling gumawa ng kanilang trabaho.
Simple lamang ang aking palagay ukol sa isyung ito. Kung hindi naman ipinagbabawal ng mismong management ng coffee shop na gamitin ng mga mag-aaral o mga remote employees ang kanilang pasilidad sa kaparaanang kagaya nang nasaksihan natin sa viral video, sa tingin ko ay hindi naman ito problema. Sa katunayan nga ay maraming coffee shops ang mayroong nakalaan na electrical outlets o saksakan sa bawat mesa na maaaring gamitin ng mga customers upang mag-charge ng kani-kanilang gadgets. Kaya wari ko ay hindi naman masamang maglabas ng laptop sa mga coffee shops at doon gumawa ng homework o mga deliverables.
Gayunpaman, huwag nating kalimutan na hindi libre ang pag-upo at pagtambay sa mga coffee shop. Ang oras na inilalagi natin doon ay dapat nating tumbasan ng pagtangkilik at pagbili ng kanilang mga produkto. Higit dito ay nais ko ring ipaalaala na matuto tayong makipagkapwa sa loob ng coffee shop. Sa papaanong paraan? Simple lang. Kung tapos na tayo sa ating ginagawa ay marapatin nating ialok ang ating upuan sa ibang customer na nag-aantay ng bakanteng pwesto.
Hindi ko intensyong salungatin ang opinyon ng dayuhang vlogger sa viral na video. Kagaya nga ng ilang mga komento na nababasa ko sa social media ay maaaring iba sa atin ang kulturang kinagisnan niya pagdating sa mga coffee shop. Gayunpaman, nais kong bigyang-diin sa kolum na ito na tayong mga Pilipino ay mayroon ding sariling coffee shop culture na sana ay matutunang kilalanin at igalang ng ibang lahi.
Email: jaime.babiera@yahoo.com / X: @jaimebabiera