By John Iremil Teodoro
PAKIRAMDAM ko, mga 35 lang ako o mas bata pa nga. Hindi ko talaga nakikita ang sarili ko na umabot na ng kalahating siglo sa mundo. Hindi lang lampas ng kalendaryo kundi kalahating siglo na. As in. Century na ang pinag-uusapan. Ngayong araw, ika-14 ng Nobyembre 2023, naging 50 taong gulang ako. Ito ang hindi mapagkakailang katotohanan.
Hindi ako nagplano ng isang malaking birthday party para sa sarili ko. Ayaw kong gumastos. Ang perang naitabi ko ay ginastos ko sa pagpapa-renovate ng ancestral home namin sa Maybato. Kayâ hindi tulad ng mga kaibigan ko na kaklase noong hayskul na nitong taon ay bongga ang kanilang mga 50th birthday celebration, ako, nasa 20th San Agustin Writers Workshop ngayong araw bilang panelist. Oo, ordinaryong panelist na lamang ako umpisa ngayong taon dahil naka-sabbatical leave ako. Iniwan ko na ang mga responsabilidad ko sa mga organisasyong kinabibilangan ko at sa mga gawaing pangkulturang pinagkakaabalahan ko nitong mga nakaraang taon.
Halimbawa, hindi na ako ang workshop director ng San Agustin Writers Workshop at ng Iyas National Writers Workshop. Ngayong 50 na ako, tinatamad na akong mag-panel sa mga workshop. Hindi lang ako makahindi sa SanAg workshop dahil ika-20 na taon nito ngayon at ako ang nagpasad ng workshop na ito. Tinatanggap ko lamang ang mga imbitasyon na mag-lecture kung online ito. Ayaw ko na o ayaw ko munang magbiyahe para magsalita sa mga kumperensiya. Matapos ng anim na taon, hindi na rin ako ang Sekretaryo Heneral ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas.
Tamang-tama itong sabbatical leave ko sa aking ika-50 na kaarawan. Sabi ko kasi sa sarili ko, pagtuntong ko ng edad 50 ay magso-slowdown na ako. Dibdiban na akong maghahanda para sa aking retirement at may balak pa nga akong mag-retire sa edad na 55.
Ngayong araw, nais ko lamang ipagpasalamat ang mga biyaya ng Poong Maykapal sa aking buhay. Marami akong pinagdaanang pagsubok sa buhay at naiisip ko paminsan-minsan, paano ko ba nalampasan ang mga iyon? Dahil naniniwala ako sa Diyos, alam kong hindi niya ako bibigyan ng pagsubok na hindi ko kakayanin. Mabait ang Diyos sa akin.
Hindi man perpekto ang buhay ko at marami pang kulang, pero pakiramdam ko wala akong karapatan na maghinanakit o magreklamo dahil naging mabait sa akin ang buhay. Marami akong natanggap na biyaya bago pa man ako mag-50. Ang ilan sa mga ito ay (1) naging full professor ako, (2) nanalo ako ng S.E.A. Write Award, (3) nakapagbakasyon ako sa Europa, at (4) nakahanap ako ng aking significant other. Sobra-sobra na kumbaga. Dapat lang na makuntento na ako.
Hindi naman totoong wala akong selebrasyon para sa aking ika-50 na kaarawan. Ang totoo, mukhang mahabang selebrasyon nga ito—simula ng Nobyembre 13 hanggang sa kalagitnaan ng Enero sa susunod na taon. Maghahanda ako ng spaghetti ngayong araw sa SanAg workshop at magpapa-lechon para sa 20th homecoming sa Huwebes, Nobyembre 16. Magbabakasyon sa Antique sina Ateng, Yasmin, Cris, at Assad mula Nobyembre 17 hanggang 23. Dadating ang kapatid kong si Gary at ang asawa niyang si Verna sa Antique sa Nobyembre 23 at mananatili sila sa bahay hanggang katapusan ng buwan. Dadating si Mimi at ang mga anak niya mula Sweden sa Disyembre at mananatili sila rito hanggang Enero.
Samakatwid, gusto kong ipagdiwang ang aking kaarawan kasama ang mga mahal ko sa buhay sa isang paraan na hindi stressful, hindi nakakapagod, at hindi magastos pero maglilikha ng mga magandang alaala.
Mamayang gabi, magdi-dinner kami ng ilang kaibigan ko sa Hotel del Rio, ang pabiro kong tinatawag na “Official Iloilo City Residence of the Sirena.” Mga sampu lang kami at simpleng hapunan lang pero kasama silang mga minamahal na kaibian sa gabi ng aking kaarawan.
