By John Iremil Teodoro
BALIKAN natin si Adrian, yung guwapo at seksing Swedish na katabi ko sa eroplano mula Copenhagen patungong Dubai. Anim na oras din kaming magkatabi. Hindi naman tuloy-tuloy ang pag-uusap namin pero palagi niyang binubuksan ang pagkakataon na mag-usap kami. Halimbawa, sa kada pamimigay ng pagkain, tinatanong niya ako kung masarap o hindi.
Malaking bulas si Adrian pero nakikita kong bata pa siya base sa kaniyang mukha. Sabi kasi sa akin ni Mimi nang minsang may makasalubong kaming mga binatang puti sa Stockholm, ang mga Swedish na lalaki raw kahit kasing laki ng kalabaw ay ang babata pa, mga tinedyer. Kayâ tinanong ko na si Adrian (Sa Ingles kami nag-uusap pero direkta ko nang isasalin dito sa Filipino). “Mukha kang bata, Adrian. Estudyante ka ba sa unibersidad?” Naalala ko rin kasi na nang pumunta kami nina Mimi at Evert John sa Teleborg Castle na nasa campus ng Linnaeus University sa Växjö ay halos walang tao sa unibersidad dahil nagsa-summer break lahat—estudyante, mga guro, at staff.
“Hindi. Hindi ako nag-unibersidad. Pagka-graduate ko ng high school noong 16 ako ay nagtrabaho na ako sa construction. Construction worker ako sa Malmo at 21 na ako ngayon. Anim na taon na akong nagtatrabaho,” sagot niyang tumatawa. Naisip ko, kayâ pala maskulado. Pero makinis ang balat at mukhang mamahalin ang suot na damit at sapatos. Isa sa pinakamalaking lungsod sa Sweden ang Malmo na isang estasyon lang ang layo mula sa Copenhagen Airport. Tatawid lang sa Øresund Bridge, ang walong kilometrong tulay na nagdudugtong sa Sweden at Denmark.
Tinanong din niya ako kung ano ang trabaho ko. Sinabi kong propesor ako sa isang unibersidad sa Manila at kaedad niya ang mga estudyante ko. Kinuwento ko na rin sa kaniya na nagbakasyon lang ako sa kapatid ko sa Lenhovda malapit sa Växjö. Tuwa-tuwa siyang malaman na galing din akong Sweden ay may kamag-anak ako roon.
Sabi ko kay Adrian ang galing niyang mag-Ingles. Sabi ko napansin ko kasi sa Lenhovda, kaunti ang marunong mag-Ingles o ayaw mag-Ingles. Sabi kasi ni Mimi may pagka-anti-American daw ang maraming Swedish. Sabi niya, self-taught daw ang Ingles niya. Nagpa-practice daw siya sa tulong ng Youtube. Saka sa kapapanood ng mga pelikulang Ingles.
Tinanong din niya ako kung maganda magbakasyon sa Dubai. Sabi ko sa kaniyang hanggang airport lang ako. Pero sabi ko, sikat naman na tourist destination ang Dubai at marami siyang mapapasyalan at magagawang activity sa disyerto doon. Sabi niya, “Nagbabakasyon ako taon-taon para lumawak ang mundo ko. Hindi maganda na trabaho lang nang trabaho at walang panahon sa pagre-relax at pagpapahinga.”
Tumawa ako at sinabihan siyang, “Madali sa ‘yong sabihin ‘yan dahil Swedish ka. Ang mga construction worker sa Filipinas, minimum wage lang ang suweldo at kulang na kulang pambili ng pagkain, renta ng bahay, at pag-aaral ng mga anak. Kung may magkasakit pa sa pamilya lalo silang mababaon sa utang.”
Medyo napaisip siya nang sinabi ko na sa Filipinas kailangan mong mag-ipon ng pera para sa pag-aaral at panggastos kung may magkasakit sa pamilya dahil hindi tulad sa kanila sa Sweden na libre ang mga ito. Kayâ ang mga Filipino ay hirap magbakasyon kahit saan. Maliban na lamang kung may politician sa pamilya dahil magnanakaw ang mga politiko sa Filipinas. O may business ang family ninyo na lumaki dahil underpaid ang mga manggagawa ninyo. Ang mga tulad kong nasa middle class dahil may maayos na trabaho, kailangan mag-ipon o mangutang via credit card para makapag-travel. Natahimik si Adrian.
