By John Iremil Teodoro
MAS madaling maging healthy dito sa Sweden dahil masarap maglakad, malinis ang paligid, intact ang environment, at ang mga pagkain ay kadalasang low sugar, low salt, at low fat dahil komprehensibo ang mga batas nila hinggil sa pangkabuoang kalusugan ng kanilang mamamayan.
Noong Linggo ng umaga maganda ang sikat ng araw. Mga alas-siyete rito sa Sweden at ala-una ng hapon sa Filipinas ay may Zoom miting ako kasama ang dalawang kaguro sa De La Salle University hinggil sa panel discussion na gagawin namin sa isang kumperensiya sa Oktubre. Mabuti at maikli lang ang miting namin dahil nang-iimbita na ang silahis ng araw at ang pagkaluntian sa labas. Pagkatapos ng miting ay minadali ko ang aking agahan at agad na lumabas para mag-walking.
Sabi nga nila, “A walkable city [o town] is a healthy city.” Ganito ang mga lugar dito sa Sweden—dito man sa Lenhovda na isang village na malayo sa lungsod, o sa mga lungsod tulad ng Stockholm, Växjö, Karlskrona, at Kalmar. Naranasan ko ring maglakad sa iba pang mga lungsod dito sa Europa noon na walkable din tulad sa Prague sa Czech Republic; sa Berlin, Lübeck, at Heidelberg sa Germany, at sa Kraków sa Poland. Kayâ gustong-gusto ko ang Lungsod Iloilo ngayon dahil sa Iloilo Esplanade. Masarap maglakad doon. Masaya rin ako na sa amin sa San Jose de Buenavista, Antique ay may Esplanade din na maaaring lakaran. Ang pagkakaiba lang dito sa Europa, malamig kahit summer kayâ mas masarap maglakad dahil hindi masyadong nakakapagod sa pakiramdam, hindi ako nanlilimahid sa pawis, at hindi nakapanghihina ang init ng sikat ng araw.
Isang linggo pa lang ako rito subalit 10K+ steps per day na ang average walking ko. Sabado noong June 8 ako dumating sa Copenhagen. Naka-12,478 steps agad ako dahil bukod sa medyo mahaba ang nilalakad sa mga airport ng Dubai at Copenhagen, napasabak agad ako sa kalalakad dahil sa Nyhavn kami nag-early dinner at medyo malayo ito sa aming hotel na sa tabi lang ng Copenhagen Central Station. So far ang pinakabonggang walking ko talaga in terms of steps ay noong nakarang Huwebes, Hunyo 13, na umabot ng 17,147 dahil namasyal kami sa Kalmar City nang bumisita kami sa Kalmar Castle at nag-shopping sa isang mall doon. Ngayon araw, June 18 ng Martes, 10,307 steps ang average ko for seven days.
Healthy at masarap din ang mga tinapay nila rito sa Sweden. Sa ICA, pangunahing grocery chain dito, varied ang choice ng mga tinapay. Paborito ko ang mga tinapay na multigrain, sourdough, at whole wheat. Ang sarap lagyan ng butter lalo na kung iniinit ko sa microwave oven. Dahil bago ang kusina nina Mimi at hi-tech ang mga gamit, nagpaturo ako kay Juliet kung paano gamitin ang microwave. Ang tanong niyang kumukunot ang noo at parang nawiwirduhan sa akin, “Bakit mo mina-microwave ang tinapay?” Sabi ko, “Para mainit. Bakit? Hindi ba mina-microwave ang tinapay dito sa Sweden?” Ang sagot niya, “Hindi.” Ako rin ang nawirduhan sa sagot. Ang lamig-lamig dito pero ayaw ninyo ng mainit na tinapay? Ang sarap kayang pahiran ng butter ang mainit na tinapay!
Itong multigrain na tinapay na binibili ko sa ICA ay talagang ultra-multigrain na kitang-kita talaga ang mga buo pang grain. Hindi tinipid. Sa Manila nakakabili ako ng ganito, pero hindi ganoon kabongga ang grains, sa Manila Hotel at sa Century Park Hotel. Ganoon din ng mga sourdough bread. May nakikita akong puwedeng orderin online pero siyempre may kamahalan. Kadalasan kapag nasa condo ako sa Taft Avenue, ang whole wheat pandesal ng Pan de Manila ang binibili ko. Hanggat maaari, iniiwasan ko na ang white bread. Hindi ko ito masyadong nagagawa kapag nasa Antique ako dahil walang mabilhan ng healthy bread doon.