Ang pinakabonggang birthday celebration ko ay ang paglabas ngayong buwan ng pinakabago kong libro ng mga tula sa Filipino at Kinaray-a—ang Kembang Kertas: Mga Binalaybay/Mga Tula. Kasama ito sa ilulunsad na mga libro ng Ateneo de Manila University Press sa Nobyembre 29 sa Ateneo sa Katipunan Avenue. Mga tula ito tungkol sa Mindanao kung tagasaan ang aming Nanay at sa pamamasyal ko sa mga karatig-bansa natin sa Timog-Silangang Asya. Pang-13 na libro ko ito ng mga tula. Not bad for a 50-year-old poet.
Paano ba sinusukat ang buhay ng isang manunulat upang masabi nating matagumpay ito? Sa dami ba ng mga natanggap na award? Sa dami ng nalathalang libro?
Mga tatlumpong taon na akong naging seryosong manunulat. Napanalunan ko ang unang dalawang national award ko—ang Gawad Ka Amado para sa Tula at ang Cultural Center of the Philippines Literature Grant for Filipino Poetry—noong 18 taong gulang pa lamang ako nang nasa kolehiyo ako rito sa Lungsod Iloilo. Nitong Agosto lamang, tinanggap ko mula sa prinsesa ng Thailand sa kanilang palasyo sa Bangkok ang S.E.A. Write Award, isang award na hindi ko pinangarap dahil pakiramdam ko noon this is beyond me. Ito na ang pinakamalaking award na natanggap ko at ang biro ng mga kamag-anak kong Swedish, Nobel Prize for Literature na ang susunod. Noong maliit pa si Juliet, palagi niyang sinasabi na ako ang “the best writer in the world” kaya sinabihan ko siyang huwag niyang kalimutang ipaalam ito sa Swedish Academy!
Gusto ko pa bang manalo ng National Artist Award? Ng Ramon Magsaysay Award? Ng Nobel Prize for Literature? Oo naman! Why not coconut? Gusto ko mang mapanalunan ang mga ito at hinding-hindi ko tatanggihan kung ibibigay sa akin, pero hindi ko paplanuhin ang buhay ko, lalo na ang buhay-manunulat ko, para “masigurong” makuha ang mga award na ito. Nasa quotation marks ang salitang “masiguro” dahil ang mga award na ganito ay isang bagay na wala sa kontrol ko. Nitong magkapandemya nagbabasa ako ng mga libro ng mga Stoic at ang isa sa mga pinaka-basic na sinasabi nila, problemahin mo lamang ang mga bagay na kontrolado mo pero hayaan mo na ang mga bagay na hindi mo kontrolado.
Ayaw kong matulad sa isang manunulat na kada buwan na ina-announce ang Nobel Prize ay nakaupo lang siya sa tabi ng kaniyang telepono kasi inaabangan ang tawag mula sa Stockholm. Ayaw ko rin na sa edad na 60 o 70 ay iisipin ko pa at pagkakaabalahan ang paglathala ng mga librong parangal para sa akin. Sa edad ko ngayon, ayaw ko na ring magkumahog pa na ma-appoint bilang komisyoner o chair ng isang government agency para magkaroon ako ng kapangyarihan at impluwensiya.
Sa edad na 50 sapat na para sa akin ang mga parangal na natanggap ko bilang manunulat. Sapat na rin para sa akin ang mga nalathala kong libro. Pero siyempre hindi pa rin ako titigil sa pagsulat at sa paglathala ng mga libro. Sa katunayan, nais ko pa ngang ipa-register ang publishing label kong Sirena Books para maglathala ng sarili kong mga libro at mga libro ng mga kaibigan ko. Tatanggapin ko rin at ipagpasalamat kung may mga parangal pang darating.
Ang mahalaga sa akin, kailangan ko nang makuntento sa buhay ko ngayon para mas maging mabuting tao ako. Ang naoobserbahan ko kasi, ang isang tao ay gumagawa ng masama o nagiging masama kapag marami pang gustong ma-achieve o makamal sa buhay. Human greed. Ito talaga ang puno’t dulo ng kasamaan nating mga tao dahil nagiging ugat ito ng ating pagiging insecure, inggitera, mahikaw, pretensiyosa, at feelingera. Lahat naman tayo ay may tendency na maging greedy. Kayâ sa edad na 50, gusto kong gawin ang lahat ng aking makakaya na hindi ako maging gahaman at sa halip maging kuntento na sa kung anong mayroon ako para sa aking susunod na kalahating siglo sa mundo ay maging mabait at masaya ako.
Hindi ko kailangang maging pinakamayamang sirena at pinakasikat na manunulat sa Isla Panay, sa buong Filipinas, sa Southeast Asia, o sa Planet Earth para maging maligaya. Sapat na sa akin ang magkaroon ng maliit na hardin, maliit na bahay na punô ng mga libro, at may makain tatlong beses isang araw na wala akong natatapakang ibang tao, para masabi kong matagumpay ang buhay ko rito sa ibabaw ng mundo.