Sa mga sandaling natatahimik kami ni Adrian dahil naiidlip siya o engrossed masyado sa pinapanood sa TV sa kaniyang harapan, may sarili akong kumbersasyon sa isipan ko. Napapa-sana all ako. Sana kasing generous ang gobyerno at negosyo ng Sweden at Filipinas. Sana hindi underpaid at contractual ang karamihang manggawa sa Filipinas para kakayanin din nilang magbakasyon taon-taon abroad, at kahit sa Boracay o Palawan man lang. Yung iba nga sa Metro Manila, kahit sa Dolomite Beach ni Duterte ay hindi kayang pumunta para mag-relax.
Yumayaman ang isang bansa at nararamdaman ito ng mga mamamayan nila kapag hindi korap ang mga namumuno nito. Sa data ng Transparency International hinggil sa Corruption Perceptions Index 2023 (transparency.org), pang-anim ang Sweden na may score na 82 points out of 100. Ang number one na pinaka-least corrupt na bansa ay ang Denmark na may score na 90. Bongga talaga ang mga Scandinavian country: Number 1 ang Denmark, number 2 ang Finland, number 4 ang Norway, at number six ang Sweden! 180 na bansa ang nai-rank ngayong taon.
Nakakahiya siyempre ang ranking ng Filipinas. Na hindi rin naman surprising. Pang-115 at ang score ay 34 na malayo sa passing grade. Kasing corrupt natin (I mean ng mga politiko, nagtatrabaho sa gobyerno, at mga negosyante) ang Ecuador, Indonesia, Malawi, Sri Lanka, at Turkey. Ayon sa Transparency International, ang mga batayan sa Corruption Perceptions Index ay, “bribery, diversion of public funds, officials using their public office for private gain without facing consequences, ability of governments to contain corruption in the public sector, excessive red tape in the public sector which may increase opportunities for corruption, nepotistic appointments in the civil service, laws ensuring that public officials must disclose their finances and potential conflict of interest, legal protection for people who report cases of bribery and corruption, state capture by narrow vested interests, and access to information on public affairs/government activities.
Hindi na ako magbibigay pa ng mga halimbawa dahil baka maging 50,000 words ang column article kong ito. Pero kung mapagmasid at nag-iisip tayo, at hindi sinasamba ang mga politiko, napakadaling maghanap ng example ng mga korapsiyon na ginawa, ginagawa, at gagawin pa nila. Hindi nga nakapagtataka na mababa masyado ang ranking natin.
And speaking of world ranking, bongga tayo sa Paris Olympics ngayon. Si Carlos Yulo nakadalawang gold medal sa gymnastics! Historical ito at dapat talagang ipagbunyi. Kung nagiging number one o top 10 man kasi tayo sa mundo, sa mga maling rason ito: worst airport, most corrupt, lowest in reading comprehension, sciences, and mathematics at kung ano-ano pang nakakaiyak dahil pabaya ang ating pamahalaan.
Ngayon talaga number one tayo sa mundo for real sa gymnastics. Not once but twice. Siyempre umepal kaagad ang mga politiko. May mga e-poster na mas malaki pa ang pangalan at larawan nila kaysa kay Yulo. Nagpakita rin ng kanilang generosity ang private business sectors sa pagbigay ng mga financial at goods incentives na deserve na deserve naman ng mga atletang tulad ni Yulo na nagbigay ng parangal sa bansa. Pero sana ang mga negosyo at mga negosyanteng ito ay generous din sa mga manggagawa nila. Sana ang lahat ng employer sa Filipinas ay generous sa kanilang employee. Kung generous at galante sila sa mga bonggang atletang tulad ni Yulo ay sana generous din sila sa kanilang mga empleyado na nagpapayaman sa kanila.
Kapag naiisip ko si Adrian at ang kaniyang kuwento talagang napapa-sana all ako at masyadong nalulungkot para sa Filipinas.