Matagumpay na naisagawa ang makasaysayang lagdaan ng Memorandum ng Kasunduan (MOA) ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Gunglo dagiti Mannurat nga Ilokano iti Filipinas (GUMIL Filipinas) na dinaluhan ni Dr. Arthur P. Casanova, Tagapangulo, KWF, Dr. Benjamin M. Mendillo Jr., Fultaym Komisyoner para sa Wikang Ilokano, Remy Albano, Pangulo, Gumil Filipinas (GF) at Bise Gobernador ng Lalawigan ng Apayao, at Neyo E. Valez, GUMIL Filipinas (GF) Secretary General sa Bulwagang Balmaseda, Komisyon sa Wikang Filipino, 26 Nobyembre 2021.
Binanggit ni Tagapangulong Casanova na ang kasunduan ay isang hakbang ng KWF upang isakatuparan ang mandato ng ahensiya na paunlarin at payabungin ang wikang Filipino kasabay ang pagpapayabong ng mga katutubong wika sa bansa. Naibahagi rin niya na ang wikang Ilokano ay may bahagi sa kaniyang pusò dahil ang kaniyang ina ay nagmula sa Urdaneta, Pangasinan at ginamit nila ang wikang Ilokano sa kanilang tahanan.
Binigyang diin ni Komisyoner Casanova na ang kasunduan ay isang dokumento na magsisilbing patunay na pinahahalagahan ng KWF ang mga katutubong wika kabilang ang wikang Ilokano.
Kinilala ni Komisyoner Mendillo ang kahalagahan ng kasunduan dahil ito ay nagpapakita ng pagkakaisa ng KWF at Gumil Filipinas (GF) ng kanilang adhika na mapataas ang antas wikang Ilokano. Ayon pa sa kaniya, kinikilala ng KWF ang GUMIL Filipinas (GF) bilang isang malaking institusyon at matibay na haligi upang mabantayan at mapaunlad ang wikang Ilokano. Naniniwala rin siya sa galing at talino ng mga namumuno ng institusyon at sa kanilang pagtuturo ng tamang Ilokano. Dagdag pa ni Dr.Mendillo, kinikilala ng KWF ang mga pagsisikap ng GUMIL Filipinas sa kanilang patuloy na ginagawang pag-aaral ng wikang Ilokano.
Nagpasalamat naman ang pangulo ng GUMIL Filipinas na si Bise Gobernardor Remy N. Albano mainit na pagtanggap sa KWF at sa pakikiisa ng ahensiya kahalagahan ng wikang Ilokano at umaasa silang magiging matagumpay ang kasunduan ng dalawang panig.
Nagpasalamat din siya kay Tagapangulong Casanova dahil sa pagkakataon na makatrabaho ng GUMIL Filipinas ang KWF sa mga usapin hinggil sa wikang Ilokano.
Ang masigasig na pakikipag-ugnayan ni Komisyoner Mendillo Jr. ang naging daan upang maisakatuparan ang kasunduan at magkaroon ng mga proyektong pangwika ang KWF at GUMIL Filipinas sa mga darating na panahon kabilang ang paggawa ng diksiyonaryong Ilokano para sa taong 2022.