Dahil first half pa lamang ng Hunyo, wala pa masyadong wild berries. Tumutubo pa lang ang mga raspberry sa likod ng Sirenahus. Tumutubo pa rin lang ang mga blueberries sa gubat ng pine trees. Pero sa pagwo-walking ko, may mga bakuran akong nadadaanan na may bunga na ang mga cherry tree nila. Hindi pa ako nadadala nina Jonas at Mimi sa bahay ni Morsan sa farm. Si Morsan (Svenska para sa ina) ang nanay nina Jonas na nakatira sa isang 150 year old na bahay na napapalibutan ng cherry and apple trees. Noong 2016 sa unang pagbakasyon ko rito, doon kami palagi kumakain ng lunch at fika kada Sunday. Masarap siyang magluto at non-stop siyang magluto kapag nandoon kami. Pero ngayon sabi nina Jonas at Mimi, mahina na talaga si Morsan at hindi na kayang magluto.
Pero may mga tinda nang strawberries at cherries sa ICA. Tag-50 kroner (times 6 sa Philippine peso) ang isang balot na half kilo lang yata. Mahal. Ang strawberry dito lang sa Lenhovda galing pero ang cherry imported from Turkey. Pero kahit mahal, bumibili pa rin kami ni Mimi. Ayaw lang ni Mimi na bumili ako ng blueberries. Masyado raw mahal. Maghintay lang daw ako ng ilang linggo lang at puwede nang mamitas nito sa gubat. Healthy ang berries dahil masarap na mga anti-oxidant ito.
Talagang solid ang mga batas ng Sweden pagdating sa pangkalahatang kalusugan nila. Halimbawa, ang mga bata Sabado lamang puwedeng kumain ng chocolate at junk food. Hindi pang-araw-araw na pagkain ang mga ito. Bawal ang red hotdog dito dahil hindi ito healthy food ayon sa kanilang Department of Health. Norm dito ang mga tinda sa grocery na low sugar, low salt, at low fat. Ang ketchup nila parang walang lasa!
Kapansin-pansin na ang lahat ng lungsod, bayan, at baryo nila ay may mga parke at walking/jogging path. Nakikita ko ito sa mga estasyon ng tren. Ang ganda ng Sjöparken dito sa Lenhovda. “The lake park” ang ibig sabihin ng sjöparken na isang katagang Svenska. May children’s playground, may pond ng mga pato, maraming bulaklak at punongkahoy. May swimming platform din sa lake na parang swimming pool para sa mga bata at kung minsan may nakikita akong namimingwit doon. Wala pang naliligo sa lake ngayon dahil malamig pa masyado.
Sikat ang parkeng ito ng Lenhovda sa mga nagka-camping. May malawak na space ito para sa mga camper—mga tao at sasakyan. Nang maglakad ako doon noong isang araw, may limang magarang campers (yung sasakyan na parang maliit na bahay) na. Sabi ni Mimi, mula pa raw sa Stockholm ang iba dyan. Ang parking na ito ng campers, may mga CR at shower room ang village ng Lenhovda para sa mga bisita. Napapansin ko na rin, dumadami na ang mga taong bumibili sa ICA.
Malaking bahagi ng pagiging healthy ng Sweden bukod sa pagkain at mga parke ay ang kultura nilang mag-commune sa nature. Marami na talagang pag-aaral na nakabubuti sa kalusugan ng katawan, isipan, at kaluluwa ang pakikipag-ulayaw sa kalikasan. Kapag buwan ng Hulyo, may bakasyon ng isang buwan ang mga empleyado at manggagawang Swedish para ma-enjoy ang nature sa panahon ng tag-araw. Tila sinisiguro ng gobyerno nila na maging healthy ang kanilang mga mamamayan dahil siguro mas makatitipid sila dahil sagot ng pamahalaan ang lahat ng pangangailangang pangkalusugan nila kung may magkasakit. Malaking tipid nga naman para sa kaban ng bayan kung malusog ang mga mamamayan.
Ano pa nga ba ang masasabi ng Sirenang galing sa isang bansa na pinamumunuan ng mga korap na politiko at negosyante kundi, “Sana all.”